Huwebes, Hulyo 30, 2015

talata 166-170

166. Sa buong mundo, may nagawang mahahalagang pagsulong ang kilusang ekolohikal, salamat sa mga pagsisikap ng iba't ibang organisasyon ng lipunang sibil. Imposibleng banggitin sila dito lahat, o repasuhin ang kasaysayan ng kanilang mga inambag. Ngunit salamat sa kanilang mga pagpupunyagi, ang mga usaping pangkapaligiran ay lumalawak na nailalagay sa mga pampublikong adyenda at humihimok nang mas malayong pagtanaw. Sa kabila nito, ang nakaraang Daigdigang Pagpupulong hinggil sa kapaligiran ay hindi nagbunga tulad ng inaasahan dahil, sa kakulangan ng pampulitikang igkas, di nila narating ang totoong makahulugan at epektibong mga pandaigdigang kasunduan hinggil sa kapaligiran.

167. Mahalagang banggitin ang Daigdigang Pagpupulong noong 1992 sa Rio de Janeiro. Ipinahayag nitong "ang mga tao ang sentro ng alalalahanin para sa likaskayang pag-unlad". [126] Sa pagbanggit sa Pahayag sa Stockholm noong 1972, idinambana nito ang pandaigdigang kooperasyon upang pangalagaan ang ekosistema ng buong daigdig, ang obligasyon ng mga taong sanhi ng polusyon upang panagutan ang mga pinsala nito, at ang tungkuling tasahin ang epekto sa kapaligiran ng mga hátag na proyekto at gawain. Itinatakda nito ang layunin ng paglimita sa konsentrasyon ng greenhouse gas sa atmospera, sa pagsisikap na mabaligtad ang takbo ng daigdigang pag-iinit. Nagbabalangkas na rin ito ng isang adyenda na may plano ng pagkilos at isang malawakang pagpupulong hinggil sa saribúhay, at nagsaad ng mga prinsipyo hinggil sa mga gubat. Bagamat ang malawakang pagpupulong ay totoong hakbang pasulong, at tila tinatadhana sa panahong iyon, masagwa ang pagpapatupad ng mga kasunduang iyon, dahil sa kakulangan ng angkop na mekanismo sakaling makaligtaan, pana-panahong pagsusuri at mga parusa sa kaso ng mga hindi-tumalima. Ang mga prinsipyong ipinahayag nito ay naghihintay pa rin ng isang mahusay at nakakaangkop na pamamaraan ng praktikal na pagsasakatuparan.

168. Ang mga positibong karanasan hinggil dito, mababanggit natin, halimbawa, ang Kombensyong Basel hinggil sa mga mapanganib na basura, sa sistema nito ng pag-uulat, mga pamantayan at pagkontrol. Nariyan din ang pinagtibay na Kombensyon hinggil sa pandaigdigang kalakalan ng mga nanganganib na espésye ng mga ilahas na fauna at flora, kung saan kasama rin ang pagbisita sa mismong mga pook upang mapatunayan ang epektibong pagtalima. Maraming salamat sa Kumbensyon ng Vienna para sa proteksyon ng ozone layer at ang pagpapatupad nito sa pamamagitan ng Montreal Protocol at mga amyenda nito, ang problema sa pagnipis ng suson nito ay mistulang pumasok na sa yugto ng resolusyon. 

169. Habang dapat pagtuunan ng pansin ang proteksyon ng saribúhay at mga usaping kugnay ng desertipikasyon, nagiging hindi gaanong mahalaga ang progreso. Hinggil naman sa pagbabago ng kilima, nakalulungkot na kakaunti lamang yaong paglago. Ang pagbabawas ng mga greenhouse gas ay nangangailangan ng katapatan, katapangan at pananagutan, higit sa lahat sa bahagi ng mga bansang mas makapangyarihan at siyang lalong nagdudumi sa kapaligiran. Ang Kumperensya ng United Nations hinggil sa Likaskayang Pag-unlad, “Rio+20” (Rio de Janeiro 2012), ay nagpaabot ng dokumentong naglalaman ng malawakan ngunit di epektibong resulta. Hindi makapagsagawa ng makabuluhang progreso ang mga pandaigdigang negosasyon dahil sa mga paninindigang tinanganan ng mga bansang inuna ang kanilang pambansang interes kaysa pandaigdigang kagalingan ng lahat. Yaong mga magdurusa sa mga kahihinatnan ng kung ano ang itinatangka nating itago ay hindi malilimtan ang kabiguang ito ng budhi at pananagutan. Kahit na nang inihahanda pa lang ang Ensiklikong ito, tumitindi na ang debate. Tayong mga mananampalataya'y hindi mabibigong hilingin sa Diyos ang isang positibong kalalabasan ng kasalukuyang mga talakayan, upang ang mga susunod na salinlahi'y hindi pagdusahan ang mga epekto ng ating di mabuting payo ng pagkaantala.

170. Ang ilang mga istratehiya upang mapababa ang mga emisyon ng maruruming gas ay nag-aanyaya ng pagsasapandaigdigan ng mga guguling pangkapaligiran, na ipinagsasapalaran ang pagpapataw sa mga bansang may kakaunting likasyaman ng mabibigat na pangako upang mabawasan ang mga dapog o emisyon kung ikukumpara sa mga nasa mas industriyalisadong bansa. Ang pagpapataw ng mga gayong hakbangin ay nagpaparusa sa mga bansang mas nangangailangan ng pag-unlad. Isa pang dagdag na kawalang katarungan ang naisagawa sa pagkukunwaring pinoprotektahan ang kapaligiran. Dito rin, sa dulo'y ang mga dukha ang siyang nagdurusa. Dagdag pa, dahil mas mararamdaman sa matagal na panahon ang mga epekto ng pagbabago sa klima, kahit na isagawa na ngayon ang mahihigpit na hakbangin, ang mga bansang may kakaunting likasyaman ay nangangailangan ng tulong upang makaangkop sa mga epektong nangyayari na, at siyang nakaaapekto sa kanilang mga ekonomya. Sa ganitong konteksto, kinakailangan ng isang magkakapareho at magkakaibang pananagutan. Tulad ng ipinahayag ng mga obispo ng Bolivia, "ang mga bansang nakinabang mula sa mataas na antas ng industriyalisasyon, sa kapinsalaan ng malawak na emisyon ng mga greenhouse gas' ay may mas malaking pananagutan upang makapagbigay ng kalutasan sa mga suliraning kanilang idinulot". [127]

Itutuloy...

Sabado, Hulyo 25, 2015

talata 161-165

161. Ang mga hula ng pagkagunaw ng mundo'y hindi na haharapin nang may panunuya o pagkikibit-balikat. Maaring maiwan natin sa mga susunod na salinlahi ang mga basura, kapanglawan at karumihan. Ang bilis ng pagkonsumo, pag-aaksaya at pagbabago sa kapaligiran ang nag-unat sa kakayahan ng planeta na ang ating kasalukuyang estilo ng pamumuhay, na hindi sustenable, ay maaaring magpadali lamang sa mga sakuna, tulad ng kahit na ngayon ay pana-panahong nagaganap sa iba't ibang panig ng mundo. Ang mga epekto ng mga kawalan ng balanse sa kasalukyan ay mababawasan lamang ng ating mga tiyak na pagkilos, dito at ngayon. Dapat nating pagnilayan ang ating pananagutan sa mga taong pagtitiisan ang mga kahihinatnang nakatatakot.

162. Ang bigat ng seryosong pagtahak sa hamong ito ay may kinalaman sa etikal at pangkulturang pagdausdos na sinamahan ng pagkasira ng kapaligiran. Ang mga tao sa ating postmodernong mundi ay nanganganib sa laganap na pagkamakasarili, at kayraming suliranin ng lipunan ang nakaugnay sa kasalukuyang kulturang nakatutok sa sarili ng sandaling kasiyahan. Nakikita natin ito sa krisis ng pamilya at pamilyang ugnayan at ang mga kahirapang makilala ang iba. Maaring madaling kumiling sa mapusok at mapag-aksayang pagkonsumo ang mga magulang, na makakaapekto sa kanilang mga anak at nakikita na rin ang kahirapang makakuha ng sariling bahay at makapagbuo ng sariling pamilya. Dagdag pa, ang kawalan natin ng kakayahang seryosong mag-isip para sa mga susunod na salinlahi ay nakaugnay sa kawalan natin ng kakayahang palawakin ang sakop ng ating kasalukuyang interes at isaalang-alang yaong mga nananatiling hindi kasama sa kaunlaran. Huwag nating isipin lang ang mga maralita sa hinaharap, kundi ang kasalukuyang mahihirap, na ang buhay sa mundong ito'y maikli at hindi na makapaghihintay. Kaya, "dagdag sa patas na kahulugan ng pagkakaisang tumatagos sa maraming henerasyon, may kagyat ding pangangailangang moral para sa muling pagbabagong kahulugan ng pagkakaisa ng mga nasa iisang henerasyon". [125]

KABANATA LIMA

MGA LINYA NG PAGTUGON AT PAGKILOS

163. Sa ngayon, tinangka kong suriin ang mga naganap sa  ating kasalukuyang kalagayan, tinututukan ang mga bitak sa planetang pinananahanan din natin pati na ang malalalim na sanhing gawa ng tao sa pagkasira ng kapaligiran. Bagamat ang pagininilay natin sa reyalidad na ito sa kanyang sarili ay nagpakita na ng pangangailangan baguhin ang direksyon at iba pang larangan ng pagkilos, ngayon ay susubukan nating balangkasin ang mga mayor na landasin ng pakikipagtalakayan na makatutulong sa ating upang matakasan ang pag-ikid ng pagpapatiwakal na kasalukuyang bumabalot sa atin. 

I. PAKIKIPAGTALAKAYAN HINGGIL SA KAPALIGIRAN SA PANDAIGDIGANG PAMAYANAN

164. Sa pagsisimula ng kalagitnaan ng nakaraang siglo at mapagtagumpayan ang maraming suliranin, may dumaraming paniniwalang ang ating planeta'y isang tinubuang lupa at ang sangkatauhan ay isang taong naninirahan sa isang pangkalahatang tahanan. Ang isang nagtutulungang mundo'y hindi lang ginagawa tayong higit na maalam sa mga negatibong epekto ng ilang estilo ng pamumuhay at modelo ng produksyon at pagkonsumong nakaaapekto sa ating lahat; mas mahalaga, inuudyukan tayo nitong tiyaking naipapanukala ang mga kalutasan mula sa perspektibang global, at hindi lamang payak naipagtanggol ang interes ng ilang bansa. Inoobliga tayo ng pagtutulungan na pag-isipan ang isang daigdig na may isang planong pangkalahatan. Gayunman ang gayong pagkamalikhain na nagdala ng malaking teknolohikal na pagsulong na sa ngayon ay napapatunayang hindi kayang makahanap ng mga epektibong pamamaraan sa pagtugon sa malala nang problemang pangkapaligiran at panlipunan sa buong mundo. Mahalaga ang isang pandaigdigang napagkaisahan sa pagharap sa mas malalalim na problema,na hindi malulutas sa pamamagitan ng sarilinang aksyong sa bahagi ng mga indibidwal na bansa. Ang napagkaisahang tulad nito ay maaaring tumungo, halimbawa, sa pagpaplano ng isang tuluy-tuloy at samutsaring agrikultura, pagsulong ng nababago at di gaanong maruming anyo ng enerhiya, naghihikayat ng mas mahusay na paggamit ng enerhiya, pagtataguyod ng mas magandang pangangasiwa ng yamang dagat at kagubatan, at pagtitiyak ng madaling pagkuha ng maiinom na tubig sa buong mundo.

165. Alam nating ang teknolohiyang nakabatay sa paggamit ng napakaruruming fossil fuel - lalo na ang coal, pati na rin langis at, sa mas mababang antas, ay gas - na kinakailangang progresibong mapalitan ng walang pagkaantala. Hanggang maisagawa ang mas malaking progreso sa pagbubuo ng mas madaling makuhang bukal ng nababagong enerhiya, marapat lamang piliin ang mas mababa sa dalawang kasamaan o mahanap ang mga maiiksing solusyon. Ngunit hindi pa nakararating sa angkop na mga kasunduan ang pandaigdigang pamayanan hinggil sa pananagutan upang mabayaran ang halaga ng pagbabagong-kalagayan ng enerhiyang ito. Sa mga nakaraang dekada, iniangat ng mga usaping pangkapaligiran ang maraming pampublikong debate at nagtamo ng samutsaring mapagpasya at mapagbugay na sibikong tugon. Mabagal magsikilos ang pulitika at negosyo sa pamamaraang  kailangang-kailangan sa kinakaharap na mga hamon ng ating mundo. Bagamat magandang naaalala ang yugto pagkatapos ng rebolusyong industriyal bilang isa sa pinakaalibugha (o walang kapanagutan) sa kasaysayan, gayunman may dahilan para asahang maaalala ang sangkatauhan sa pagbubukang-liwayway ng ikadalawampu't isang siglo sa bukas-palad nitong pagsasabalikat ng maselang pananagutan nito.

Itutuloy...

Huwebes, Hulyo 16, 2015

talata 156-160

IV. ANG PRINSIPYO NG PANGKALAHATANG KABUTIHAN

156. Ang ekolohiyang pantao'y hindi maibubukod ang ideya ng pangkalahatang kabutihan, ang pangunahin at mapagkaisang prinspyo ng panlipunang etika. Ang pangkalahatang kabutihan ang "kabuuan ng mga kalagayang iyon ng panlipunang pamumuhay kung saan pinahihintulutan ang mga panlipunang grupo at kanilang mga indibidwal na kasapi na lubusang kamtin ang sariling katuparan ng masusi at may kahandaan. [122]

157. Batay sa prinsipyo ng pangkalahatang kabutihan ang paggalang sa isang tao, na pinagkalooban ng mga pangunahin at di maipagkakait na karapatan para sa kanyang kinakailangan niyang pagsulong. May kinalaman din ito sa pangkalahatang kagalingan ng lipunan, at sa pagsulong ng iba't ibang grupong tagapamagitan, habang tangan ang pagkaunawa sa karangalan. Ang namumukod-tangi sa mga grupong ito ay ang pamilya, bilang batayang selula ng lipunan. At sa huli, ang pangkalahatang kabutihan ay nananawagan ng panlipunang kapayapaan, katatagan at seguridad na inilatag ng isang kaayusang hindi makakamit ng wala ang partikular na malasakit para sa naibabahaging katarungan; na kapag ito'y nalabag, nagaganap lagi ang karahasan. Ang lipunan sa kabuuan, at ang estado sa partikular, ay obligadong ipagtanggol at itaguyod ang pangkalatahang kabutihan.

158. Sa kasalukuyang kalagayan ng daigdigang lipunan, kung saan napakaraming inhustisya at napakarami ring taong pinagkakaitan ng batayang karapatang pantao at itinuturing na hindi kinakailangan, kaya ang prinsipyo ng pangkalahatang kabutihan, sa katwiran at sa hindi maiiwasan, ay agad nagiging panawagan ng pagkakaisa at nakahaing opsyon para sa pinakadukha sa ating mga kapatid. Ang opsyong ito'y nangangailangan ng pagkilala sa kahihinatnan ng pandaigdigang pagdadalhan ng mga kabutihan sa mundi, ngunit, tulad ng aking tinukoy sa Apostolikong eksortasyong Evangelii Gaudium, [123], nananawagan ito, higit sa lahat, ng pagpapahalaga sa malawak na dignidad ng dukha sa batid nating napakalalim na paniniwala bilang mananampalataya. Kailangan lang nating magmasid sa paligid natin upang makitang, sa kasalukuyan, ang opsyong ito sa katunayan ay isang etikal na kahalagahan na marapat para sa epektibong pagkakamit ng pangkalahatang kabutihan.

V. KATARUNGAN SA PAGITAN NG MGA SALINLAHI

159. Ang paniwala sa pangkalahatang kabutihan ay magpapatuloy pa hanggang sa mga susunod na salinlahi. Masakit makita sa daigdigang krisis pang-ekonomya ang mapaminsalang epekto ng pagwawalangbahala sa ating pangkalahatang tadhana, na hindi maibubukod yaong paparating pa lang matapos natin. Hindi na natin mapapag-usapan ang sustenableng pag-unlad nang hiwalay sa pagkakaisang tumatagos sa maraming salinlahi. Kapag nagsimula na nating isipin ang uri ng munding iiwan natin sa mga susunod na salinlahi, tintitingnan nating kaiba ang mga bagay-bagay; napapagtanto nating ang mundo'y isang kaloob na malaya nating natanggap at dapat ipamahagi sa iba. Mula nang ang mundo'y naipagkaloob sa atin, hindi na natin matitingnan ang reyalidad sa purong pamamaraang utilitaryano,  kung saan ang pagiging mahusay at epektibo'y lubos na nakatuon sa ating mga indibidwal na benepisyo. Hindi obligadong magkaroon ng pagkakaisang tumatagos sa maraming salinlahi, ngunit sa halip ay ang batayang usapin ng katarungan, dahil ang daigdig na minana natin ay para rin sa mga susunod pa sa atin. Tinatawagan tayo ng mga obispong Portuges na kilalanin ang obligasyong ito ng katarungan: "Bahagi ang kapaligiran ng isang lohika ng kahandaang tumanggap. May hiniram ito sa bawat salinlahi, na dapat ipasa sa susunod dito." [124] Tinatakan ng mas malawak na pananaw na ito ang isang kabuuang ekolohiya.

160. Anong klaseng daigdig ang nais nating iwan sa mga susunod sa atin, sa mga batang lumalaki na ngayon? Ang usaping ito'y hindi lamang inaalala ang kapaligiran ng nakabukod; hindi matutugunan ang usapin ng pautay-utay. Kapag tinanong natin ang ating sarili kung anong klaseng daigdig ang ating iiwan, iniisip natin unang-una ang pangkalahatang tunguhin nito, ang kahulugan nito at ang halaga nito. Maliban kung babakahin natin ang mga mas malalalim na usaping ito, hindi ako naniniwalang ang ating pagmamalasakit sa ekolohiya'y magbubunga ng mga makabuluhang resulta. Ngunit kapag matapang nating hinarap ang mga usaping ito, matatag tayong hahantong sa pagtatanong ng iba pang mga tukoy na katanungan: Ano ang layunin ng buhay natin sa daigdig na ito? Bakit tayo narito? Ano ang layunin ng ating mga ginagawa at lahat ng ating mga pagsisikap? Anong pangangailang mayroon ang daigdig sa atin? Kaya hindi na sapat na sabihin lang nating inaalala natin ang mga susunod na salinlahi. Dapat nating makita na nakasalang dito ang ating sariling dangal. Nasasaatin, unang-una na, kung iiwan natin ang isang planetang hindi na matitirahan ng mga susunod na salinlahi. Ang usaping ito'y yaong talagang madamdaming nakakaapekto sa atin, spagkat may kinalaman ito sa talagang kahulugan ng ating pansamantalang paninirahan sa daigdig.

Itutuloy...

Miyerkules, Hulyo 15, 2015

talata 151-155

151. May pangangailangan ding protektahan yaong mga karaniwang pook, mga nakikitang mohón at tanawin sa kalunsuran na nagpapataas ng ating kahulugan ng pakikiisa, ng pinag-ugatan, ang "pakiramdam na nasa tahanan" sa loob ng lungsod kung saan kabilang tayo at pinagsama-sama tayo. Mahalaga na sa iba't ibang bahagi ng lungsod na maayos na nakapaloob at yaong naninirahan doon ay may pakiramdam ng pagiging buo, imbis na naroon lang sa isang kapitbahayan at di nakikita ang mas malaking lungsod bilang malaking espasyon dapat nilang ibahagi sa iba. Ang mga panghihimasok ng nakakaapekto sa tanawin sa kalunsuran at kanayunan ay dapat isaalang-alang kung paano nagsama-sama ang iba't ibang salik upang maging buo na dama ng mga nakatira rito bilang isang maliwanag at makabuluhang banghay para sa kanilang buhay. Ang iba'y hindi na magiging estranghero, kundi bahagi na ng pagiging "tayo" kung saan nais itong likhain ng bawat isa sa atin. Sa ganito ring kadahilanan, sa parehong tagpuang kalunsuran at kanayunan, makatutulong kung isasantabi ang mga pook na dapat pangalagaan at protektahan mula sa palagiang pagbaabgong dala ng panghihimasok ng tao. 

152. Napakalubhang suliranin ang kakapusan sa pabahay sa maraming bahagi ng mundo, sa parehong kanayunan at sa malalaking lungsod, pagkat maliit na bahagi lamang ng kinakailangan ang karaniwang nasasakop ng badyet ng estado. May kinalaman ang pagkakaroon ng tahanan sa pakiramdam ng personal na dignidad at paglago ng mga pamilya. Mahalagang usapin ito para sa ekolohiya ng tao. Sa ibang pook, kung saan naglitawan ang mga pansamantalang bayan ng barung-barong, nangangahulugan itong dapat paunlarin ang mga kapitbahayang iyon imbes na gibain o ipagtabuyan sila. Kapag nakatira ang mga maralita sa mga maruruming pook o sa mga mapanganib na gusahing tirahan, "sa mga kaso kung saan dapat silang ilipat, upang di na mabuntunan ng pulos pagdurusa, dapat maibigay agad ang mga kinakailangang sapat na impormasyon, na may pagpipilian sa mga iniaalok na disenteng pabahay, at dapat na bahagi ng proseso ang mga taong direktang kasangkot". [118] Kasabay nito, dapat makita sa pinagsamang buod ng kapitbahayan ang pagkamalikhain bilang katanggap-tanggap na lungsod: "Gaano kaganda ang mga lungsod na yaong napagtagumpayan ang mga nakalulumpong pagdududa, napapagsama-sama yaong mga naiiba at gawin ang mismong pagsasama-samang ito bilang bagong salik ng kaunlaran! Gaano kaakit-akit ang mga lungsod na yaong, kahit na yaong kanilang disenyo ng arkitektura, ay puno ng mga espasyong dumudugtong, umuugnay at pabor sa pagkilala sa iba!" [119]

153. May kinalaman ang sistema ng transportasyon sa kalidad ng buhay sa kalunsuran, na kadalasang pinagmumulan ng matinding pagdurusa sa mga gumagamit ng mga iyon. Maraming kotse, na ginagamit ng isa o higit pang tao, ang umiikot sa mga kalunsuran, na nagiging sanhi ng pagsisikip ng trapiko, pagtataas ng antas ng polusyon, at pagkokonsumo ng malalaking kantidad ng mga hindi-nababagong enerhiya. Kaya kinakailanagn pang magbuo ng mga bagong lansangan at mga himpilan ng sasakyan na nakasisira sa tanawin sa lungsod. Maraming espesyalista ang sumasang-ayon sa dapat bigyang prayoridad ang pampublikong transportasyon. Ngunit ang ilang mga kinakailangang hakbang ay hindi agad mapatunayang katanggap-tanggap sa lipunan hangga't hindi naisasagawa ang malaking pagsulong sa mismong mga sistema nito, kung saan sa maraming lungsod ay natutulak ang mga taong maglagay nito nsa ilalim ng masamang kalagayan dahil sa pagsisikip, di maalwan, madalang na serbisyo at kakulangan ng kaligtasan. 

154. Ang paggalang sa ating dignidad bilang tao ay madalas na nagpapagaralgal sa magulong reyalidad na kailangang tiisin ng tao sa pamumuhay sa kalunsuran. Ngunit di ito dapat maging dahilan upang makaligtaan ang pag-iwan at pagpapabayang nararanasan din ng mga nasa kanayunan na di madaling makapagtamo ng mga kinakailangang serbisyo at kung saan ang mga manggagawa ay napunta sa kalagayang inaalipin, walang karapatan o kahit pag-asa ng isang mas marangal na pamumuhay.

155. Ipinahihiwatig din ng ekolohiyang pantao ang isa pang malalim na katotohanan: Ang ugnayan sa pagitan ng buhay ng tao at batas hinggil sa moralidad na nakaukit na sa ating kalikasan at kinakailangan para sa paglikha ng mas marangal na kapaligiran. Nagsalita hinggil sa isang "ekolohiya ng tao" si Santo Papa Benedicto XVI, batay sa katotohanang "ang tao rin ay may likas na katangiang dapat niyang igalang at hindi niya maaaring manipulahin pag kanyang nais". [120] Sapat nang mabatid na ang mismong katawan natin ang nagbubuo sa isang direktang ugnayan sa kapaligiran at sa iba pang buhay na nilalang. Ang pagtanggap sa ating mga katawan bilang kaloob ng Diyos ay mahalaga para sa malugod na pagsalubong at ang pagtanggap sa buong mundo bilang kaloob mula sa Ama at sa tahanan nating lahat, habang iniisip na may lubos na kapangyarihan tayo sa ating mga katawan, madalas mandaraya, ay naiisip nating may ganap tayong kapangyarihan sa sangnilikha. Ang mapagtantong tinatanggap natin ang ating katawan, ang pangangalaga nito at paggalang sa lubusang kahulugan nito, ay mahalagang salik sa anumang totoong ekolohiya ng tao. Kinakailangan ang pagpapahalaga sa kani-kanyang katawan sa pagkababae at pagkalalaki nito kung kikilalanin ko ang aking sarili sa pakikipagharap sa kapwa taong naiiba. Sa ganitong paraan, malugod nating matatanggap ang natatanging kaloob ng isa pang tao, na gawa ng Diyos na Manlilikha, at makatagpo ng kapwa kasaganaan. Hindi malusog na pag-uugali ang maghanap ng "alisin ang anumang kaibahan sa sekswal dahil hindi na nito alam kung paano ito haharapin". [121]

Itutuloy...

Martes, Hulyo 14, 2015

talata 146-150

146. Sa ganitong kahulugan, napakahalaga nito upang ipakita ang di pangkaraniwang pag-aalaga sa mga pamayanan ng lumad at sa kanilang katutubong kaugalian. Di lamang sila isang minorya kasama ang iba, kundi dapat sila'y pangunahing kapareha sa diyalogo, lalo na kung ang ipinapanukala'y malalaking proyektong nakakaapektosa kanilang lupain. Para sa kanila, ang lupa ay hindi isang kalakal kundi isang kaloob ng Diyos at mula sa kanilang mga ninunong namahinga na roon, isang sagradong pook kung saan kailangan nilang makipag-ugnayan upang mapanaitili ang kanilang identidad at kahalagahan. Kapag nanatili sila sa kanilang lupain, sila mismo ang pinakamahusay na nangangalaga nito. Gayunpaman, sa iba't ibang panig ng mundo, ginigipit sila upang lisanin na nila ang kanilang mga lupain para gamitin sa mga proyektong pang-agrikultura at pagmimina na isinasagawa nang hindi iniisip kung mawawasak ang kalikasan at kultura. 

III. ANG EKOLOHIYA NG PANG-ARAW-ARAW NA BUHAY

147. Kasama sa totoong kaunlaran ang mga pagsisikap na maisagawa ang makabuluhang pagpapahusay sa kalidad ng buhay ng tao, at kinakailagang isaalang-alang nito ang mga tagpuan kung saan namumuhay ang tao. Naiimpluwensyahan ng mga tagpuang ito ang pamamaraan kung paano tayo mag-isip, makadama at kumilos. Sa ating mga silid, tahanan, pagawaan at kapitbahayan, ginagamit natin ang ating kapaligiran bilang paraan ng pagpapahayag ng ating identidad. Ginagawa natin ang lahat ng pagsisikap upang makaangkop sa ating kapaligiran, ngunit kapag iyon ay walang kaayusan, magulo, o puno ng ingay at kapangitan, ang gayong lubhang nakakapukaw ang nagpapahirap sa atin upang magsama-sama at maging masaya.

148. Ipinapakita ng mga tao at grupong tumutugon sa limitasyon ng kapaligiran ang kahanga-hangang pagkamalikhain at pagiging mapagbigay sa pamamagitan ng pagbabawas ng masamang epekto sa kanilang paligid at pagkatutong umakma ang kanilang buhay sa gitna ng kaguluhan at kawalan ng katiyakan. Halimbawa, sa ilang pook, kung saan ang harapan ng mga gusali'y napabayaan na, ipinakita ng mga tao ang mahusay na pangangalaga sa loob ng kanilang mga tahanan, o kaya'y nasiyahan na kabaitan at pagiging palakaibigan ng iba. Ang isang malusog na buhay panlipunan ay maaaring magpakinang sa isang animo'y masamang kapaligiran. Paminsan-minsan ang kapuri-puring ekolohiya ng tao ang ginagawa ng mga dukha sa kabila ng maraming paghihirap. Ang pakiramdam ng pagkayamot sanhi ng dami ng tao sa mga pook tirahan ay nakokontra kapag nabuo ang isang malapit ang mainit na ugnayan, kapag nabuo ang mga pamayanan, kapag ang limitasyon ng kapaligiran ay napunuan sa loob ng bawat tao na nadaramang tangan sa loob ng talakupan ng pagkakaisa at pagiging kasama. Sa ganitong paraan, saanman nagmistulang impyerno sa lupa ang daidig ay magiging pook na may dignidad ang buhay. 

149. Ang matinding karukhaang dinaranas sa mga pook na kulang sa pagakkaisa, malawak na mga espasyo o may kakayahang magsama-sama, ay maaaring humantong sa malulupit na pangyayari at sa pagsasamantala ng mga pusakal na organisasyon. Sa mabubuway na kapitbahayan sa mga malalaking lungsod, ang araw-araw na danas ng pagsisikip at panlipunang di-pagkakakilanlan ay nakalilikha ng pagkadama ng pagkadurog na pinagmumulan naman ng mga masasamang kaugalian at karahasan. Gayunpaman, nais kong igiit na laging napapatunayang mas makapangyarihan ang pag-ibig. Maraming taong nas ganitong kalagayan ang kayang magbuo ng pagkakaisa at pagsasamahan kung saan pinapalitan ang pagsisikip ng karanasan ng isang pamayanan kung saan ang dingding ng kasakiman ay nadurog na habang ang mga balakid ng pagkamakasarili'y napagtagumpayan. Ang karanasang ito ng kaligtasang mula sa pagkakapatiran ay madalas na nakabubuo ng mga malikhaing ideya para sa pagpapahusay ng isang gusali o ng isang kapitbahayan. [117]

150. Pag tiningnan ang ugnayan sa pagitan ng buháy na espasyo at pag-uugali ng tao, yaong mga nagdisenyo ng mga gusali, kapitbahayan, mga pampublikong espasyo at kalunsuran, ay dapat maakit sa iba't ibang disiplinang makakatulong sa ating maunawaan ang proseso ng pag-iisip ng tao, simbolikong wika at paraan ng pagkilos. Hindi sapat na hagilapin lang ang kariktan ng disenyo. Mas mahalaga pa rin ang serbisyong maihahandong natin sa isa pang uri ng kariktan: ang kalidad ng buhay ng tao, ang kanilang pag-angkop sa kapaligiran, pakikipagharap at parehong pagtutulungan. Dito rin, nakikita nating napakahalaga na isinasaalang-alang ng pagpaplano sa kalunsuran ang mga pananaw ng mga maninirahan sa mga pook na ito.

Itutuloy...

Lunes, Hulyo 13, 2015

talata 141-145

141. Sa bahagi naman ng pang-ekonomyang paglago, makalilikha ito ng mga inaasahang reaksyon at isang tiyak na pamantayan nang may layuning padaliin ang pamamaraan at mabawasan ang gastos. Ipinahihiwatig nito ang pangangailangan para sa isang "pang-ekonomyang ekolohiya" na kayang makaakit ng mas malawak na pagtanaw sa reyalidad. Ang pagprotekta sa kapaligiran, sa katunayan "ay isang mahalagang bahagi ng proseso ng pagsulong at hindi maaaring ituring na hiwalay roon". [114] Agarang kinakailangan natin ng pagkamakataong kayang sama-samang tipunin ang iba't ibang larangan ng kaalaman, kabilang ang ekonomya, upang magsilbi sa isang mahalaga at nabubuong pananaw. Sa ngayon, ang pagsusuri sa mga suliraning pangkapaligiran ay hindi maihihiwalay sa pagsusuri sa pamilya ng tao, may kaugnayan sa gawain at kontekstong panglungsod, ni sa kung paano makikipag-ugnayan ang mga tao sa kani-kanilang sarili, na humahantong naman sa kung paano sila nakikipag-ugnayan sa kanilang kapwa at sa kapaligiran. Mayroong pagkakaugnay-ugnay sa pagitan ng mga ekosistema at sa pagitan ng iba't ibang katayuan ng panlipunang interaksyon, na nagpapakita pa uli na "ang buo ay mas malaki kaysa bahagi". [115]

142. Kung ang lahat ay magkakaugnay, ang kalusugan ng mga institusyon ng lipunan  ay may kahihinatnan para sa kapaligiran at sa kalidad ng buhay ng tao. Ang bawat paglabag sa pagkakaisa at sa panlipunang pakikipagkaibigan ay nakapipinsala sa kapaligiran". [116] Sa ganitong pagtingin, nararapat na institusyonal ang panlipunang ekolohiya, at unti-unting umaabot sa buong lipunan, mula sa pangunahing pangkat panlipunan, ang pamilya, sa mas malawak na pamayanang lokal, pambansa at pandaigdigan. Sa bawat panlipunang sapin, at sa pagitan nila, umunlad ang mga institusyon upang ipatakaran ang ugnayang pantao. Anumang nagpapahina sa mga institusyong iyon ay may negatibong kahihinatnan, tulad ng kawalan ng katarungan, karahasan at kawalan ng kalayaan. Ilang mga bansa ay may mababang antas ng pagiging epektibo sa usaping institusyonal, na nagbubunga ng mas malalaking suliranin para sa kanilang mga tao habang nakikinabang naman yaong mga kumikita sa sitwasyong ito. Maging sa pangangasiwa ng estado, ang iba't ibang antas ng lipunang sibil, o ang ugnayan sa pagitan ng mismong mga indibidwal, ang kawalan ng paggalang sa batas ay nagiging mas pangkaraniwan. Maaari ngang maganda ang pagkakabalangkas ng mga batas ngunit nananatiling mga patay na letra. Maaari ba nating asahan na sa mga ganyang kaso, ang mga batas at patakaran hinggil sa kapaligiran ay maging totoong epektibo? Halimbawa, batid nating ang mga bansang may malinaw na batas hinggil sa pangangalaga sa kagubatan ay patuloy na nananahimik habang nakikita nilang paulit-ulit na nilalabag ang mga batas. Dagdag pa, anuman ang nangyari sa isa sa mga pook ay may direkta o indirektang impluwensya sa iba pang pook. Kaya, halimbawa, ang paggamit ng droga sa mga lipunang masaga ay lumilikha ng patuloy at lumalagong pangangailangan sa mga produktong inangkat mula sa mga mahihirap na rehiyon, kung saan masama ang ugali, nawasak ang mga buhay, at patuloy na nasisira ang kapaligiran.

II. EKOLOHIYANG PANGKULTURA

143. Kasama ang patrimonya ng kalikasan, mayroon ding patrimonyang makasaysayan, artistiko at pangkultura kung saan nasa ilalim ito ng pagbabanta. Bahagi ang patrimonyang ito ng magkasamang identidad ng bawat pook at isang pundasyon kung saan bubuuin ang isang lungsod na matitirahan. Di ito isang bagay na pagdurog at pagbubuo ng bagong mga lungsod, animo'y mas magalang sa kapaligiran ngunit di palaging mas kahali-halinang pagtirahan. Sa halip, may pangangailangang isama ang kasaysayan, kultura at arkitektura ng bawat pook, na siyang magpapanatili ng orihinal pagkakakilanlang dito. Kaakibat din ng ekolohiya ang pagprotekta sa mga yamang pangkultura ng sangkatauhan sa pinakamalawak na kahulugan. Mas pa, nananawagan ito ng mas higit na pansin sa mga lokal na kultura kapag pinag-aaralan ang mga suliraning pangkapaligiran, na pinapaburan ang pag-uusap sa pagitan ng wikang pang-agham at teknikal at wika ng mga tao. Ang kultura'y higit pa sa mga minana natin mula sa nakalipas; higit sa lahat, ito rin ay isang buháy, dinamiko at pakikilahik sa kasalukuyang reyalidad, na hindi maibubukod habang muli nating iniisip ang ugnayan sa pagutan ng mga tao at ng kapaligiran. 

144. Ang konsyumeristang pananaw sa mga tao, na pinasisigla ng mekanismo ng kasalukuyang daigdigang ekonomya, ay may baytang-baytang na epekto sa kultura, na pinaliliit ang malalaking sari-saring uri na pamana sa buong sangkatauhan. Ang pagtatangkang lutasin ang lahat ng suliranin sa pamamagitan ng pare-parehong mga patakaran o teknikal na pakikialam na maaaring humantong sa pagkaligta sa kasalimuotan ng mga suliraning lokal na nangangailangan ng aktibong pakikilahol ng lahat ng kasapi ng pamayanan. Ang mga naugit na bagong proseso'y di laging angkop sa mga balangkas na inangkat mula sa labas; dapat nakabatay ito sa mismong lokal na kultura nila. Ang buhay at daigdig bilang dinamikong reyalidad, gayon din dapat umaakma at dinamiko ang ating pangangalaga sa daigdig. Mapanganib kung mga solusyong teknikal lamang pagkat tinutugunan lang nito'y sintomas at hindi ang mismong seryosong problema. May pangangailangang igalang ang mga karapatan ng tao at kultura, at upang ikalugod na ang pag-unlad ng isang panlipunang grupo'y sinasapantahang isang makasaysayang proseso na naganap sa loob ng kultural na konteksto at nangangailangan ang palagi at aktibong paglahok ng mga tao sa lokal mula sa loob ng angkop nilang kultura. O kaya'y ang paniwalang ang kalidad ng buhay ay iginigiit mula sa labas, para maunawan ang kalidad ng buhay sa loob ng mundo ng mga simbolo at mga kaugaliang angkop sa bawat pangkat ng tao.

145. Maraming masidhing anyo ng pagsasamantala at pagkawasak ng kapaligiran ang hindi lang sumasaid sa mga likasyaman na nagbibigay ng kabuhayan sa mga lokal na pamayanan, kundi binabawi na rin ang mga panlipunang kaayusan kung saan, sa loob ng mahabang panahon, ay umugit ng pangkulturang pagkakakilanlan at ang kanilang pananaw sa kahulugan ng buhay at ng pamayanan. Ang paglaho ng isang kultura ay kasinglubha, kundi man mas malubha, ng pagkawala ng isang espésye ng halaman o hayop. Ang paggigiit ng pangingibabaw ng estilo ng pamumuhay ay nakaugnay sa isang anyo ng produksyon na kasingpanganib din tulad ng pagbabagu-bago ng ekosistema.

Itutuloy...

Linggo, Hulyo 12, 2015

talata 136-140

136. Sa kabilang banda, nakapag-aalala, na kapag ang ilang kilusang pang-ekolohiya'y nagtatanggol sa integridad ng kapaligiran, na wastong humihiling ng ilang tiyak na limitasyon ang ipataw sa siyentipikong pananaliksik, minsan ay nabibigo silang gamitin ang kaparehong mga prinsipyo sa buhay ng tao. Posibleng mabigyang-katwiran ang labagin ang lahat ng hangganan kapag naisagawa ang eksperimentasyon sa mga nabubuhay na semilya ng tao. Nakaligtaan natin ang di maipagkakait na kahalagahan ng isang tao na malampasan ang antas ng kanyang pagsulong. Sa gayon ding paraan, kapag binalewala ng teknolohiya ang mga mahuhusay na prinsipyo ng etika, humahantong ito sa pagturing sa anumang gawain na naaayon sa batas. Tulad ng nakita natin sa kabanatang ito, ang teknolohiyang napakahigpit sa etika ay hindi madaling malimitahan ang sarili nitong kapangyarihan.

IKAAPAT NA KABANATA

ANG KABUUANG EKOLOHIYA

137. Dahil lahat ng bagay ay malapit na magkakaugnay, at ang kasalukuyang problema'y nananawagan ng isang pananaw na kayang isaalang-alang ang bawat aspeto ng daigdigang krisis, iminumungkahi kong isaalang-alang natin ang ilang salik ng kabuuang ekolohiya, yaong malinaw na gumagalang sa pantao at panlipunang kahalagahan nito.

I. PANGKAPALIGIRAN, PANG-EKONOMYA AT PANLIPUNANG EKOLOHIYA

138. Pinag-aaralan ng ekolohiya ang ugnayan sa pagitan ng mga buhay na organismo at ng kapaligiran kung saan sila sumisibol. Kinakailangang samahan ito ng pagninilay at debate hinggil sa mga kinakailangang kondisyon para sa buhay at kaligtasan ng buhay sa lipunan, at ang kinakailangang katapatan upang usisain ang ilang modelo ng kaunlaran, produksyon at pagkonsumo. Hindi nabibibigyang diin ng husto kung paanong magkakaugnay ang lahat ng bagay . Ang panahon at espasyon ay hindi malaya sa bawat isa, maging ang atomo at subatomikong tipik ay hindi maituturing na nakabukod. Tulad ng iba't ibang septo ng planeta - pisikal, kemikal at biyolohikal - ay magkakaugnay, pati na rin yaong buhay na espésye ay bahagi ng isang talakupan kung saan hindi na natin lubusang masisiyasat at mauunawaan. Isang magandang bahagi ng ating henetikang koda ay mayroon din ang maraming nilalang. Kasunod nito na ang mga piraso ng kaalaman at pagkakabukod ng pira-pirasong impormasyon ay maaaring maging anyo ng kamangmangan, maliban na lang kung nakapaloob sila sa isang mas malawak na pananaw ng reyalidad.

139. Kapag nagsalita tayo ng "kapaligiran", ang talagang ibig nating sabihin ay ang ugnayang umiiral sa pagitan ng kalikasan at ng lipunang ating ginagalawan. Hindi maituturing na isang bagay na hiwalay sa atin ang kalikasan o isang lugar lang kung saan tayo nabubuhay. Tayo'y bahagi ng kalikasan, kasama dito at palaging nakikipag-ugnayan dito. Ang matanto ang mga dahilan kung bakit marumi ang isang pook ay nangangailangan ng pag-aaral hinggil sa kaparaanan ng lipunan, ng ekonomya nito, ng padron ng gawi nito, at ng pamamaraang magagagap nito ang reyalidad. Dahil sa laki ng pagbabago, hindi na posibleng makahanap pa ng isang ispesipiko't maliwanag na tugon sa bawat piraso ng problema. Mahalagang hagilapin ang komprehensibong solusyon na isinasaalang-alang ang pagtutulungan sa loob ng likas na nilang sistema at sa panlipunang sistema. Nahaharap tayo hindi sa dalawang magkahiwalay na krisis, ang isang pangkapaligiran at ang isa nama'y panlipunan, kundi isang masalimuot na krisis na parehong panlipunan at pangkapaligiran. Ang mga istratehiya para sa isang solusyon ay nangangailangan ng makabuluhang pagtugon upang labanan ang kahirapan, mapanumbalik ang dignidad sa mga pinabayaan, at kasabay nito'y maprotektahan ang kalikasan.

140. Dahil sa dami at samutsaring salik na isinasaalang-alang kapag tinutukoy ang epekto sa kapaligiran ng isang kongkretong gawain, mahalagang bigyan ng angkop na papel ang mga mananaliksik, upang pagaanin ang kanilang pakikipag-ugnayan, at tiyakin ang mas malawak na kalayaang pang-akademiko. Ang patuloy na pananaliksik ay dapat magbigay din sa atin ng mas mabuting pagkaunawa kung paanong ang iba't ibang nilikha ay nagkakaugnayan sa bawat isa upang mabuo ang mas malaking yunit na tinatawag natin ngayong "ekosistema".  Isinasaalang-alang natin ang mga sistemang ito hindi lamang upang matukoy kung paanong mahusay itong magagamit, kundi dahil na rin sila'y may tunay na halagang hiwalay sa kanilang kapakinabangan. Ang bawat organismo, bilang nilalang ng Diyos, ay mabuti at kaaya-aya sa kanyang sarili; ito'y totoo rin sa maayos na pangkata ng organismong umiiral sa isang tukoy na espasyo at gumagana bilang isang sistema. Bagamat kadalasang hindi natin namamalayan ito, umaasa tayo sa mas malalaking sistema para sa ating sariling pag-iral. Kailangan lang nating muling maalala kung paanong nakikipag-ugnayan ang mga ekosistema sa pagkakalat ng carbon dioxide, pagpapadalisay ng tubig, pagpigil ng mga sakit at epidemnya, pagbabalangkas ng lupa, pagkasira ng basura, at sa iba pang pamamaraan kung saan nakaligtaan natin o talagang hindi natin alam. Kapag namulat na sila hinggil dito, mapagtatanto ng maraming tao na nabubuhay at kumikilos tayo batay sa isang reyalidad na dati nang ipinagkaloob sa atin, na nauna sa ating pag-iral at sa ating kakayahan. Kaya, kapag nagsalita tayo ng "sustenableng paggamit," dapat isaalang-alang ang nagbabagong-buhay na kakayahan ng bawat ekosistema  sa iba't ibang larangan at aspeto nito.

Itutuloy...

Sabado, Hulyo 11, 2015

talata 131-135

131. Dito'y natatandaan ko ang balanseng posisyon ni San Juan Paolo II, na ipinagdiinan ang kabutihan ng mga siyentipiko at tteknolohikal na pagsulong bilang katibayan ng "nobilidad ng bokasyon ng tao na responsableng lumahok sa malikhaing aksyon ng Diyos", habang sinasabi ring "hindi kami manghihimasok sa isang pook ng ekosistema nang hindi binibigyang pansin ang mga kahihinatnan ng mga gayong panghihimasok sa ibang pook". [109] Inilinaw niyang pinahahalagahan ng Simbahan ang mga benepisyong ibinunga "ng pag-aaral at aplikasyon ng molekular na biyolohiya, na dinagdagan ng iba pang disiplina tulad ng henetika, at ang teknolohikal na aplikasyon nito sa agrikultura at industriya". [110] Ngunit tinukoy din niyang ito'y di dapat humantong sa "walang patumanggang manipulasyon ng henetika" [111] kung saan binabalewala ang mga negatibong epekto ng gayong panghihimasok. Ang pagkamalikhain ng tao'y hindi masusupil. Kung ang isang alagad ng sining ay hindi mapipigil sa paggamit ng kanyang pagkamalikhain, hindi rin mapipigilan yaong nagtataglay ng mga partikular na kaloob para sa pagsulong ng agham at teknolohiya sa paggamit ng kanilang talentong ibinigay ng Diyos para sa paglilingkod sa kapwa. Kailangang patuloy nating isiping muli ang mga layunin, epekto, kabuuang konteksto at etikal na mga limitasyon ng mga aktibidad na ito ng tao, kung saan isang anyo ito ng kapangyarihang kinasasangkutan ng malaking panganib.

132. Kaya ito ang tamang balangkas ng anumang pagninilay hinggil sa panghihimasok ng tao sa mga halaman at hayop, na sa ngayon ay kasama ang manipulasyong henetika sa biyoteknolohiya para lamang samantalahin ang kakayahan nitong nasa materyal na reyalidad. Ang paggalang na utang ng pananampalataya sa katwiran ay nananawagan ng masusing atensyon sa kung anong maituturo sa atin ng agham biyolohikal hinggil sa mga istrukturang biyolohikal, ang kanilang posibilidad at pagbabagu-bago. Anumang makatwirang pakikialam ay gagawin lamang sa kalikasan upang "paboran ang pagsulong nito sa sarili nitong hanay, hinggil sa sangnilikha, na hinahangad ng Diyos". [112]

133. Mahirap gumawa ng pangkalahatang panghuhusga hinggil sa modipikasyong henetika (GM), maging ito man ay gulay o hayop, pangmedisina o pang-agrikultura, pagkat malaki ang pagkakaiba ng mga ito sa kanilang sarili at nag-aanyaya ng ispesipikong konsiderasyon. Ang kasama nitong panganib ay di laging dahil sa mga ginamit na pamamaraan, kundi dahil sa kanilang di tama o labis na aplikasyon. Ang pagbabagu-bagong henetika, sa katunayan, ay madalas na, at patuloy na, dulot ng mismong kalikasan. O kaya'y ang mutasyon ay dulot ng pakikialam ng tao sa modernong penomeno. AAng pagpapaamo ng mga hayop, ang paghahalo ng lahi ng mga espésye at iba pang mga mas matanda at pangkalahatang tinatanggap na mga kasanayan ay maaaring mabanggit bilang mga halimbawa. Kailangan nating muling alalahanin na ang siyentipikong pagsulong ng mga Angkak na GM ay nagmula sa pagmamasid sa natural na bakterya na kusang bumabago sa halamang henomo. Gayunman, sa kalikasan, mabagal ang ganitong proseso at di maikukupara sa mabilis na hakbang na inudyok ng kontemporaryong paglagong teknolohikal, kahit na ang huli'y natatan sa nakaraang mga siglo ng psiyentipikong pagsulong.

134. Bagamat walang matinding patunay na umiiral kung ang Angkak na GM ay mapanganib sa tao, at sa ilang rehiyon, ang paggamit nito'y nagdala ng paglago ng ekonomya na nakatulong sa paglutas ng mga suliranin, may nanatiling ilang mahalagang suliraning hindi dapat maliitin.  Sa maraming lugar, kasunod ng pagpapakilala sa mga tanim na ito, ang mga produktibong lupain ay nasa kamay ng iilang may-ari dahil "sa progresibong pagkawala ng maliliit na tagalikha, na, bilang resulta ng pagkawala ng pinagsasamantalahang lupain, ay napilitang lumayo mula sa direktang produksyon". [113] Ang pinakamahina sa mga ito'y naging pansamantalang manggagawa, at maraming mga manggagawang bukid ang lumipat sa mga mahihirap na lugar sa kalunsuran. Ang epekto ng paglawan ng mga pananim na ito'y ang pagkasira ng masalimuot na talakupan ng ekosistema, pinaliit ang pagkakaiba-iba ng produksyon at naapektuhan ang mga pangrehiyong ekonomya, sa kasalukuyan at sa hinaharap. Sa iba't ibang bansa, matatagpuan natin ang paglawak ng oligopolyo para sa produksyon ng angkak at iba pang produktong kinakailangan para sa kanilang pagsasaka. Ang pag-aalagang ito'y magpapalubha kung saan dapat isaalang-alang ang produksyon ng mga di-mabungang binhi; ang epekto'y upang mapilitan ang mga magsasaka na bilhin ang mga ito mula sa malalaking tagalikha.

135. Kaya nangangailangan ng pagtutok sa mga usaping ito at pag-aalala sa implikasyong etikal nito. Dapat maganap ang isang malawak, may pananagutang siyentipiko at panlipunang debate, yaong kayang isaalang-alang ang lahat ng makukuhang impormasyon at ang pagtawag sa mga bagay sa kani-kanilang katawagan. Nangyayari rin paminsan-minsan na hindi naihahapag; ginagawa ang pagpili sa batayan ng partikular na interes, maging ito'y pampulitika, pang-ekonomya o pang-ideyolohika. Nagpapahirap ito upang makarating sa balanse at mahinahong paghuhusga sa iba't ibang usapin, yaong isinasaalang-alang ang lahat ng nauukol na salik. Kinakailangan ang mga talakayan kung saan lahat ng mga direkta at di-direktang apektado (magsasaka, konsyumador, awtoridad pambayan, siyentipiko, tagapagparami ng binhi, mga taong naninirahan malapit sa mga pinauusukang bukirin, at iba pa) ay dapat ipaalam ang kanilang mga suliranin at ipinag-aalala, at dapat madaling makakuha ng sapat at maaasahang imprmasyon upang makapagpasya para sa kabutihan ng lahat, sa kasalukuyan at sa hinaharap. Isa itong masalimuot na usaping pangkapaligiran; nananawagan ito ng isang komprehensibong pagtugon na nangangailangan, kahit paano, ng mas malawak na pagsisikap na pondohan ang iba't ibang hanay ng independyente, interdisiplinaryong pananaliksik na kayang magbigay ng bagong liwanag sa suliranin.

Itutuloy...

Biyernes, Hulyo 10, 2015

talata 126-130

126. Maaari rin nating suriin ang mahalagang tradisyon ng monastisismo. Sa orihinal, isa itong uri ng pagtakas mula sa mundo, isang pagtakas mula sa pagkaunsyami sa kalunsuran. Hinangad ng mga monghe ang disyerto, kumbinsidong ito ang pinakamagandang lugar upang harapin ang presensya ng Diyos. Pagkatapos, iminungkahi ni San Benedicto ng Norcia na mamuhay ang kanyang mga monghe sa pamayanan, kung saan pinagsasama nila ang panalangin at ispiritwal na pagbabasa ng manwal na paggawa (ora et labora). Napatunayang rebolusyonaryo ang makitang ang manwal na paggawa ay makahulugan sa ispiritwal. Hinangad ang pagpapakabanal at personal na paglago sa pagtutulungan ng gunita at paggawa. Ginawa tayong mas protektado at gumagalang sa kapaligiran ng ganitong paraan ng pagdanas sa paggawa; binusog ang ating ugnayan sa mundo ng may malusog na kahinahunan. 

127. Kumbinsido tayong ang "tao ang pinagmulan, ang tuon at ang layunin ng lahat ng pang-ekonomya't panlipunang pamumuhay". Gayunman, kapag napinsala na ang ating kakayahan bilang tao na makapagnilay at makapagpitagan, madali na upang maging maligalig sa pag-unawa ng kahulugan ng paggawa. [101] Kailangan nating tandaan na ang mga tao'y may "kakayahang mapabuti ang karamihan nila, upang mapalawak ang kanilang moral na paglago at mapaunlad ang kanilang ispiritwal na katangian". [102] Ang paggawa ang siyang dapat tagpuan nitong mayamang paglago ng sarili, kung saan maraming aspeto ng buhay ang magagampanan: pagkamalikhain, pagpaplano para sa hinaharap, pagpapaunlad ng ating talento, namumuhay sa ating kabuluhan, nakikipagkapwa, nagbibigay ng papuri sa Diyos. Kasunod nito, sa reyalidad ng kasalukuyang daigdigang lipunan, mahalagang "patuloy nating inuuna ang layunin ng pagkakamit ng matatag na trabaho para sa lahat", [103] gaano man kalimitado ang interes ng negosyo at mga kahina-hinalang pangangatwirang pang-ekonomya.

128. Nilalang tayong may tungkuling maghanapbuhay. Ang tunguhin ay di dapat unti-unting palitan ng teknolohikal na pagsulong ang pagtatrabaho ng tao, pagkat nakapipinsala ito sa sangkatauhan. Isang pangangailangan ang paggawa, na may kinalaman sa kahulugan ng buhay sa daigdig na ito, isang landas ng pagsulong, pag-unlad ng tao at personal na katuparan. Ang pagtulong sa mahihirap sa usaping pananalapi ay dapat palaging pansamantalang solusyon sa harap ng matinding pangangailangan. Ang mas malawak na layunin ay dapat palaging kilalanin sila sa isang buhay na may dignidad sa pamamagitan ng paggawa. Gayunman, pinapaboran ng oryentasyon ng ekonomya ang isang uri ng teknolohikal na pagsulong kung saan nababawasan ang mga gastusin sa produksyon sa pamamagitan ng pagtatanggal ng mga manggagawa at hinahalinhan sila ng mga makina. Ito'y isa na namang paraan kung saan hahantong ito sa pagtatrabaho laban sa atin mismong sarili. May negatibo namang epekto sa ekonomya ang pagkawala ng mga trabaho "sa pamamagitan ng progresibong pagguho ng panlipunang puhunan; isang talakupan ng ugnayan ng tiwala, pagkamaaasahan, at ang paggalang sa mga patakaran, kung saan lahat ay lubhang kailangan para sa anumang anyo ng sabayang pag-iral bilang mamamayan". [104] Sa ibang salita, kasama palagi sa halaga ng tao ang pang-ekonomyang halaga, at ang depektong pang-ekonomya'y palaging kasama ang halaga ng tao". [105] Ang pagkatigil na mamuhunan sa mga tao, upang makakuha ng mas higit na pansamantalang pakinabang sa pananalapi, ay masamang negosyo para sa lipunan.

129. Upang patuloy na makapagbigay ng trabaho, kinakailangang itaguyod ang isang ekonomyang pumapabor sa produktibong pagkakaiba'iba at pagkamalikhain sa tungkulin. Halimbawa, may malaking samutsaring sistema ng maliliit na produksyon ng pagkain na sa malaking bahagi ng tao sa mundo ay siyang nagpapakain, ginagamit ang isang katamtamang laki ng lupa at lumilikha ng kaunting basura, maging ito'y maliit na parsela ng lupa, sa mga halamanan at hardin, pangangaso at pag-aani sa ilang o lokal na pangingisda. Ang ekonomya ng sukatan, lalo na sa sektor ng agrikultura, ay humahantong sa pagpilit sa mga malilit na may-ari upang ipagbili ang kanilang lupa o iwan ang kanilang mga kinaugaliang pananim. Ang mga pagtatangka nilang lumipat sa ibang samutsaring moda ng produksyon ay napatunayang walang ibinungang maganda dahil sa kahirapang makipag-ugnayan sa rehiyonal at pandaigdigang pamilihan, o dahil ang mga imprastruktura para sa benta at transportasyon ay nakatuon sa mas malalaking negosyo. Ang mga awtoridad pambayan ay may karapatan at tungkuling magpatibay ng malinaw at matatag na mga hakbang sa pagsuporta sa maliliit na tagalikha at kakaibang produksyon. Upang matiyak ang kalayaang pang-ekonomya kung saan lahat ay epektibong makikinabang, dapat igiit ang pagbabawal paminsan-minsan sa mga nagtataglay ng mas higit na likasyaman at kapangyarihan sa pananalapi. Upang mahabol ang kalayaang pang-ekonomya habang ang tunay na kalagayan ang humahadlang sa maraming tao upang aktwal na makamit iyon, at habang patuloy na lumiliita ang mga posibilidad na makapagtrabaho, ay gawing pabalbal ang mga usapan na nagdudulot ng pagkasira sa pulitika. Marangal na bokasyon ang pangangalakal, na nakatuon sa paglikha ng yaman at pagpapabuti ng ating mundo. Maaaring pagkunan ito ng kapaki-pakinabang na kaunlaran sa mga lugar na pinatatakbo ito, lalo na pag nakikita nitong ang paglika ng mga trabaho ay mahalagang bahagi ng serbisyo nito para sa kabutihan ng lahat.

Ang mga bagong biyolohikal na teknolohiya

130. Sa pilosopikal at teyolohikal na pananw ng tao at ng sangnilikha na aking idinulog, malinaw na ang tao, na pinagkalooban ng dunong at kaalaman, ay hindi isang panlabas na salik na hindi dapat isama. Habang pinahihintulutan ang pakikialam ng tao sa mga tanim at hayop pag tungkol sa mga pangangailangan ng buhay ng tao, itinuturo ng Katekismo ng Simbahang Katoliko na ang katanggap-tanggap lamang ang eksperimentasyon sa mga hayop "kapag nanatili ito sa loob ng makatwirang hangganan [at] nakapag-aambag sa pangangalaga o sa pagsagip sa buhay ng tao" [ 106] Matatag na sinasaad ng Katekismo na may hanggan ang kakayahan ng tao at "salungat sa dignidad ng tao ang maging dahilan ng di kinakailangang pagdurusa o pagkamatay ng mga hayop". [107] Ang lahat ng gayong pagkakagamit at eksperimentasyon "ay nangangailangan ng relihiyosong paggalang sa integridad ng sangnilikha". [108]

Itutuloy...

Huwebes, Hulyo 9, 2015

talata 121-125

121. Kailangan nating bumuo ng naging sintesis na kayang mapangibabawan ang mga maling argumento ng nakaraang mga siglo. Ang Kristyanismo, sa katapatan sa sarili nitong pagkakakilanlan at ang mayamang deposito ng katotohanang natanggap nito mula kay Hesukristo, ay patuloy na sumasalamin sa mga isyung ito sa isang mabungang pag-uusap ng may nagbabagong makasaysayang sitwasyon. Sa paggawa nito, nalalantad ang walang hanggang kabaguhan nito.

Ang praktikal na relatibismo

122. Isang maling gabay na antroposentrismo ang nag-akay sa isang maling gabay na estilo ng pamumuhay. Sa Apostolikong Pangaral na Evangelii Gaudium, itinala ko na ang praktikal na relatibismong pangkaraniwan sa ating panahon ay "mas mapanganib pa kaysa pangdoktrinang relatibismo." [99] Kapag inilagay ng sangkatauhan ang kanilang sarili sa gitna, nagbibigay sila ng ganap na prayoridad sa agarang kaginhawahan at ang iba pa'y nagiging magkakaugnay. Kaya hindi tayo dapat magulat na makita, na kasabay ng panlahat ng dakong teknokratikong modelo, at ang pagsamba sa di matingkalang kapangyarihan ng tao, ang pagsulpot ng relatibismong nakikita ang lahat bilang walang kaugnayan maliban kung magsisilbi ito sa kagyat ng interes ng isang tao. May lohika sa lahat ng ito kung saan saumtsaring kaugalian ang maisusubo sa isa't isa, na hahantong sa pagkasira ng kapaligiran at panlipunang pagkabulok.

123. Ang kultura ng relatibismo ang kaparehong sakit na nagtutulak sa isang tao upang pagsamantalahan ang iba, upang ituring ang iba bilang bagay lamang, nagpapataw ng sapilitang paggawa sa mga ito o alipinin ang mga ito upang makapagbayad ng kanilang mga utang. Ang kaparehong tipo ng pag-iisip ay humahanting sa sekswal na pagsasamantala sa mga bata at ang pagpapabaya sa mga matatandang hindi na nagsisilbi sa ating interes. Ito rin ang kaisipan ng mga nagsasabing: Pahintulutan natin ang di nakikitang pwersa ng merkado na pangasiwaan ang ekonomya, at isaalang-alang ang kanilang epekto sa lipunan at sa kalikasan bilang ginarantiyahang pinsala. Sa kawalan ng karampatang katotohanan o malusog na prinsipyo maliban sa masiyahan sa ating sariling pagnanasa at kagyat na pangangailangan, anong limitasyon ang dapat ilagay sa pangangalakal ng tao, organisadong krimen, ang kalakalan ng droga, negosyo sa pulang dyamante at balahibo ng mga nanganganib na espésye? Hindi ito kapareho ng kaugnay na lohika kung saan ipinangatwiranan ang pagbili ng mga organo ng maralita upang muling ibenta o gamitin sa eksperimentasyon, o malipol ang mga bata dahil hindi sila ang nais ng kanilang mga magulang? Ang kaparehong "paggamit at maaksayang" lohika na bumubuo ng napakaraming basura, dahil sa magulong pagnanaisa niyang makagamit ng higit kaysa talagang kinakailangan. Hindi natin dapat isipin na ang pampulitikang pagsisikap o ang pwersa ng batas ay maging sapat upang maiwasan ang mga aksyong nakakaapekto sa kapaligiran dahil, kapag ang mismong kultura ay tiwali at karampatang katotohanan at pandaigdidigang balidong prinsipyo'y hindi na itinataguyod, at ang mga batas ay makikita lamang bilang hindi makatwirang pagpapataw o balakid na dapat iwasan. 

Ang pangangailangang protektahan ang trabaho

124. Ang anumang pagtugon sa isang mahalagang ekolohiya, kung saan sa kahulugan ay di naibubukod ang tao, ay dapat isaalang-alang ang kahalagahan ng paggawa, tulad ng matalinong pagbanggit ni San Juan Paolo II sa kanyang Ensiklikong Laborem Exercens. Ayon sa bibilikal na salaysay ng paglalang, inilagay ng Diyos ang babae at lalaki sa nilikha niyang hardin (sg. Gen 2:15) di lang upang pangalagaan ito ("panatilihin") kundi gawin itong mabunga ("pag-aararo"). Kaya ang mga manggagawa at manlilikha ay "pinananatili ang panghabi ng mundo" (Sir 38:34). Ang pagpapabuti ng nilikhang mundo sa paraang mahinahon ang siyang pinakamagaling na paraan ng pangangalaga nito dahil nangangahulugan itong tayo mismo'y naging intsrumentong ginagamit ng Diyos upang ilabas ang kakayahan niyang isinulat niya mismo sa mga bagay: "Nilikha ng Panginoon ang mga gamot mula sa lupa, at isang matalinong tao ang hindi mamumuhi dito" (Sir 38:4).

125. Kapag pinagnilayan natin ang maayos na ugnayan ng tao at ng mundong nakapaligid sa atin, nakikita natin ang pangangailangan para sa isang wastong pag-unawa sa paggawa; kung pag-uusapan natin ang hinggil sa ugnayan ng tao at ng bagay, lumilitaw ang usapin hinggil sa kahulugan at layuni ng lahat ng aktibidad ng tao. May kinalaman ito hindi lamang sa gawaing kamay o pang-agrikultura subalit sa anumang gawaing sangkot ang umiiral na reyalidad, mula sa paglikha ng panlipunang ulat hanggang sa pagdisenyo ng isang kaunlarang teknolohikal. Ang pinagbabatayan ng bawat anyo ng paggawa ay isang konsepto ng ugnayan na kaya nating gawin at dapat matamo natin kung anong mayroon ang iba bukod sa atin. Kasama ang puno ng paghangang pagninilay sa paglalang na natagpuan natin kay San Francisco ng Assisi, ang ispiritwal na Kristyanong tradisyon ang bumuo rin sa isang mayaman at balanseng pang-unawa sa kahulugan ng trabaho, tulad halimbawa, ng buhay ng Banal na Charles de Foucauld at ng kanyang mga tagasunod.

Itutuloy...

talata 116-120

116. Mababakas ang modernidad sa isang labis na antroposentrismo na sa kasalukuyan, sa ilalim ng ibang balatkayô, ay patuloy na nakatindig sa paraang nagbabahaginan ng pag-unawa at sa anumang pagsisikap na patibayin pa ang panlipunang pagkakabuklod. Dumating na ang panahon upang pansining muli ang reyalidad at ang mga ipinataw nitong limitasyon; ito ngayon ang kalagayan para sa isang mas malusog at kapaki-pakinabang na pag-unlad ng mga tao at ng lipunan. Ang isang hindi angkop na pagtatanghal ng antropolohiyang Kristyano ang nagpukaw ng maling pagkaunawa sa ugnayan ng mga tao at ng mundo. Kadalasan, ang ibinibigay ay ang Prometyanong pagtingin ng karunungang nangibabaw sa mundo, na nagbigay ng impresyon na ang pangangalaga sa kalikasan ay bagay na inaalala lamang ng mga duwag. Sa halip, dapat unawaing mabuti ang "pamamahala" natin sa sanlibutan sa kahulugan ng pag-aalagang may pananagutan. [94]

117. Ang makaligtaang masubaybayan ang pagpinsala sa kalikasan at ang epekto sa kapaligiran ng ating mga desisyon ang tanging matinding senyales ng pagwawalang-bahala sa mensaheng nakapaloob sa kaayusan mismo ng kalikasan. Kapag nabigo tayong kilalanin bilang bahagi ng reyalidad ang kahalagahan ng isang dukha, isang similya ng tao, isang taong may mga kapansanan - upang magbigay ng ilang halimbawa lamang - nagiging mahirap nang marinig ang panaghoy ng mismong kalikasan; ang lahat ng bagay ay magkaugnay. Kapag ipinahayag na ng tao ang pagsasarili sa reyalidad at kumikilos nang may ganap na pamamahala, ang totoong pundasyon ng ating buhay ay nagsisimula nang gumuho, dahil "imbes na gampanan ang kanyang papel bilang katuwang ng Diyos sa gawain ng paglikha, ipinalit ng tao ang kanyang sarili sa pwesto ng Diyos at humantong ito sa pinukaw na maghimagsik sa panig ng kalikasan". [95]

118. Humantong ang kalagayang ito sa palagiang eskizofrenya, kung saan ang teknokrasya'y walang nakikitang tunay na kahalagahan sa mas mababang tao na kasabay na umiiral ng iba pa sa kasukdulan, na walang nakikitang espesyal na halaga sa sangkatauhan. Subalit walang sinumang mapagwawalang-bahala ang sangkatauhan. Walang anumang pagbabago ng ating pakikipag-ugnayan sa kalikasan nang walang pagbabago mismo sa sangkatauhan. Walang ekolohiya ng walang angkop na antropolohiya. Kapag itinuring ang isang tao bilang simpleng tao tulad ng iba, isang produkto ng pagkakataon o pisikal na determinismo, pagkatapos "ang ating pangkalahatang kamalayan sa pananagutan ay papaliit". [96] Ang maling gabay na antroposentrismo ay di kinakailangang magbunga ng  "biyosentrismo", dahil nangangailangan itong magdagdag ng isa pang imbalanse (o kawalan ng timbang), bigong lutasin ang kasalukuyang mga problema at pagdadagdag ng mga bago. Hindi maaasahan ang mga tao na madama ang pananagutan sa mundo maliban na lang, kasabay nito, ay kinikilala at pinahahalagahan ang kanilang natatanging kakayahan sa karunungan, kalooban, kalayaan at pananagutan.

119. O maging ang pagpuna sa maling gabay na antroposentrismo ay minamaliit ang kahalagahan ng ugnayan ng isa't isa. Kung ang kasalukuyang krisis sa ekolohiya ay isang maliit na senyales ng etika, kultura at ispiritwal na krisis ng modernidad, hindi natin dapat akalaing malulunasan ang ating pakikipag-ugnayan sa kalikasan at sa kapaligiran nang hindi nalulunasan ang lahat ng pangunahing pakikipag-ugnayan ng tao. Nakikita ng kaisipang Kristyano ang tao na nagtataglay ng partikular na dignidad kaysa iba pang nilalang; kaya ikinikintal nito ang pagpapahalaga sa bawat tao at ang paggalang sa isa't isa. Ang pagiging bukas natin sa ating kapwa, ang bawat isa'y isang "ikaw" na kayang umalam, magmahal at pumasok sa isang pag-uusap, ang nananatiling isang pinagmulan ng ating pagkamaharlika bilang tao. Isang wastong pakikipag-uganayn sa nilikhang mundi na humihiling na hindi natin dapat pahinain ang panlipunang kalagayan ng pagiging bukas sa kapwa, na mas mababa pa sa talagang kalagayan ng ating pagiging bukas sa "Ikaw" ng Diyos. Ang ating pakikipag-ugnayan sa kapaligiran ay hindi maibubukod sa ating pakikipag-ugnayan sa kapwa at sa Diyos. Kung hindi, ito'y hindi hihigit kaysa romantikong indibidwalismo na nadadamitan lang ng pang-ekolohiyang palamuti, na ikinukulong tayo sa isang nakaiinis na katangian.

120. Sapagkat ang lahat ay magkakaugnay, ang pagmamalasakit para protektahan ang kalikasan ay salungat din sa pagbibigay-katwiran ng aborsyon. Paano natin totoong maipangangaral ang kahalagahan ng pagmamalasakit sa iba pang mahihinang nilalang, gaano man kaligalig o nakasasagabal sila, kung bigo tayong protektahan ang similya ng tao, kahit na ang presensya nito'y nakababalisa at lumilikha ng mga problema? Kung ang personal at panlipunang kaselanan sa pagtanggap ng bagong buhay ay nawala, kung gayon ang iba pang anyo ng pagtanggap na mahalaga sa lipunan ay naglalaho rin". [97]

Itutuloy...

talata 111-115

111. Hindi mapapaliit ang kulturang pang-ekolohiya sa serye ng agaran at unti-unting pagtugon sa mga kagyatang problema ng polusyon, pagkabulok na pangkapaligiran at ang pagkasira ng likasyaman. Kailangan ng natatanging paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay, isang paraan ng pag-iisip, mga polisiya, programang pang-edukasyon, estilo ng pamumuhay at ispiritwalidad na sama-samang bubuo ng pagtutol sa pag-atake ng teknokratikong modelo. Kung hindi, kahit na ang pinakamahusay na pang-ekolohiyang inisyatiba ay makikitang naiipit din sila sa kaparehong pandaigdigang lohika. Ang maghanap lamang ng teknikal na remedyo sa bawat lumitaw na problemang pangkalikasan ay paghiwalay sa kung anong sa reyalidad ay magkakakonekta at ikubli ang totoo at pinakamalalim na problema ng pandaigdigang sistema.

112. Gayunman muli nating lalawakan pa ang ating pananaw. May kalayaan tayong kinakailangan upang takdaan at pangasiwaan ang teknolohiya; magagamit natin ito upang magsilbi sa iba pang tipo ng progreso, kung saan mas malusog, mas makatao, mas panlipunan, mas makabuluhan. Paminsan-minsan naman ay nagaganap ang kalayaan mula sa nangingibabaw na teknokratikong modelo, halimbawa, kapag ginamit na ng kooperatiba ng mga maliliit na tagalikha ang di nagpaparuming moda ng produksyon at pinili ang hindi pangkonsumong modelo ng pamumuhay, libangan at pamayanan. O kaya'y kapag ang teknolohiya'y pangunahing nakadirekta sa paglutas ng mga kongkretong problema ng tao, na totoong nakakatulong sa kanila upang mabuhay ng mas marangal at di gaanong nagdurusa. O kaya naman kapag ang pagnanais na makalikha at mapagnilayan ang kariktan ay mapaglabanan ang reduksyunismo sa pamamagitan ng isang uri ng kaligtasang nagaganap sa kariktan at sa mga nagmamasid dito. Isang tunay na sangkatauhan, na nananawagan ng isang bagong sintesis, ay tila baga nananahan sa gitna ng ating kulturang panteknolohiya, na halos di pansin, tulad ng ambong marahang tumutulo sa ilalim ng isang pintuang nakapinid. Tatagal ba ang pangako, sa kabila ng lahat, kung saan lahat ng matwid ay nagsisipagbalikwas sa matinding pagtutol? 

113. Nariyan din ang katotohanang ayaw na ng taong maniwala sa isang masayang kinabukasan; wala na silang bulag na pagtitiwala sa isang mas magandang bukas batay sa kasalukuyang kalagayan ng mundo at ng ating teknikal na kakayahan. Nariyan na rin ang lumalagong kamalayan na ang siyentipiko at panteknolohiyang pag-unlad ay hindi maaaring ihambing sa pagsulong ng sangkatauhan at ng kasaysayan, isang lumalagong kamalayan na nakasalalay saanman ang daan patungo sa mas magandang bukas. Ito'y hindi upang tanggihan ang mga posibilidad na patuloy na iniaalok sa atin ng teknolohiya. Subalit malaki ang ipinagbago ng sangkatauhan, at ang pagkaipon ng patuloy na mga bagong karanasan ang nag-angat sa mga panlabas na anyong humihila sa atin patungo sa isang direksyon. Magiging mahirap ang sandaling paghinto at mabawi ang kalaliman sa buhay. Kung sumasalamin sa arkitektura ang diwa ng isang panahon, ang ating mga dambuhalang istruktura at mapapanglaw na silid ang nagpapahayag ng diwa ng daigdigang teknolohiya, kung saan ang patuloy na pagbaha ng mga bagong produkto ay umiiral kasabay ng isang nakababagot na iisang kalakaran. Huwag natin itong bitawan, at patuloy tayong mamangha sa layunin at kahulugan ng samutsaring bagay. Kung hindi'y binibigyang katwiran lang natin ang kasalukuyang kalagayan at kailangan natin ng bagong anyo ng pagtalikod sa katotohanan upang makatulong sa ating tiisin ang kawalan.

114. Ipinapakita ng lahat ng ito ang kagyat na pangangailan nating sumulong na patungo sa isang mapangahas na rebolusyong pangkultura. May kinikilingan ang agham at teknolohiya; mula sa umpisa hanggang sa matapos ang isang proseso, samutsaring layunin ang nagaganap at nagkakaroon ng iba't ibang hugis. Walang nagmumungkahing bumalik tayo sa Panahon ng Bato, ngunit dapat magdahan-dahan tayo at masdan ang reyalidad sa ibang paraan, upang makaangkop sa mga positibo at sustenableng progresong naisagawa, kundi upang bawiin din ang mga kaugalian at mga dakilang layuning naitaboy palayo ng ating di masawatang kahibangan sa karangalan.

III. ANG KRISIS AT EPEKTO NG MODERNONG ANTOPOSENTRISMO

115. Ang modernong antroposentrismo'y balintunang nagdulo sa pagpapahalaga sa kaisipang teknikal kaysa reyalidad, pagkat "nakikita ng isipang teknolohikal ang kalikasan bilang isang walang buhay na kaayusan, isang malamig na lupon ng katotohanan, na basta 'nariyan na lang', bilang isang kasangkapang nagagamit, bilang hilaw na materyales na mapupukpok sa kapaki-pakinabang na hugis; tinitingnan nito ang kalawakan kapara ng 'espasyo' lang kung saan maitatapon ang mga bagay ng may ganap na pagwawalang-bahala". [92] Kaya nalagay sa alanganin ang tunay na dignidad ng mundo. Kapag nabigo ang sangkatauhang makita ang kanilang tunay na kinalalagyan sa mundo, hindi nila nauunawaan ang kanilang sarili at humahantong sila sa pagkilos laban sa kanilang sarili. "Hindi lang ibinigay ng Diyos ang daigdig sa tao, na dapat gumamit dito ng may paggalang sa totoong magandang layuning ipinagkaloob dito, ngunit, ang tao ay kaloob din ng Diyos sa kapwa tao. Kaya dapat niyang igalang ang likas at mabuting kaayusang ipinagkaloob sa kanya". [93]

Itutuloy...

Miyerkules, Hulyo 8, 2015

talata 106-110

II. ANG GLOBALISASYON NG TEKNOKRATIKONG MODELO

106. Ang batayang problema'y lalong lumalalim: iyon ang paraang tinahak ng sangkatauhan sa teknolohiya at sa pag-unlad nito ayon sa paghahambing at isang dimensyunal na modelo. Ang modelong ito'y nag-aangat ng konsepto ng isang bagay na, gamit ang pamamaraang lohikal at rasyunal, ay progresibong tumutugon at kumokontrol sa isang panlabas na bagay. Ginawa ng bagay na ito na magsikap na itatag ang pamamaraang siyentipiko at eksperimental, na sarili mismo nito'y isang pamamaraan ng pag-angkin, kadalubhasaan at transpormasyon. Tila baga matatagpuan ng bagay sa sarili nito sa presensya ng anumang walang anyo, na ganap na bukas sa manipulasyon. Ang mga tao'y patuloy na nakikialam sa kalikasan, ngunit sa mahabang panahon nangangahulugan itong nasa himig at gumagalang sa posibilidad na inihahandog mismo ng sarili nito. Ito'y isang pamamaraan ng pagtanggap kung anong ipinahihintulot ng kalikasan, na animo'y galing mismo sa kamay nito. Ngayon, sa kabaligtaran, tayo ang naglalatag ng ating mga kamay sa mga bagay-bagay, na nagtatangkang higupin ang anumang maaari sa kanila habang hinahayaan o kinakaligtaan ang reyalidad na nasa ating harap. Hindi na pinatagal ng mga tao at mga materyal na bagay ang magiliw na kamay sa bawat isa; ang relasyon ay naging hamunan. Mas madali nitong tanggapin ang ideya ng walang katapusang paglago, na napatunayang nakapang-aakit sa mga ekonomista, tagapondo at eksperto sa teknolohiya. Batay ito sa kasinungalingang may walang katapusang pagtustos ng mga kalakal sa daigdig, at humahantong upang mapiga ng todo ang planeta nang lampas sa bawat limitasyon nito. Ito ang mga maling pagtingin na "isang walang katapusang dami ng enerhiya at likas-yamang magagamit, na maaaring muling mabago ito agad, at madaling maunawaan ang negatibong epekto ng pagsasamantala sa likas na kaayusan". [86]

107. Masasabing ang marami sa mga problema ng kasalukuyang mundo ay nagmumula sa mga gawi, na minsan ay walang malay, upang maging epistemolohikal na modelo ang pamamaraan at layunin ng agham at teknolohiya na umugit sa buhay ng mga indibidwal at mga ginagawa ng lipunan. Ang epekto ng pagtutulak ng ganitong modelo ng reyalidad sa kabuuan, pantao at panlipunan, ay nakikita sa pagkasira ng kalikasan, ngunit ito'y isang tanda ng reduksyonismo na nakaapekto sa bawat aspeto ng pamumuhay ng tao at ng lipunan. Dapat nating tanggapin na ang produktong teknolohikal ay hindi walang kinikilingan, pagkat lumikha sila ng balangkas na humantong sa pag-aayos ng pamumuhay at umugit ng panlipunang posibilidad sa hanay na dinidiktahan ng interes ng ilang grupong makapangyarihan. Ang mga desisyong tila lubos na nakatutulong, sa katunayan, ay desisyon tungkol sa uri ng lipunang nais nating buuin. 

108. Ang kaisipan ng pagtataguyod ng iba't ibang kultural na modelo at paggamit ng teknolohiya bilang instrumento lamang sa ngayon ay hindi aakalain. Ang teknolohikal na modelo ay mas nangingibabaw na mahirap gawin nang walang pagkukunan at mas mahirap silang gamitin nang hindi nangingibabaw ang kanilang panloob na lohika. Naging kontrakultura ito sa pagpili ng pamumuhay na may layuning ang ilang bahagi'y malaya sa teknolohiya, sa gastusin nito at sa kapangyarihang gawing pandaigdigan at tayo'y maging magkakapareho. May gawi ang teknolohiyang kamtin lahat ng bagat sa mahigpit na lohika nito, at yaong napapaligiran ng may teknolohiya "na lubusang nalalamang kikilos ito ng pasulong na sa huling pagsusuri'y hindi para sa tubô o para sa kabutihan ng sangkatauhan", na "sa pinakaradikal na kahulugan ng katagang kapangyarihan ay ang motibo nito - isang pagkapanginoon sa lahat". [87] Bilang resulta, "sinamsam ng tao ang pagkapit sa mga hubad na elemento ng kalikasan at ng kalikasan ng tao". [88] Ang kakayahan nating gumawa ng desisyon, isang mas totoong kalayaan at ang lugar para sa bawat alterbatibong pagkamalikhain ay napaliit.

109. May gawi ring pangibabawan ng teknokratikong modelo ang pamumuhay pang-ekonomya at pampulitika. Tinanggap ng ekonomya ang bawat pag-abante sa teknolohiya nang may pananaw sa tubô, nang walang pagtingin sa maaaring negatibong epekto nito sa sangkatauhan. Natabunan ng pinansya ang totoong ekonomya. Ang mga aral ng daigdigang krisis pinansya ay hindi pa nalalagom, at mabagal natin natututuhan ang mga aral ng pagkasira ng kapaligiran. Pinanindigan ng ilang sirkulo na ang kasalukuyang ekonomya at teknolohiya ang makalulutas sa lahat ng problema sa kapaligiran, at nangatwiran, sa popular at di-teknikal na mga kataga, na ang pandaigdigang kagutuman at kahirapan ay malulutas lamang ng paglago ng pamilihan. Halos wala silang pakialam sa ilang mga teoryang pang-akonomya na sa ngayon ay bahagyang pinangangahasang ipagtanggol ng sinuman, kaysa kanilang aktwal na operasyon sa paggana ng ekonomya. Maaaring di nila mapagtibay ang mga teoryang iyon sa salita, gayunman, sinusuportahan ito ng kanilang mga gawa sa pamamagitan ng pagpapakita ng kawalan ng interes sa mas balanseng antas ng produksyon, mas maayos na pamamahagi ng yaman, pagmamalasakit sa kapaligiran at ang karapatan ng mga susunod na henerasyon. Ipinakikita ng kanilang pag-uugali na para sa kanila, sapat na ang pagpapalaki pang lalo ng tubô. Gayong hindi magantyahan mismo ng merkado ang sarili nito ng kabuuang pagpapaunlad sa tao at pagpapasaklaw sa lipunan. [89] Kasabay nito, mayroon tayong "isang tipo ng 'matinding pag-unlad' ng isang maaksaya at tipong mapagkonsumo, na ginawa ang isang di katanggap-tanggap na kabaligtaran sa mga nagaganap na kalagayang masahol na kapabayaan", [90] habanag napakabagal natin sa pagsusulong ng mga institusyong pang-ekonomya at panlipunang mga hakbangin kung saan makapagbibigay sa mga mahihirap ng palagiang mapagkukunan ng batayang pangangailangan. Bigo tayong makita ang napakalalim na ugat ng ating kasalukuyang kabiguan, na may kinalaman sa direksyon, layunin, kahulugan at panlipunang kahihinatnan ng mga panteknolohiya at pang-ekonomyang paglago.

110. Ang espesyalisasyon na nauukol sa teknolohiya ang nagpahirap na makita ang mas malaking larawan. Ang paunti-unting pagbabahagi ng kaalaman ay napatunayang nakatutulong para sa mga kongkretong paggagamitan, gayunman, humahantong ito sa pagkawala ng pagpapahalaga sa kabuuan, sa ugnayan ng mga bagay-bagay, at sa mas malawak na kaligiran, na sa kalaunan ay wala nang kaugnayan. Ang katotohanang ito'y nagpahirap upang matagpuan ang mga angkop na pamamaraan upang malutas ang mas masalimuot na suliranin ng daigdig sa kasalukuyan, lalo na yaong hinggil sa kapaligiran at sa mga dukha; ang mga problemang ito'y di matutugunan ng isang pananaw lamang o ng isang takdang interes. Ang agham na nag-aalok ng mga solusyon sa malalaking usapin ay kinakailangang isaalang-alang ang mga fdatos na nakuha ng iba pang larangan ng kaalaman, kasama na ang pilosopiya at panlipunang etika; ngunit napakahirap matamo ngayon ang ganitong gawi. Wala ring tunay na paligid ng kabutihan kung saan maaaring makapag-apila ang sinuman. Ang buhay ay unti-unting naging pagsuko sa mga kalagayang kinukundisyon ng teknolohiya, na ang sarili mismo'y tinitingnan bilang pangunahing susi sa kahulugan ng buhay. Sa kongkretong sitwasyong kinakaharap natin, may ialng mga sintomas na tumukoy kung ano ang mali, tulad ng pagkasira ng kapaligiran, pagkabalisa, pagkawala ng layunin ng buhay at ng pamumuhay ng pamayanan. Muli nakikita nating "ang reyalidad ay mas mahalaga kaysa mga ideya". [91]

Itutuloy...

Martes, Hulyo 7, 2015

talata 101-105

IKATLONG KABANATA

ANG PINAG-UGATANG PANTAO NG KRISIS SA EKOLOHIYA

101. May kahirapang mailawaran ang mga sintomas kung walang pagkilala sa pinagmulang kagagawan ng tao hinggil sa krisis sa ekolohiya. Naging pilipit na ang ilang paraan ng pagkakaunawa sa buhay at gawain ng tao, na naging dahilan ng malubhang kapinsalaan ng ating mundo. Tumigil muna kayâ tayo sandali at pagnilayan ito? Sa yugtong ito, iminumungkahi kong pagtuunan natin ang nangingibabaw na teknokratikong modelo at ang kinatatayuan ng sangkatauhan at ng gawain ng tao sa mundo.

I. ANG TEKNOLOHIYA, PAGKAMALIKHAIN AT KAPANGYARIHAN

102. Pumasok na ang sangkatauhan sa bagong yugto kung saan ang ating teknikal na kadalubhasaan ang nagdala sa atin sa sangangdaan. Tayo ang mga benepisyaryo ng dalawang siglo ng malalaking daluyong ng pagbabago: ang aparato ng singaw, ang daangbakal, ang telegrapo, kuryente, mga awto, eroplano, industriya ng kemikal, modernong medisina, teknolohiya ng impormasyon at, nito lamang, ang rebolusyong didyital, robotika, bayoteknolohiya, at nanoteknolohiya. Tama lamang na magsaya sa mga pag-unlad na ito at maging masigla sa napakalawak na mga posibilidad kung saan patuloy silang nagbubukas bago tayo, pagkat "ang agham at teknolohiya ay mga nakamamanghang produkto ng pagkamalikhaing kaloob ng Diyos sa tao". [81]. Ang modipikasyon ng kalikasan para sa layuning kapaki-pakinabang ay nagpatanyag sa pamilya ng tao mula sa umpisa; ang mismong teknolohiya'y "nagpapahayag ng panloob na tensyon na nagtulak sa tao na unti-unting pagtagumpayan ang mga materyal na limitasyon". [82] nalutas ng teknolohiya ang di mabilang na kasamaan na ginamit upang makapinsala at malimitahan ang sangkatauhan. Paanong hindi natin mararamdamang magpasalata at pahalagahan ang mga pag-unlad na ito, lalo na sa larangan ng medisina, pagiinhinyero, at komunikasyon? Paanong hindi natin kikilalanin ang ginawa ng maraming mga siyentipiko at inhinyero na nagbigay ng mga alternatibo upang mangyari ang sustenableng pag-unlad?

103. Pag napangasiwaan ng tama, makalilikha ang teknosiyensya ng mahahalagang pamamaraan ng pagpapahusay ng kalidad ng buhay ng tao, mula sa kapaki-pakinabang na mga domestikong kagamitan hanggang sa malalaking sistema ng transportasyon, mga tulay, mga gusali at mga pampublikong lugar. Nakalilikha rin ito ng sining at nalulong din ang mga tao sa materyal na mundo upang "makalundag" sa mundo ng kariktan. Sinong tatanggi sa rikit ng isang sasakyang panghimpapawid o napakatayog na gusali? Gumagamit na rin ng mga bagong teknolohiya ang mga mahahalagang gawa ng sining at musika. Kaya, ang rikit na inilaan ng isang gumagamit ng mga bagong instrumentong teknikal at sa pagninilay sa gayong kariktan, nangyayari ang isang kabuuang paglundag, na nagreresulta sa isang kaganapang natatangi sa tao. 

104. Gayunman, dapat din nating matantong ang enerhiyang nukleyar, bayoteknolohiya, teknolohiya ng impormasyon, kaalaman ng ating DNA, at iba pang kakayahang nakamit natin, ang nagbigay sa atin ng matinding kapangyarihan. Mas tiyak, ibinigay nila sa mga may kaalaman, at lalo na sa likasyamang pang-ekonomya na magagamit nila, ang nakakapukaw na pangingibabaw nila sa buong sangkatauhan at sa buong mundo. Hindi pa nagkakaroon ng gayong kapangyarihan ang sangkatauhan para pangibabawan ang sarili, ngunit walang nagtiyak na magagamit ito ng tama, lalo na kung isasaalang-alang natin kung paano ito ginagamit sa kasalukuyan. Kailangan nating isipin ang pagbagsak ng mga bombang nukleyar sa kalagitnaan ng ikadalawampung siglo, o ang pagtanggal sa teknolohiya kung saan ang mga ito'y ginamit ng Nazismo, Komunismo at iba pang rehimeng totalitaryano upang pumatay ng milyun-milyong tao, ang walang masabi sa paparaming lagakan ng nakamamatay na sandatang mayroon para sa modernong digmaan. Nakaninong mga kamay nakasalalay ang mga kapangyarihang ito, o ito'y basta na lang magwawakas? Lubhang mapanganib kung magkakaroon nito ang iilang pulutong lang ng tao.

105. May kagawiang paniwalaang ang bawat pagtaas ng antas ng kapangyarihan ay mangahulugang "paglaki ng mismong kaunlaran", isang pag-abante sa "seguridad, pagiging kapaki-pakinabang, kapakanan at kalakasan; ... ang pagkaunawa sa mga bagong kabuluhan sa daloy ng kultura', [83] na tila baga ang reyalidad, kabutihan at katotohanan ay kusang dumadaloy mula sa naturang panteknolohiya at pang-ekonomyang kapangyarihan. Ang totoo'y ang "kotemporaryong tao ay hindi nasanay kung paano gamitin ang kapangyarihan ng wasto", [84] sapagkat ang napakalawan nating kaunlarang panteknolohiya ay hindi nalalangkapan ng pagsulong sa pananagutan, kaugalian at budhi ng tao. Ang bawat panahon ay nagkakaroon lang ng kaunting kamalayan sa kanyang sariling mga limitasyon. Maaaring hindi pa natin nagagagap ang kabigatan ng mga kinakaharap nating hamon. Lumalaki ang panganib sa araw-araw na hindi ginagamit ng tao ang kanyang kapangyarihan ng tamâ"; ang epekto, "hindi naisasaalang-alang ang kapangyarihan kung pag-uusapan ang pananagutan sa pagpipilian na likas sa kalayaan" dahil ang "tanging pamantayan ay kinuha mula sa di umano'y pangangailangan, mula sa alinman sa pagiging gamit o katiyakan nito". [85] Ngunit hindi ganap na nakapagsasarili ang tao. Naglalaho ang ating kalayaan kapag napasakamay ito ng bulag na pwersa ng kawalang malay, ng kagyat na pangangailangan, ng sariling interes, at ng karahasan. Sa ganitong dahilan, hubad tayo at nalalantad sa harap ng ating papalaking kapangyarihang kapos sa kakayahang makontrol ito. May mga ilan tayong mabababaw na pamamaraan, ngunit hindi natin masasabing mayroon tayong masiglang etika, isang kultura at ispiritwalidad na totoong kayang magtakda ng limitasyon at magturo sa malinaw na isip ng pagpipigil sa sarili.

Itutuloy...

Lunes, Hulyo 6, 2015

talata 96-100

VII. ANG TITIG NI HESUS

96. Kinuha ni Hesus ang pananampalatayang biblikal sa Diyos na Lumiha, ipinagdiinan ang batayang katotohanan: Ang Diyos ang Ama (sg. Mt 11:25). Sa pakikipag-usap sa kanyang mga alagad, aanyayahan sila ni Hesus upang kilalanin ang ugnayang pagkaama ng Diyos sa lahat ng kanyang nilalang. Kumikilos ng may pagmamahal paaalalahan niya sila na bawat isa sa kanila ay mahalaga sa mata ng Diyos: "Hindi ba't ibinebenta ang limang langaylangayan sa halagang dalawang sentimo? At wala mang isa sa kanila ang kinalimutan sa harap ng Diyos" (Lk 12:6). "Masdan nyo ang mga ibon sa himpapawid: hindi sila nagtatanim o nag-aani o nagtitipon sa mga kamalig, gayunman, pinapakain sila ng inyong Amang nasa langit" (Mt 6:26).

97. Nagawang anyayahan ng Panginoon ang iba na maging masigasig sa kagandahang mayroon ang mundo sapagkat siya mismo ay may matapat na ugnayan sa kalikasan, binibigyan ito ng pansing punumpuno ng pagkagiliw at paghanga. Habang patungo siya sa buong lupain, madalas siyang tumitigil upang pagnilayan ang kagandahang inihasik ng kanyang Ama, at inanyayahan ang kanyang mga alagad na damhin ang banal na mensahe sa mga bagay-bagay: "Itaas ang inyong mga mata, at masdan kung paanong ang mga bukid ay namuti na sa pag-ani" (Jn 4:35). "Ang kaharian ng Diyos ay tulad ng butil ng mustasa na kinuha ng isang tao at inihasik sa kanyang bukid; iyon ang pinakamaliit sa lahat ng binhi, ngunit kapag lumago na ito, ito ang pinakamalaki sa lahat ng halaman" (Mt 13:31-32).

98. Namuhay si Hesus ng may ganap na pagkakaisa sa sangnilikha, at ang iba ay namangha: "Anong uri ng tao ito, na sinusunod siya maging nng mga hangin at ng dagat?" (Mt 8:27). Ang kanyang hitsura'y hindi tulad ng isang mabalasik (asetiko) na nakabukod sa mundo, o ng isang kaaway sa magagandang mga bagay sa buhay. Hinggil sa kanyang sarili'y sinabi niya: "Ang Anak ng Tao ay dumating na kumakain at umiinom at sinabi nila, 'Tingnan ninyo, isang matakaw at isang lasenggo!'" (Mt 11:19). Kaylayo niya sa mga pilosopiyang nanghahamak ng katawan, usapin at mga bagay sa mundo. Ang mga gayong di malusig na dualismo, gayunman, ay nag-iwan ng marka sa ilang Kristyanong palaisip sa daloy ng kasaysayan at nagpapangit sa Ebanghelyo. Gumawa si Hesus gamit ang kanyang mga kamay, sa araw-araw na pakikialam sa mga bagay na nilikha ng Diyos, kung saan nagbigay siya ng hitsura sa pamamagitan ng kanyang kadalubhasaan. Kapansin-pansing halos ang buong buhay niya ay nakatuon sa mga gawaing ito sa isang payak na buhay na hindi na nakapukaw ng paghanga: "Hindi baga ito ang karpintero, ang anak ni Maria?" (Mk 6:3). Sa ganitong paraan, ginawa niyang banal ang paggawa ng tao at nilangkapan ito ng espesyal na kahulugan para sa ating pag-unlad. Tulad ng ipinangaral ni San Juan Paolo II, "sa pagtitiis sa mabibigat na trabaho kasama ang Kristo na ipinako sa krus para sa atin, kahit paano'y nakipagtulungan ang tao sa Anak ng Diyos para matubos ang sangkatauhan". [79]

99. Sa Kristyanong pagkaunawa sa mundo, ang tadhana ng lahat ng nilalang ay nakaugnay sa misteryo ng Kristo, na naroroon na mula sa umpisa: "Ang lahat ng bagay ay nilikha sa pamamagitan niya at para sa kanya" (Col 1:16). [80] Ibinunyag ng prologo ng Ebanghelyo ni Juan (1:1-8) ang malikhaing gawa ng Kristo bilang Banal na Salita (Logos). Ngunit, sa hindi inaasahan, nagpatuloy ang prologo sa pagsasabing ang Salitang iyon din ay "naging laman" (Jn 1:14). Isang Persona ng Trinidad ang pumasok sa nalikhang kosmos, inihagis iyon sa kanyang pulutong, maging sa kurus. Mula sa pag-uumpisa ng daigdig, ngunit lalo na sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao, ang misteryo ng Kristo ay gumagalaw sa kubling pamamaraan sa isang likas na mundo sa kabuuan, ng hindi sinasagkaan ang awtonomiya nito.

100. Hindi lang sinasabi ng Bagong Tipan sa atin ang hinggil sa Hesus sa lupa at ang kanyang kongkreto at mapagmahal na ugnayan sa daigdig. Ipinakikita rin niyon na siya'y pumailanlang at maluwalhati, na naroroon sa buong sangnilikha sa pamaamgitan ng kanyang pangkalahatang Pagkapanginoon: "Sapagkay sa kanya ang buong kapuspusan ng Diyos ay naulugod na manahan, at sa pamamagitan niya'y iugma sa kanyang sarili ang lahat ng bagay, maging sa lupa o sa langit, na nakikipagkapayapaan sa pamamagitan ng dugo ng kanyang kurus" (Col 1:19-20).. Iniaakay tayo nito upang ituon ang ating titig sa katapusan ng panahon, kung saan inihahatid ng Anak ang lahat ng bagay sa kanyang Ama, upang "ang Diyos ay maging lahat ng bagay sa bawat isa (1 Cor 15:28). Kaya, ang mga nilalang ng mundong ito ay hindi na lumilitaw sa atin sa ilalim lang ng likas na pagbabalatkayo pagkat ang Isang nagbangon ay misteryosong tinatanganan sila sa kanya at nagtutulak sa kanila patungo sa kaganapan bilang kanilang layunin. Ang pinakabulaklak ng kabukiran at ang mga ibon kung saan ang kanyang mga mata bilang tao ay nagninilay at humahanga ay nagtataglay ngayon ng kanyang nagliliwanag na presensya.

Itutuloy...

talata 91-95

91. Hindi magiging totoo ang kahulugan ng malalim na pagkakaisa hinggil sa buong kalikasan kung ang ating puso'y dahop sa lambing, habag at malasakit sa ating kapwa tao. Ito'y malinaw na hindi nakatutugon sa paglaban sa pagkalakal ng nanganganib na espésye habang nananatiling ganap na walang malasakit sa pangangalakal ng tao, walang pakialam sa mga mahihirap, o nagtatangkang sirain ang ibang taong itinuturing na hindi kanais-nais. Isinusubo nito ang totoong kahulugan ng ating pakikibaka alang-alang sa kapaligiran. Hindi nagkataon lang na, sa awit kung saan pinuri ni San Francisco ang Diyos para sa kanyang mga nilalang, ay kanyang sinabi: "Purihin ka aking Panginoon, sa pamamagitan ng mga nagbigay ng kapatawaran para sa iyong pag-ibig". Ang lahat ng bagay ay magkaugnay. Kaya ang pagmamalasakit sa kapaligiran ay kailangang samahan ng taos-pusong pag-ibig para sa ating kapwa at isang matibay na pangakong lutasin ang mga problema ng lipunan.

92. Dagdag pa, kapag ang ating puso'y tunay na bukas sa pangkalahatang pagkakaisa, ang kahulugang ito ng kapatiran ay hindi pagbubukod sa wala. Sumusunod dito na ang ating kawalang-malasakit o kalupitan sa kapwa nilalang ng mundong ito sa malao't madali'y makaaapekto sa pakikitungo natin sa ating kapwa tao. May isang puso lang tayo, at ang kaparehong pagkaaba na aakay sa atin upang abusuhin ang isang hayop, hindi magtatagal, ay magpapakita ng ating ugnayan sa ating kapwa tao. Ang bawat kalupitan sa anumang nilikha ay "salungat sa dignidad ng tao". [69] Kayhirap na ituring nating kaibig-ibig tayo kapag ipinagwalang-bahala natin ang anumang aspeto ng reyalidad: "Ang kapayapaan, katarungan at ang pangangalaga ng sangnilikha ang tatlong ganap na magkakaugnay na paksa, na hindi maihihiwalay at ituring na indibidwal nang hindi na muling babagsak sa reduksyonismo". [70] Ang lahat ng bagay ay magkaugnay, at tayong mga tao'y nagkakaisa bilang magkakapatid sa isang kahanga-hangang peregrinasyon, na sama-samang hinabi ng pag-ibig ng Diyos sa bawat kanyang nilalang at siya ring nagbuklod sa atin sa mairuging paggiliw sa kapatid na araw, kapatid na buwan, kapatid na ilog at inang daigdig.

VI. ANG KARANIWANG DESTINASYON NG MGA KALAKAL

93. Nananampalataya man o hindi, sumasang-ayon tayo ngayon na ang daigdig ay mahalagang ibinahaging pamana, kung saan ang mga bunga'y para sa kagalingan ng lahat. Para sa mga nananampalataya, ito'y naging usapin ng katapatan sa Lumikha, [agkat ang Diyos ang lumikha ng mundo para sa lahat. Kaya ang bawat pang-ekolohiyang pagtugon ay nangangailangang isama ang panlipunang pananaw na inaalala ang pangunahing mga karapatan ng mahihirap at mga hindi nabibiyayaan. Ang prinsipyo ng pagpapailalim ng pribadong pagmamay-ari sa pangkalahatang destinasyon ng mga kalakal, at kaya ang karapatan ng bawat isa sa kanilang gamit, ay isang gintong batas ng panlipunang gawi at "ang unang prinsipyo ng kabuuang kaayusang etikal at panlipunan". [71] Hindi kinikilala ng tradisyong Kristyano ang karapatan sa pribadong pag-aari bilang ganap o hindi malalabag, at ipinagdiinan ang panlipunang layunin ng lahat ng anyo ng pribadong pag-aari. Matinding pinagtibay muli ni San Juan Paolo II ang aral na ito, at ipinahaya na "Ibinigay ng Diyos ang daigdig sa buong sangkatauhan para sa ikabubuhay ng lahat ng kasapi nito, nang walang sinumang inihihiwalay o kinakampihan". [72] Matitinding pananalita ang mga ito. Itinala niyang "ang tipo ng kaunlarang hindi gumagalang at nagtataguyod ng karapatang pantao - personal at panlipunan, pang-ekonomya at pampulitika, kasama na ang karapatan ng mga bansa at ng smga tao - ay hindi tunay na  karapat-dapat sa tao". [73] Malinaw niyang ipinaliwanag na "tunay ngang ipinagtatanggol ng Simbahan ang lehitimong karapatan sa pribadong pag-aari, subalit may kalinawan din niyang ipinangangaral na laging may panlipunang pagsasangla ng lahat ng pribadong pag-aari, upang ang mga kalakal ay magsilbi sa pangkalahatang layuning ibinigay ng Diyos sa kanila". [74] Kaya, iginiit niya, "ito'y hindi sang-ayon sa plano ng Diyos na ang kaloob na ito'y gamitin sa pamamaraang ang makikinabang lang ay iilan". [75] Nananawagan ito ng malubhang usapin hinggil sa hindi makatarungang kaugalian sa bahagi ng sangkatauhan. [76]

94. Ang mayaman at ang mahihirap ay may pantay na dignidad, pagkat "ang Panginoon ang lumikha sa kanilang lahat" (Prov 22:2). "Nilikha niya mismo ang maliliit at malalaki" (Wis 6:7), at "ginawa niyang sumikat ang araw sa kasamaa at sa kabutihan" (Mt 5:45). Ito'y may praktikal na kahihinatnan, tulad ng tinukoy ng mga obispo ng Paraguay: "Ang bawat magbubukid ay may likas na karapatang mag-angkin sa makatwirang pamamahagi ng lupa kung saan maiaiatyo niya ang kanyang tahanan, makagagawa ng ikabubuhay para sa kanyang pamilya at isang buhay na ligtas. Dapat magarantiyahan ang karapatang ito upang ang pagsasaganap nito'y hindi isang guniguni lang kundi totoo. Nangangahulugan itong bukod sa pag-aangkin ng ari-arian, ang mga tao sa kanayunan ay dapat madaling makakuha ng pamamaraan ng teknikal na edukasyon, kredito, seguro at pamilihan". [77]

95. Ang likas na kapaligiran ay kolektibong kabutihan, ang patrimonya ng buong sangkatauhan at pananagutan ng lahat. Kung gagawing nating sarili ang ilang bagay, ito'y upang pangasiwaan lang iyon para sa kapakinabangan ng lahat, Dahil pag hindi natin ginawa, inaatang natin sa ating budhi ang kabigatan ng hindi pagtanggap sa buhay ng iba. Ito ang dahilan kung bakit tinanong ng mga obispong taga-New Zealand kung ano ang kahulugan ng utos na "Huwag kang papatay" kung ang "dalawampung bahagdan ng populasyon ng mundo ay kumokonsumo ng likasyaman sa bilis na inaagawan ang mahihirap na bansa at ang mga susunod na henerasyon ng kanilang pangangailangan upang mabuhay". [78]

Itutuloy...