Miyerkules, Setyembre 9, 2015

talata 226-230

226. Nagsasalita tayo hinggil sa kinagawian ng puso, yaong tumutugon sa buhay ng may payapang kasigasigan, na kayang maging ganap na naroroon sa isang tao nang hindi iniisip kung anong susunod, na tinatanggap ang bawat saglit bilang kaloob ng Diyos upang mabuhay ng lubusan. Itinuro ni Hesus ang kagawiang ito nang inanyayahan niya tayong pagnilayan ang mga liryo sa bukid at ang mga ibon sa himpapawid, o kaya'y pag nakakita ng isang mayamang binata at nababatid ang kanyang pagkabalisa, "siya'y tiningnan niya ng may pagmamahal" (Mk 10:21). Ganap siyang naroroon sa bawat tao at sa bawat bagay, at sa paraang ito'y ipinakita niya ang landas upang mapagtagumpayan ang pagkabalisang nakasasama sa kalusugan upang tayo'y maging mababaw, mapusok at mapilit na mamimili.

227. Isang pagpapahayag ng kagawiang ito ay kung tumigil tayo at nagpasalamat sa Diyos bago at matapos kumain. Hinihiling ko sa lahat ng mananampalataya na balikan ang kaugaliang itong maganda at makabuluhan. Ang sandaling yaon ng pagpapala, gaano man kaikli, ay nagpapagunita sa atin ng ating pagtitiwala sa Diyos para sa buhay; pinatitibay nito ang ating damdamin ng pasasalamat sa mga kaloob sa sangnilikha; kinikilala nito na yaong dahil sa kanilang paggawa ay nagbigay sa atin ng mga bagay na ito; at muling nagpatibay sa ating pakikiisa sa mga higit na nangangailangan. 

V. PAG-IBIG NA PAMBAYAN AT PAMPULITIKA

228. Ang pangangalaga sa kalikasan ay bahagi ng paraan ng pamumuhay kung saan kasama ang kakayahang mamuhay ng sama-sama at may pakikipagkaisa. Ipinaalala sa atin ni Hesus na tayo'y may Diyos na ating pangkalahatang Ama at ito ang dahilan kung bakit tayo'y magkakapatid. Ang pangkapatirang pagmamahal ay maaari lamang maging walang batayan; hindi ito magiging isang paraan ng pagbabayad sa mga nagawa nila at gagawin pa para sa atin. Kaya maaari nating mahalin ang ating mga kaaway. Ang ganito ring pagkawalang batayan ang nagpapasigla sa atin upang magmahal at tanggapin ang hangin, ang araw at mga alapaap, kahit na hindi natin mapangasiwaan ang mga ito. Sa puntong ito, nagsasalita tayo ng isang "pangkalahatang pagkakapatiran".

229. Kailangan nating bawiin ang paniniwalang kailangan natin ang bawat isa, na nagbabahaginan tayo ng pananagutan sa ating kapwa at sa mundo, at mahalaga dito ang pagiging mabuti at disente. Labis-labis na ang imoralidad at ang panlilibak sa etika, kabutihan, pananampalataya at katapatan. Panahon nang kilalaning walang idinulot na mabuti ang kasiya-siyang kababawan. Kapag nasisira na ang pundasyon ng buhay-panlipunan, humahantong na ito sa tunggalian ng mga nagkakasalungatang interes, bagong anyo ng karahasan at kalupitan, at mga balakid sa paglago ng isang tinay na kultura ng pangangalaga ng kapaligiran. 

230. Inaanyayahan tayo ni Santa Teresita ng Lisieux na isagawa ang munting paraan ng pagmamahal, na walang nakakaligtaang mabuting salita, isang ngito o anumang munting pagkilos upang ihasik ang kapayapaan at pagkakaibigan. Binubuo ng mumunting gawa araw-araw ang mahalagang ekolohiya na sumisira sa lohika ng karahasan, pagsasamantala at pagkamakasarili. Sa dulo, isang mundo ng malubhang pagkonsumo kasabay ng mundong umaabuso sa buhay sa lahat ng anyo.

Itutuloy...

Lunes, Setyembre 7, 2015

talata 221-225

221. Ang iba't ibang paniniwala, na nabuo sa pagsisimula ng Ensiklikong ito, ay maaaring makatulong sa atin upang mapagyaman ang kahulugan ng pagpapanibagong ito. Kabilang dito ang kamalayang sinasalamin ng bawat nilalang ang anumang sa Diyos at may mensaheng ipinararating sa atin, at ang katiyakang tangan ni Kristo sa kanyang sarili ang materyal na mundong ito at ngayon, muling binuhay, ay may presensya sa  bawat nilalang, na pinaliligiran ng kanyang pag-ibig at pinapasok ito ng kanyang liwanag. Gayundin naman, nariyan ang pagkilalang nilikha ng Diyos ang daigdig, isinulat ito sa isang kaayusan at isang dinamismong ang sangkatauhan ay walang karapatang tanggihan. Nabasa natin sa Ebanghelyo na sinabi ni Hesus sa mga ibon sa himpapawid na "walang isa man sa kanila ang nakakaligtaan sa harap ng Diyos" (Lukas 12:6). Kaya paano natin maaaring maabuso o mapinsala sila? Hiniling ko sa lahat ng Kristyano na kilalanin at masiglang isabuhay ang dimensyong ito ng kanilang pagpapanibago. Nawa ang kapangyarihan at liwanag ng biyayang ating natatanggap ay maging patunay din ng ating pakikipag-ugnayan sa iba pang nilikha at sa mundong nakapaligid sa atin. Sa ganitong paraan, makatutulong tayo sa pangangalaga ng dakilang pakikipagkapatiran sa iba pang nilalang na nagniningning na kinakatawan ni San Francisco ng Assisi.

IV. KAGALAKAN AT KAPAYAPAAN

222. Iminumungkahi ng Kristyanong ispiritwalidad ang isang alternatibong pagkaunawa sa kalidad ng pamumuhay, at nanghihikayat ng isang pambihira at mapagnilay na paraan ng pamumuhay, yaong may kakayahang magkaroon ng taos na kaligayahan nang malaya sa pagkahumaling sa pagkonsumo. Dapat tayong kumuha ng sinaunang aralin, na matatagpuan sa iba't ibang relihiyosong tradisyon at maging sa Bibliya. Ito ang paniniwalang "ang kakaunti ang siyang nakararami". Ang walang tigil na pagbaha ng mga bagong kalakal ay maaaring makataranta sa puso at makapigil sa atin upang itampok ang bawat bagay at bawat sandali. Upang mapayapang itanghal ang bawat reyalidad, gaano man ito kaliit, ay nagbubukas sa atin ng pang-unawang ng mas malawak at pansariling katuparan. Iminumungkahi ng Kristyanong ispiritwalidad ang isang paglagong may tanda ng kahinahunan at ng kakayahang maging masaya sa maliit. Ang pagbabalik na iyon sa pagiging payak ang nagpapahintulot sa atin upang tumigil at ikalugod ang mumunting bagay, ang pagtanaw ng utang na loob sa mga inilaang pagkakataon ng buhay sa atin, upang maging ispiritwal na hiwalay sa anumang tinataglay natin, at huwag malugmok sa kalungkutan dahil sa anumang kulang sa atin. Nagpapahiwatig itong pag-iwas sa dinamika ng pamamahala at sa pagtitipon lamang ng kagalakan.

223. Nakapagpapalaya ang gayong pagtitimpi, kapag isinabuhay ng malaya at alam. Hindi iyon mas maliit na pamumuhay o ang isa'y nabubuhay nang di gaanong marubdob. Sa kabaligtaran, isa itong pamamaraan ng pamumuhay ng ganap. Sa katotohanan, yaong mas nagagalak at mas namumuhay ng mabuti sa bawat sandali ay yaong mga taong isinuko na ang paghahanap dito at doon, na palaging nakatanghod sa kung ano ang wala sila. Naranasan nila kung ano ang kahulugan ng pagpapahalaga sa bawat tao at sa bawat bagay, na pinag-aaralan ang lubos na pagkilala sa mga pinakasimpleng bagay at paano nila ikalulugod ang mga iyon. Kaya naibubuhos nila ang mga pangangailangang hindi kasiya-siya, nababawasan ang kanilang pagkahumaling at pagkapagal. Kahit nabubuhay sa kaunti, nabubuhay sila ng tuluy-tuloy, lalo na kung nililinang nila ang ibang kaluguran at mahagilap ang kasiyahan sa pangkapatirang paghaharap, sa pagsisilbi, sa paglilinang ng kanilang talino, sa musika at sining, sa pakikipag-ugnayan sa kalikasan, sa panalangin. Ang kaligayahan ay nangangahulugang pag-alam na limitahan ang ilang pangangailangang nakapagpapababa sa atin, at pagiging bukas sa marami pang iba't ibang pagkakataong ibinibigay ng buhay.

224. Hindi itinatangi sa nakaraang dantaon ang pagtitimpi at pagpapakumbaba. At gayunpaman, kapag may pangkalahatang panlulupaypay sa pagsasakatuparan ng ilang kagalingan sa sarili't panlipunang pamumuhay, nagiging sanhi ito ng kawalan ng balanse, kasama na yaong pangkapaligiran. Kaya ito ang dahilan kung bakit hindi na sapat ang magsalita lamang hinggil sa integridad ng ekosistema. Dapat matapang tayong magsalita hinggil sa integridad ng buhay ng tao, ng pangangailangang itaguyod at pagkaisahin ang lahat ng mga dakilang kabutihan. Kapag nawala na ang ating kabaabang-loob, at alipinin ng ng mga posibilidad ng walang hanggang karungunan sa lahat ng bagay, hahantong tayo sa pamiminsala sa lipunan at sa kapaligiran. Hindi madaling itaguyod ang ganitong tipo ng malusog na pagpapakumbaba o masayang pagtitimpi kapag itinuring natin ang ating sarili na may awtonomiya, kapag hindi natin isinama ang Diyos sa ating buhay o pinalitan natin siya ng ating sariling pagkaako, at iisiping ating pansariling damdamin ang makapagsasabi kung ano ang tama at ano ang mali.

225. Sa kabilang banda, walang sinuman ang makapaglilinang ng isang matino at kasiya-siyang buhay nang walang kapayapaan sa kanyang sarili. Ang sapat na pagkaunawa sa ispiritwalidad ay naglalaman ng pagpuno ng kungano ang kahulugan ng kapayapaan, na higit pa kaysa kawalan ng digmaan. Ang panloob na kapayapaan ay malapit na nakaugnay sa pangangalaga ng ekolohiya at ng pangkalahatang kagalingan dahil, sa totoong pamumuhay, makikita ito sa isang balanseng sama-samang pamumuhay nang may kakayahang mamangha na nagdadala sa atin sa isang mas malalim na pag-unawa sa buhay. Ang kalikasan ay puno ng mga salita ng pag-ibig, ngunit paano natin sila pakikinggan sa gitna ng patuloy na ingay, walang hinto at nakagugulo ng puso't isipan,o ang pagsamba sa itsura? Maraming tao ngayon ang nakadarama ng malalim na kawalan ng balansa na nagtutulak sa kanila sa mga gawaing nakatataranta at nakadarama silang sila'y abala, na laging nagmamadali kung saan humahantong sila sa panliligalig sa lahat ng bagay sa kanilang paligid. Nakaapekto rin ito kung paano nila itrato ang kapaligiran. Kabilang sa isang mahalagang ekolohiya ang paglalaan ng sapat na panahon upang makabawi sa mapayapang pakikipagkasundo sa sangnilikha, na sumasalamin sa ating pamumuhay at pamantayan, at pinagninilayan ang Lumikhang naninirahan kasama natin at sa paligid natin, kung saan ang kanyang presensya "ay hindi dapat inimbento, kundi natagpuan, nabunyag". [155]

Itutuloy...

Sabado, Setyembre 5, 2015

talata 216-220

III. PAGBABALIK-LOOB SA EKOLOHIYA

216. Ang mayamang pamana ng Kristyanong ispiritwalidad, ang bunga ng dalawampung dantaon ng personal at komyunal na karanasan, ay may mahalagang ambag sa gawin ang muling pagpapanibago ng sangkatauhan. Dito'y nais kong magbigay ng ilang mungkahi sa mga Kristyano para sa pang-ekolohiyang ispiritwalidad na nakatuntong sa ating kaisipan sa ating pananampalataya, yamang ang mga turo ng Ebanghelyo ay may direktang bunga sa ating isipan, pandama at pamumuhay. Higit pa sa mga gayong ideya o konsepto, interesado ako kung paanong ang gayong ispiritwalidad ay makahihikayat sa atin na mas marubdob na magmalasakit para sa proteksyon ng ating mundo. Ang ganitong matayog na panata ay hindi maaaring panatilihin lang ng doktrina, nang walang ispiritwalidad na kayang magpasigla sa atin, nang walang "panloob na simbuyong nanghihikayat, nag-uudyok, nagpapalusog at nagbibigay ng kahulugan sa ating mga indibidwal at komyunal na pagkilos". [151] May pagkilalang ang mga Kristyano'y hindi laging napaglalaanan at nakapagbubuo ng ispiritwal na kayamanang ipinagkaloob ng Diyos sa Simbahan, kung saan ang buhay ng ispiritu ay hindi nakahiwalay sa katawan o sa kalikasan o sa makamundong yeyalidad, kundi nanirahan sa at kasama nila, sa pakikipagkaisa sa lahat ng nakapaligid sa atin. 

217. "Lumalaki ang panlabas na katotohanan sa daigdig, dahil ang panloob na katotohanan ay naging mas malawak." [152] Sa ganitong dahilan,  isa ring patawag ang krisis pang-ekolohiya tungo sa malalimang panloob na pagbabago. masasabing ang ilang namanata't madasaling Kristyano, ng may paumanhin ng reyalismo at pragmatismo, ay maaaring libakin ang mga pagpapahayag ng malasakit para sa kapaligiran. Ang iba'y pasibo; pinili nilang huwag baguhin ang kanilang mga gawi at kaya naging hindi naaayon. Kaya tanging kinakailangan nila ay isang "pagbabagong pang-ekolohiya", kung saan ang epekto ng kanilang pakikipag-ugnayan kay HesuKristo ay naging malinaw sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mundong nakapaligid sa kanila. Ang mabuhay sa ating bokasyon bilang tagapagtanggol ng kagagwan ng Diyos ay mahalaga sa isang buhay ng katuwiran; hindi isang opsyon o sekundaryong aspekto lang ng ating karanasang Kristyano.

218. Ang isagi sa isipan ang imahe ni San Francisco ng Assisi, napagtanto natin na ang malusog na ugnayan sa sangnilikha ay isang sukat ng pangkalahatang personal na pagbabago, na nangangailangan ng pagkilala sa ating mga kamalian, pagkakasala, pagkukulang at pagkabigo, at humahantong sa taos-pusong pagsisisi at pagnanasang magbago. Ang mga obispong Australyano ay nagsabi ng kahalagahan ng gayong pagbabago upang makamit ang pakikipagkasundo sa sangnilikha: "Upang kamtin ang gayong pakikipagkasundo, dapat nating pakasuriin ang ating pamumuhay at kilalanin ang mga pamamaraang nakapipinsala sa mga nilikha ng Diyos dahil sa ating mga aksyon at kabiguang kumilos. Dapat nating maranasan ang pagbabagong-loob, o pagbabago ng puso:. [153]

219. Gayunman, ang pagpapahusay sa sarili sa bahagi ng mga indibidwal ay hindi mismong lunas sa lubhang masalimuot na kalagayang kinakaharap ng ating mundo sa kasalukuyan. Mawawala ang kakayahan at kalayaan ng mga nakabukod na tao upang makatakas sa kaisipang utilitaryan, at hahantong sa pagiging biktima ng isang hindi mabuting konsyumerismo na nawalan ng kamalayang panglipunan at pang-ekolohiya. Dapat matugunan ang mga panlipunang suliranin ng talakupan sa pamayaan at hindi lamang kabuuan ng mga mabubuting ginawa ng indibidwal. Ang gawaing ito "ay makagagawa ng matinding pangangailangan ng tao na hindi niya makakamit ito sa pamamagitan ng indibidwal na inisyatiba o kahit sa sama-samang pagsisikap ng mga taong lumaki sa pamamaraang indibidwalistiko. Ang gawain ng pangingibabaw sa mundo ay nananawagan ng unyon ng mga kasanayan at pagkakasia sa tagumpay na maaari lamang lumago mula sa lubos na naiibang gawi" [154] Ang pagbabagong pang-ekolohiya na dapat magdala ng pangmatagalang pagbabago ay isa ring pagbabagong pampamayanan.

220. Ang pagbabagong ito'y nananawagan ng ilang bilang ng kaugalian kung saan sama-samang nagsusulong ng diwa ng pangangalaga, na puno ng pagmamahal. Una, nangangailangan ito ng pagkilala ng utang na loob at walang kabayaran, isang pagkilala na ang mundo'y isang mapagmahal na handog ng Diyos, at tahimik tayong tinawag upang tularan ang kanyang kabutihang-loob sa sariling pagpapakasakit at mabuting gawa: "Huwag mong ipaalam sa iyong kaliwang kamay kung ano ang ginagawa ng iyong kanang kamay... at ang iyong Amang nakakakita ng lihim ang maggagantimpala sa iyo (Mateo 6:3-4). Nangangailangan din ito ng magiliw na kamalayan na tayo'y hindi nakahiwalay mula sa lahat ng sangnilikha, kundi kasama sa kahanga-hangang pangkalahatang pakikipagkaisa. Bilang mga mananampalataya, hindi natin tinitingnan ang mundo mula sa labas kundi mula sa loob, na nalalaman ang pagkabigkis natin sa iba pang nilalang na iniugnay ng Ama. Sa pagpapaunlad ng ating indibidwal na kakayahang bugay ng Diyos, pasisiglahin tayo ng pagbabagong pang-ekolohiya tungo sa mas malawak na pagkamalikhain at kasigasigan sa paglutas sa daigdigang suliranin at sa pag-aalay ng ating sarili sa Diyos "bilang nabubuhay na pagpapakasakit, banal at katanggap-tanggap" (Rom 12:1). Hindi natin maunawaan ang ating superyoridad bilang katwiran para sa pansariling kaluwalhatian o kawalang pananagutang pamamahala, ngunit sa halip bilang may ibang kakayahan, na sa huli'y nangangailangan ng seryosong pananagutan na nakaugat sa ating pananampalataya.

Itutuloy...

talata 211-215

211. Gayunman ang edukasyong ito, na naglalayong lumikha ng "pang-ekolohiyang pagkamamamayan", paminsan-minsan ay limitado sa pagbibigay ng impormasyon, at nakakaligtaang makapaghasik ng magandang kaugalian. Ang pag-iral ng mga batas at patakaran ay hindi sapat sa katagalan upang supilin ang masamang pag-uugali, kahit na naroroon ang epektibong paraan ng pagpapatupad. Kung magdadala ang mga batas na ito makabuluhan at pangmatagalang epekto, dapat na mayorya ng mga kasapi ng lipunan ay maudyok silang sapat na matanggap ito, at magkaroon ng personal na pagbabago upang makatugon. Tanging sa paglinang ng mahusay na pagkamatuwid na makakaya ng mga tao na mag-alay ng walang pag-iimbot na panatang ekolohikal. Ang taong may kakayahang makagugol at makapagkonsumo ng higit ngunit laging gumagamit ng mas kaunting init at nagsusuot ng mas mainit na damit, ay nagpapakita ng uri ng mga paniniwala at kaugaliang nakatutulong sa pagprotekta ng kapaligiran. May pagkamarangal ang tungkulin sa pangangalaga ng sangnilikha sa pamamagitan ng malilit na pagkilos araw-araw, at kahanga-hanga kung paanong nagdala ng totoong pagbabago sa paraan ng pamumuhay. Ang edukasyon sa pananagutang pangkapaligiran ay nakapag-akit ng mga pamamaraan ng pagkilos na direkta at makabuluhang nakaaapekto sa mundong nakapaligid sa atin, tulad ng pag-iwas ng paggamit ng mga plastik at papel, pagbabawas ng pagkonsumo ng tubig, paghihiwalay ng mga basura, pagluluto lamang ng mga kayang kainin, pagpapakita ng malasakit sa ibang mabubuhay, paggamit ng pampublikong transportasyon o pagsasama-sama sa isang sasakyan imbes na dalawa o higit pa, pagtatanim ng mga puno, pagpatay ng hindi kinakailangang mga ilaw, o iba pang mga kinagawian. Lahat ng ito'y sumasalamin sa isang mapagbigay at karapat-dapat na pagkamalikhain na inilalabas ang pagkamahusay ng mga tao. Ang muling paggamit sa halip na itapon agad ang isang bagay, pag isinagawa sa wastong dahilan, ay isang pagkilos ng pagmamahal na nagpapahayag ng ating sariling dangal.

212. Huwag nating isiping ang mga pagsisikap na ito'y hindi makapagbabago ng mundo. Nakinabang ang lipunan, na kadalasang hindi natin alam, pagkat pinukaw nila ang kabutihang, bagamat di nakikita, ay hindi maaaring hindi kumalat. Bukod dito, ang mga ganitong pagkilos ay nakapagpapabalik ng ating pagpapahalaga sa sarili; ginagawa nilang maging masigla ang ating pamumuhay at madamang kapaki-pakinabang ang buhay sa mundo.

213. Maaaring maganap sa iba't ibang lugar ang pang-ekolohiyang edukasyon: sa paaralan, sa pamilya, sa pamahayagan o midya, sa katekismo at saanpaman. Nagtatanim ng binhi ang magandang edukasyon nang tayo'y bata pa, at patuloy itong namumunga sa buo nating buhay. Bagaman dito'y nais kong bigyang-diin ang malaking kahalagahan ng pamilya, na siyang "lugar kung saan ang buhay - ang handog ng Diyos - ay maaaring tanggapin ng maayos at protektado laban sa maraming pag-atake kung saan nalalantad ito, at maaaring mabuo alinsunod sa kung anong bumubuo sa tunay na paglago ng tao. Sa harap ng tinatawag na kultura ng kamatayan, ang pamilya ang puso ng kultura ng buhay". [149] Sa pamilya natin unang natutunan kung paano magpakita ng pagmamahal at paggalang sa buhay; tinuruan tayo sa wastong paggamit ng mga bagay, kaayusan at kalinisan, paggalang sa lokal na ekosistema at pangangalaga sa lahat ng nilikha. Sa pamilya natin natanggap ang makabuluhang edukasyon, na nagbibigay-daan sa atin upang maging maayos sa personal na matyuridad. Sa pamilya, natutunan nating magtanong nang hindi nanghihingi, ang magsabi ng "salamat" bilang pagpapahayag ng totoong pagkilala ng utang na loob sa anumang ibinigay sa atin, ang kontrolin ang ating kapusukan at pagkamakasarili, at humingi ng kapatawaran kung tayo'y nakapaminsala. Ang mga simpleng pagkilos ng taospusong paggalang ay nakatutulong na makalikha ng kultura ng ibinahaging buhay at paggalang sa nakapaligid sa atin.

214. Ang mga institusyong pampulitika at ang iba't iba pang panlipunang pangkat ay pinagkatiwalaan din sa pagtulong sa pag-angat ng kamalayan ng tao. Gayon din ang Simbahan. Ang lahat ng pamayanang Kristyano ay may mahalagang papel na ginagampanan sa edukasyong pang-ekolohiya. Umaasa akong ang ating mga seminaryo at mga bahay ng pormasyon ang nagbibigay ng edukasyon sa maypananagutang kapayakan sa buhay, sa pagninilay ng pasasalamat sa mundo ng Diyos, at sa pagmamalasakit sa pangangailangan ng dukha at pangangalaga ng kapaligiran. Dahil napakalaki ng nakataya, kailangan natin ng malalakas na institusyong magpapataw ng parusa sa mga pinsalang idinulot sa kapaligiran. Ngunit kailangan din natin ng mga personal na katangian ng pagpipigil sa sarili at kahandaang matuto sa bawat isa. 

215. Sa puntong ito, "ang ugnayan sa pagitan ng tunay na mabuting edukasyon at ang pagpapanatili ng malusog na kapaligiran ay hindi dapat makaligtaan". [150] Ang matutong makita at kalugdan ang kariktan, natutunan nating itakwil ang pansariling pakinabang na pragmatismo. Kung ang isa'y hindi natutong tumigil at hangaan ang anumang marikit, hindi tayo dapat magitla kung ituring niya ang anumang bagay bilang bagay na ginagamit at inaabuso ng walang pag-aalangan. Kung nais nating magdala ng malalim na pagbabago, dapat anting mapagtanto na ang ilang kaisipan ay tunay na nakaiimpluwensiya ng ating pag-uugali. Ang ating mga pagsisikap sa edukasyon ay hindi sapat at walang epekto maliban kkung magsisikap tayong itagiyod ang isang bagong paraan ng pag-iisip hinggil sa sangkatauhan, buhay, lipunan at ang ating ugnayan sa kalikasan. Kung hindi, ang modelo ng konsyumerismo ay patuloy na susulong, sa tulong ng midya at ng lubusang epektibong pagkilos ng merkado.

Itutuloy...

Biyernes, Setyembre 4, 2015

talata 206-210

206. Ang pagbabago ng paraan ng pamumuhay ang maaaring makapagbigay ng malusog na pwersang dapat tiisin ng mga nagtatangan ng kapangyarihang pampulitika, pang-ekonomya at panlipunan. Ito ang mga nakamit ng kilusang konsyumer nang boykotin nila ang ilang mga produkto. Napatunayang matagumpay sila sa pagbago ng pamamaraan ng pagpapatakbo ng negosyo, na nagtutulak sa mga ito na isaalang-alang ang mga bakas pangkapaligiran at ang padron nito ng produksyon. Kapag naapektuhan ng panlipunang pwersa ang kanilang kinikita, maliwanag na naghahanap ng naiibang paraan ang negosyo upang makapaglikha ng produkto. Ipinapakita nito sa atin ang malaking pangangailangan para sa kahulugan ng panlipunang pananagutan sa bahagi ng mga mamimili. "Ang pagbili ay laging isang moral - at hindi lamang simpleng pang-ekonomya - na pagkilos". [146]. Sa kasalukuyan, sa isang salita, "ang usapin ng pagkasira ng kalikasan ay humahamon sa atin upang suriin ang ating paraan ng pamumuhay". [147]

207. Sinasabi sa atin ng Tsarter ng Daigdig na iwan ang yugto ng sariling pagkawasak at lumikha ng bagong simula, ngunit hindi pa rin tayo nakakapagbuo ng pandaigdigang kamalayang kinakailangan upang matamo ito. Dito'y uulitin ko yaong matapang na hamon: "Hindi pa nangyayari sa kasaysayan, kumakaway sa atin ang pangkalatang tadhana upang hagilapin ang bagong simula... Gawing natin ang ating panahon ay maalala sa pagpukaw ng bagong pamimitagan sa buhay, isang matatag na pasiya upang makamit ang pagkatuluy-tuloy, ang pagpapasigla ng pakikibaka para sa katarungan at kapayapaan, at ang masayang pagdiriwang ng buhay". [148]

208. Palagi tayong may kakayanang magtungo sa labas ng ating sarili upang tumungo sa ating kapwa. Hangga't di natin ito gagawin, ang kapwa nilalang ay hindi makikilala sa kanilang tunay na kahalagahan; hindi tayo nababahala sa pangangalaga ng mga baga para sa kapakanan ng kapwa; bigo tayong magtakda ng limitasyon sa ating sarili upang maiwasan ang paghihirap ng iba o ang pagkasira ng ating kapaligiran. Ang walang pag-iimbot na malasakit sa kapwa, at ang pagtanggi sa bawat anyo ng pagiging makasarili at sariling-higop, ay mahalaga kung talagang nais nating pangalagaan ang ating mga kapatid at ang likas na kapaligiran. Iniaakma tayo ng mga kaugaliang ito patungo sa kinakailangang moral sa pagtatasa ng epekto ng ating bawat pagkilos at sariling pagpapasiya sa mundong nakapaligid sa atin. Kung ating masusupil ang indibidwalismo, tunay ngang kaya nating makapagbuo ng iba't ibang paraan ng pamumuhay at magdala ng makabuluhang pagbabago sa lipunan. 

II. PANGANGARAL PARA SA KASUNDUAN SA PAGITAN NG SANGKATAUHAN AT KAPALIGIRAN

209. Ang kamalayan sa kalubhaan ng kasalukuyang krisis sa kultura't ekolohiya ay dapat maisalin tungo sa bagong kaugalian. Maraming tao ang nakaaalam na ang ating kasalukuyang progreso at ang pagkakamal lamang ng mga bagay at kasiyahan ay hindi sapat upang bigyang kahulugan at kagalakan ang puso ng tao, subalit pakiramdam nila'y hindi nila kayang talikdan kung anong itinakda ng merkado sa kanilang harapan. Sa mga bansang yaong lumilikha ng pinakamalaking pagbabago sa gawi ng mga konsumador, may bagong ekolohikal na sensitibidad at diwang mapagbigay ang mga kabataan, at ang ilan sa kanila ay kahanga-hangang nagsusumikap upang maprotektahan ang kapaligiran. Kasabay nito, sila ay lumaki sa isang kapaligirang may matinding konsyumerismo at kasaganahan na nagpapahirap sa kanilang bumuo ng iba pang kaugalian. Nahaharaop tayo sa isang edukasyong mapanghamon.

210. Pinalawak ng edukasyong pangkapaligiran ang mga layunin nito. Sapagkat sa simula ito'y pangunahing nakasentro sa impormasyong pang-agham, pagpapaangat ng kamalayan at ang pag-iwas sa panganib na pangkapaligiran, maaari nitong maisama ang pagpuna sa mga "mito" ng pagkamoderno na nakabatay sa kaisipang utilitaryan (indibidwalismo, walang limitasyong pag-unlad, kumpetisyon, konsyumerismo, ang merkadong hindi pinatakaran). Hinahangad din nitong maibalik sa iba't ibang antas ng ekolohikal na ekwilibriyo, nagtatatag ng pagkakaisa sa ating mga sarili, sa kapwa, sa kalikasan at sa iba pang nabubuhay na nilalang, at sa Diyos. Dapat pangasiwaan ng pangkapaligirang edukasyon ang paggawa ng hakbang tungo sa pagpapasigla na nagbibigay sa etikang pang-ekolohiya ng malalim nitong kahulugan. Kailangan nito ng mga edukador na kayang makapagbuo ng etika ng ekolohiya, at pagtulong sa kapwa, sa pamamagitan ng epektibong pagtuturo, sa paglago ng pagkakaisa, pananagutan at mapag-alalang pangangalaga.

Itutuloy...

Huwebes, Setyembre 3, 2015

talata 201-205

201. Ang mayorya ng mga taong naninirahan sa ating planeta ay nagpapahayag na sila'y mga mananampalataya. Dapat itong mag-udyok sa mga relihiyon upang mag-usap-usap para sa kapakanan ng pagprotekta sa kalikasan, pagtatanggol sa mga dukha, at pagbubuo ng mga talakupan ng paggalang at kapatiran. Ang mga diyalogo sa pagitan ng iba't ibang mga agham ay kinakailangan din naman, bagamat ang bawat isa'y maaaring mapiit sa kanilang sariling wika, habang ang pagdadalubhasa ay humahanting sa isang tukoy na pagkabukod at ang pagkaabsoluto ng kani-kanilang sariling larangan ng kaalaman. Ito ang nakahahadlang sa atin upang epektibong karapin ang mga suliraning pangkapaligiran. Kinakailangan din ang isang pag-uusap na bukas at naggagalangan sa pagitan ng iba't ibang kilusang ekolohikal, kung saan ang mga tunggaliang ideolohikal ay madalas na nakakaharap. Ang dagsin (gravity) ng krisis ekolohikal ay nag-uudyok na pansinin natin ang kagalingang panlahat, na pinapasok ang isang landas ng pakikipag-usap na nangangailangan ng pasensya, disiplina sa sarili at pagiging mapagbigay, na laging isinasaisip na "ang reyalidad ay mas malaki pa kaysa ideya". [143] 

KABANATA ANIM

EKOLOHIKAL NA EDUKASYON AT ISPIRITWALIDAD

202. Maraming bagay na dapat magbago ng larangan, ngunit higit sa lahat tayong mga tao ang dapat na magbago. Kulang tayo ng kaalawan sa ating pangkalahatang pinagmulan, ng kapwa natin pag-aari, at ng isang kinabukasang dapat ibahagi sa lahat. Ang batayang kamalayang ito ang kayang makapagbuo ng bagong mga paniniwala, kaugalian at anyo ng buhay. Isang mahusay na kultura, ispiritwal at pang-edukasyunal na hamon ang nakatindig sa ating harapan, at inuudyukan tayong magtakda ng mahabang landas ng muling pagbabago.

I. TUNGO SA ISANG BAGONG PARAAN NG PAMUMUHAY

203. Dahil ang merkado'y maaaring itaguyod ang isang matinding konsyumerismo sa pagsisikap na maibenta ang mga produkto nito, madaling mabitag ang mga tao ng unid ng pagbili at paggastos ng hindi naman kailangan. Ang mapilit na konsyumerismo ay isang halimbawa kung paano nakakaapekto sa mga indibidwal ang modelong tekno-ekonomiko. Nakini-kinita na ito noon ni Romano Guardini: "Ang mga gadyet at teknikong ipinilit sa kanya ng mga padron ng produksyon ng makita at ng abstraktong pagpaplano ng masa ay natanggap ito ng tao ng gayon; sila mismo ang mga anyo ng buhay. Maging ito man ay nasa mataas o mababang antas ng masa at kumbinsido ang tao na ang kanyang pagang-ayon ay parehong makatuwiran at makatarungan". [144] Dinadala ng modelong ito ang mga tao upang paniwalaang sila'y malaya hangga't mayroon silang kalayaang nadarama. Ngunit ang totoong malaya ay ang iilang maytangan ng kapangyarihang pang-ekonomya at pampinansya. Sa gitna ng ganitong pagkalito, hindi pa nakakamit ng sangkatauhang postmoderno ang isang bagong kamalayan ng sarili na kayang magbigay ng gabay at direksyon, at ang kakulangan nito ng pagkakakilanlan ang pinagmumulan ng pagkabalisa. Napakarami nating paraan at kakaunti ang marupok na pinatutunguhan. 

204. Ibinubunga ng kasalukuyang daigdigang kalagayan ang pagkadama ng kawalang-tatag at kawalang katiyakan, na siya namang nagiging "akatan (seedbed) ng kolektibong pagkamakasarili". [145] Pag ang tao'y nakasentro sa sarili at nakapaikot lang sa sarili, tumitindi ang kanilang pagkagahaman. Kung gaano ang kawalan sa puso ng isang tao, mas matindi ang kanyang pangangailangang bumili, mag-ari at magkonsumo ng maraming bahay. Tila baga imposible nang makamit ang limitasyong ipinataw ng reyalidad. Sa ganitong pananaw, nawawala na rin ang tunay na kahulugan ng pangkalahatang kagalingan. Habang ang ganitong mga gawi ay lalong lumalaganap, iginagalang lamang ang panlipunang kagawian pag hindi ito sumasalungat sa personal na pangangailangan. Kaya ang pag-aalala natin ay hindi limitado lang sa banta ng matinding nangyayari sa klima, ngunit dapat ding umabot sa kahihinatnang kalamidad ng panlipunang kaguluhan. Hahantong lamang sa karahasan at parehong pagkawasal ang pagkahumaling sa konsyumeristang paraan ng pamumuhay, higit sa lahat pag ang ilang tao ay may kakayahang panatilihin ito.

205. Gayunman ang lahat ay hindi nawala. Ang sangkatauhan, bagamat kayang mabuhay sa pinakamasamâ, ang sarili nila'y kaya ring umangat, pinipiling muli kung ano ang mabuti, at lumikha ng bagong simula, sa kabila ng kanilang mental at panlipunang pagpapakondisyon. Nagawa nating tumingin ng tapat sa ating mga sarili, upang kilalanin ang ating malalim na sama ng loob, at upang pumasok sa bagong landas ng tunay na kalayaan. Maaaring sistemang ganap na susugpouin Walang sistema sa ating pagiging bukas sa kung ano ang mabuti, totoo at maganda, o ang ating bigay-ng-Diyos na kakayanan upang tumugon sa kanyang biyaya na kumikilos ng malalim sa ating puso. Nananawagan ako sa lahat ng tao sa buong mundo na huwag kaligtaan ang ating dignidad na atin naman. Walang sinumang may karapatang tanggalin ito sa atin.

Itutuloy...

Miyerkules, Setyembre 2, 2015

talata 196-200

196. Anong nangyari sa pulitika? Dapat nating isaisip ang prinsipyo ng subsidiyaridad, na nagbibigay ng kalayaang mabuo ang kapabilidad na naroroon sa bawat antas ng lipunan, habang hinihiling din ang mas mataas na kahulugan ng pananagutan para sa kagalingan ng lahat mula sa mga maytangan ng matitinding kapangyarihan. Ngayon, ito ang kaso na ilang sektor ng ekonomya ay kumikilos ng mas makapangyarihan kaysa mismong estado. Ngunit ang ekonomyang walang pulitika ay hindi maaaring bigyang katwiran, dahil nagiging imposibleng paburan ang iba pang pamamaraan ng pagtangan ng iba't ibang aspekto ng kasalukuyang krisis. Ang kaisipang walang puwang para sa sinserong malasakit para sa kapaligiran ang siya ring kaisipan ng kakulangan ng malasakit para isama ang pinaka-bulnerableng myembro ng lipunan. Para sa "kasalukuyang modelo, sa diin nito sa tagumpay at tiwala sa sarili, ay hindi nakikitang pumapabor sa pamumuhunan sa mga pagsisikap na matulungan ang mga mababagal, mahihina o di gaanong mahusay upang makahanap ng mga oportunidad sa buhay." [139]

197. Ang kinakailangan ay isang pulitikang malayo ang tanaw ay may kakakayahan sa isang bago, mahalaga at interdisiplinaryong pagtugon sa pagtangan sa iba't ibang aspekto ng krisis. Kadalasan, ang mismong pulitika ang responsable sa pagkasira ng pangalan kung saan ito nangyari, sa nangyayaring katiwalian at sa kabiguang isabatas ang mahusay na patakarang pangmadla. Kung sa isang hátag na rehiyon ay hindi ginagawa ng estado ang mga pananagutan nito, ang ilang pangkat mangangalakal ay maaaring dumating na nagkukunwang tagatangkilik, maytangan ng totoong kapangyarihan, at itinuturing ang sarili nilang hindi saklaw ng ilang mga patakaran, sa puntong hinahayaan ang iba't ibang anyo ng organisadong krimen, pangangalakal ng tao, ang negosyo sa droga at karahasan, lahat ng ito'y mas nagiging mahirap masugpo. Kung ipinakikita ng mismong pulitika ang kawalan nito ng kakayahang durugin ang gayong tampalasang lohika, at nananatiling naiipit sa mga hindi makatwirang talakayan, patuloy nating iniiwasan ang mga pangunahing suliraning kinakaharap ng sangkatauhan. Ang istratehiya ng totoong pagbabago ay nananawagan ng muling pag-iisip sa mga proseso sa kabuuan nito, pagkat hindi sapat na maisama ang ilang mababaw na pagtinging ekolohikal habang bigong tanungin ang lohika kung saan nakasalalay ang kasalukuyang kultura. Dapat na kayanin ng isang malusog na pulitika na tanggapin ang ganitong hamon. 

198. Maaaring sisihin ng pulitika at ng ekonomiya ang bawat isa pagdating sa kahirapan at pagkasira ng kapaligiran. Inaasahang tanggapin nila ang sariling mga pagkakamali at mahanap ang mga paraan ng pakikipagtulungan na nakatuon sa kagalingan ng lahat. Habang ang ilan ay nag-aalala lang sa pinansyal na gananya, at ang iba'y ang pagtangan o pagpapalawak ng kanilang kapangyarihan, ang naiiwan sa atin ay mga alitan at mga palsong kasunduan kung saan ang huling bagay na inaalala ng magkabilang partido ay ang pangangalaga sa kapaligran at pagprotekta sa mga taong pinaka-bulnerable. Dito rin ay makikita natin kung gaano katotoo na "ang pagkakaisa ay mas malaki pa kaysa tunggalian". [140]

V. ANG RELIHIYON SA PAKIKIPAGTALAKAYAN SA AGHAM

199. Hindi makakatigan na ang agham empirikal ang magbibigay ng lubusang paliwanag sa buhay, sa pagtutulungan ng lahat ng nilalang at ng kabuuang reyalidad. Ito'y upang sirain ang mga limitasyong ipinataw ng sarili nitong pamamaraan. Kung mangangatwiran lang tayo sa loob ng hangganan ng huli, maliit na puwang ang maiiwan sa astetikong pakiramdam, panulaan, o maging sa kakayahan ng pag-unawa na magagap ang lubusang kahulugan at layunin ng mga bagay. [141] Idaragdag ko pang "pinatutunayang makahulugan ang mga relihiyosong klasiko sa bawat panahon; mayroon silang kapangyarihang magtiiis upang magbukas ng bagong kaligiran... Makatuwiran ba at nakapagpapaliwanag ang ilang mga akda dahil lamang nagmula ito sa konteksto ng relihiyosong paniniwala?" [142] Ganap na nakapasimpleng isipin na ipinakikita ng mga etikal na prinsipyo ang sarili nito ng purong abstrakto, na hiwalay sa anumang konteksto. O maging sa katotohanang maaari itong abangan sa wikang pangrelihiyon na namamarali mula sa halaga nito sa pampublikong debate. Ang mga etikal na prinsipyong kayang magagap ng katwiran ay maaaring laging muling lumitaw sa ibang maskara at makapagpahayag sa iba't ibang wika, kabilang ang wikang pangrelihiyon.

200. Anumang teknikal na solusyon na umano'y iniaalok ng agham ay magiging mahina sa paglutas sa mga malalang suliranin ng ating daigdig kapag nawala na ang aguhon (compass) ng sangkatauhan, kung di na natin nakikita ang malaking motibasyon upang mamuhay tayo ng may pagkakaisa, ang magsakripisyo at pakitunguhang mabuti ang kapwa. Dapat madama ng mismong mga mananampalataya ang patuloy na hamong mabuhay sa paraang ayon sa kanilang pananampalataya at hindi ito sasalungatin ng kanilang mga aksyon. Dapat silang mahikayat na maging bukas sa biyaya ng Diyos at patuloy na humatak mula sa kanilang pinakamalalim na paniniwala hinggil sa pag-ibig, katarungan at kapayapaan. Kung ang maling pagkaunawa sa ating sariling prinsipyo ay minsang nagtutulak sa ating bigyang katwiran ang paglapastangan sa kalikasan, ang paggamit ng paniniil laban sa mga nilikha, ang makisali sa digmaan, kawalang katarungan at mga gawang karahasan, dapat nating kilalanin bilang mga mananampalataya na sa paggawa ng mga iyon at hindi na tayo nagiging tapat sa mga yaman ng karunungan kung saan tayo tinawag upang magprotekta at mangalaga. Ang mga limitasyong pangkultura sa iba't ibang panahon ay kadalasang nakakaapekto sa pang-unawa sa mga etikal at ispiritwal na yamang ito, subalit sa patuloy na pagbalik sa kanilang pinagmulan, dapat na may mahusay na kagamitan ang relihiyon upang makatugon sa mga pangangailangan ng kasalukuyan.

Itutuloy...