Sabado, Hunyo 27, 2015

talata 21-25

21. Dapat ding makuha ang mga tala ng polusyong nilikha ng mga nalikha mula sa latak, kasama na ang mga mapanganib na basurang naroon sa iba't ibang lugar. Bawat taon, nabuo ang daan-daang milyong tonelada ng basura, na halos di-nabubulok, lubhang nakalalason at radyaktibo, mga sa mga tahanan at mga kalakalan, mula sa pook na may konstruksyon at demolisyon, mula sa pinanggagalingang pang-klinika, elektroniko at pang-industriya. Ang daigdig, ang ating tahanan, ay nagsisimula nang magmukhang napakalaking tumpok ng basura. Sa maraming bahagi ng planeta, ang mga hibik noon na ang dating magagandang tanawin ay natakpan na ng basura. Maaaring tumungo sa bayoakumulasyon (o pagkaipon ng mga materyal) sa mga organismo ng populasyon ang mga basurang pang-industriya at mga produktong kemikal na ginamit sa mga lungsod at pook pang-agrikultura, kahit na mababa ang antas ng lason sa mga lugar na iyon. Kadalasan walang hakbang na ginagawa hanggang sa tuluyan nang maapektuhan ang kalusugan ng mamamayan.

22. Ang mga problemang ito'y malapit na nakaugnay ang mga maaksayang kulturang nakaaapekto sa mga pinabayaan ng lipunan tulad ng agarang pagbabago ng mga bagay sa pagiging basura. Upang magbigay ng isang halimbawa, halos ang mga nalilikha nating papel ay itinatapon at hindi na nireresiklo. Mahirap para sa ating tanggapin na kung paano tumatakbo ang likas na ekosistema ay napakahuwaran: lumilikha ng pagkaing pampalusog ang mga halaman na pinapakain sa mga herbibora;  ang mga ito nama'y nagiging pagkain ng mga karnibora kung saan nakalilikha ng makahulugang dami ng organikong basura na pinagmulan naman ng panibagong henerasyon ng mga halaman. Ngunit ang ating sistemang industriyal, sa katapusan ng siklo nito ng produkyon at pagkonsumo, ay hindi nakapagpaunlad ng kakayahang makuha at muling magamit ang mga basura at mga sumibol mula rito. Hindi pa natin napangasiwaang magpatibay ng isang modelong sirkular ng produksyon na kayang pangalagaan ang mga likasyaman para sa salinlahi ng kasalukuyan at hinaharap, habang binabawasan hangga't maaari ang paggamit ng mga pinagkukunang hindi nagbabago (non-renewable), katamtaman lamang ang pagkonsumo, pinahuhusay ang tamang paggamit nito, muling ginagamit at muling nireresiklo ang mga ito. Ang maselang pagsasaalang-alang sa usaping ito ay magiging isang paraan upang salungatin ang maaksayang kulturang nakaaapekto sa buong planeta, ngunit masasabing napakalimitadong progreso lamang ang nagawa hinggil dito.

Ang Klima bilang pangkalahatan

23. Ang klima ay pangkalahatan, pag-aari ng lahat at sinadya para sa lahat. Sa pandaigdigang antas, isa iyong kumplikadong sistemang nakaugnay sa maraming mahahalagang kalagayan ng pamumuhay ng tao. Ipinahihiwatig ng isang napakasolidong siyentipikong kaisahan na sa ngayon ay nasasaksihan natin ang nakababahalang pag-iinit ng sistemang klimatiko. Sa mga nakaraang dekada, kasama ng pag-iinit na ito ang palagiang pagtaas ng tubigdagat at, lilitaw na, sa pamamagitan ng pagtaas ng matinding kaganapan ng panahon, maging ang mapagpasyang dahilang pang-agham ay hindi mailalapat sa bawat partikular na palatandaan. Tinawag ang sangkatauhan upang kilalanin ang pangangailangang baguhin ang estilo ng pamumuhay, produksyon at pagkonsumo, upang malabanan ang pag-iinit na ito o kaya'y ang mga dahilang pantao na lumikha o nagpalala nito. Totoo na marami pang ibang salik (tulad ng galaw ng bulkan, ang pagbabagu-bago ng orbita at aksis ng daigdig, ang siklo ng araw), gayunman ipinahihiwatig ng syentipikong pag-aaral na ang maramihang daigdigang pag-iinit sa mga nakaraang dekada ay dahil sa napakalaking konsentrasyon ng greenhouse gases (carbon dioxide, methane, nitrogen oxides at iba pa) na lumitaw bilang agarang resulta ng aktibidad ng tao. Nakakonsentra sa atmospera, di pinapayagan ng mga gas na ito na maikalat sa kalawakan ang init mula sa sinag ng araw na tumatama sa daigdig. Pinalala pa ang problema ng isang modelo ng pag-unlad na nakabatay sa matinding paggamit ng mga fossil fuel o panggatong mula sa labi ng mga sinaunang organismo, na nasa puso ng daigdigang sistema sa enerhiya. Ang isa pang tukoy na salik ay ang paglaki ng pagbabagong gamit ng lupa, lalo na ang deporestasyon o pagpatag ng mga kagubatan at pagpuputol ng mga puno para sa layuning pang-agrikultura. 

24. May mga epekto ang pag-iinit sa siklo ng karbon. Lumilikha ito ng mapanirang siklo na nagpapalala pa ng kalagayan, na nakaaapekto sa pinagkukunan ng mahahalagang likasyaman tulad ng maiinom na tubig, enerhiya at produksyong agrikultural sa mga maiinit na rehiyon, at tumutungo sa pagkalipol ng bahagi ng saribúhay ng planeta. Ang paglusaw sa mga polar ice cap (o matataas na rehiyong natatakpan ng yelo) at sa matataas na kapatagan ay maaaring tumungo sa mapanganib na pagpapakawala ng methane gas, habang ang pagkabulok ang mga nagyelong organikong materyal ay maaaaring magpalaki pa ng pagbubuga ng carbon dioxide. Lalo pang lumubha ang kalagayan sa pagkawala ng mga kagubatang pantropiko na maaari pang makatulong sa pagbabawas sa pagbabago ng klima. Ang polusyon ng carbon dioxide ay magpapalaki sa pagkaasido ng mga karagatan at nalalagay sa kompromiso ang siklo ng pagkaing dagat. Kung magpapatuloy ang kasalukuyang kalakaran, masasaksihan ng siglong ito ang ekstraordinaryong pagbabago ng klima at ang di-pa-nangyayaring pagkawasak ng ekosistema, ng may malubhang kahihinatnan para sa lahat sa atin. Ang pagtaas ng tubig-dagat, halimbawa, ay makalilikha ng napakalubhang kalagayan, kung isasaalang-alang natin ang sangkapat ng populasyon ng daigdig na nananahan sa mga dalampasigan o kalapit nito, at ang mayorya ng ating mga malalaking lungsod na naroroon sa mga baybay-dagat.

25, Ang pagbabago sa klima ay isang pandaigdigang suliraning may malubhang implikasyon: pangkapaligiran, panlipunan, pang-ekonomya, pampulitika at para sa pamamahagi ng mga kalakal. Kinakatawan nito ang isa sa mga pangunahing hamon na kinakaharap ng sangkatauhan sa kasalukuyan. Ang pinakamalubhang epekto nito'y maaaring danasin ng mga papaunlad na bansa sa mgadarating na dekada. Karamihan ng mga dukha'y naninirahan sa mga pook na apektado ng mga palatandaang kaugnay sa pag-iinit, at ang kanilang pamamaraan ng ikinabubuhay ay halos nakasalalay sa likasyaman at serbisyo ng ekosistema tulad ng agrikultura, pangingisda at pangkagubatan. Wala silang ibang pinagkakaitaan o pinagkukunan kung saan makaaangkop sula sa pagbabago ng klima o sa pagharap sa mga natural na kalamidad, at limitado lamang ang kanilang madaling pagkuha ng serbisyong panlipunan at proteksyon. Halimbawa, pagbabago sa klima, kung saan hindi makaangkop ang mga hayop at halaman, ay nagtutulak sa kanilang lumipat ng lugar; dulot nito'y naaapektuhan ang kabuhayan ng mga dukha, na natutulak namang iwan ang kanilang mga tahanan, nang walang katiyakan ang kanilang kinabukasan at ng kanilang mga anak. Lubhang tumataas ang bilang ng mga migranteng tumatakas sa papalalang kahirapang dulot ng pagkawasak ng kapaligiran.  Hindi sila kinikilala ng mga pandaigdigang kasunduan bilang refugee o nagsilikas; tintiiis nila ang pangkawala ng mga buhay na kanilang iniwanan, nang hindi napapalang anumang proteksyong ligal. Ang nakalulungkot, laganap ang pagwawalang-bahala sa mga pagdurusang ito, kung saan maging sa ngayon ay nagaganap sa maraming panig ng daigdig. Ang kakulangan natin sa pagtugon sa mga trahedyang ito kasama ang ating mga kapatid ay tumutukoy sa pagkawala ng kahulugan ng pananagutang iyon para sa ating kapwa kung saan nagsimula ang lahat ng lipunang sibil.

Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento