Lunes, Hulyo 6, 2015

talata 86-90

86. Ipinapakita ng sanlibutan sa kabuuan, sa lahat ng masagana nitong ugnayan, ang hindi masasaid na yaman ng Diyos. Matalinong itinalâ ni Santo Tomas Aquinas ang pagkarami-rami at pagkakaiba-iba "ay nanggagaling mula sa layunin ng unang kinatawan" na nagnanais na "kung ano ang kapos sa isa  sa representasyon sa banal na kabutihan ay maaaring ibigay ng iba", [60] hangga't ang kabutihan ng Diyos "ay hindi kayang angkop na katawanin ng iba pang nilalang". [61] Kaya dapat nating maunawaan ang samutsaring bagay sa kanilang maramihang relasyon. [62] Mas nauunawaan nating mabuti ang kahalagahan at kahulugan ng bawat nilalang kung pagninilayan nating kabilang sila sa kabuuan ng plano ng Diyos. Tulad ng itinuturo ng Katekismo: "Ninanais ng Diyos ang pagtutulungan ng sangnilikha. Ang araw at ang buwan, ang sedro at ang maliit na bulaklak, ang banoy at ang langay-langayan: ang tanawing ang kanilang hindi mabilang na samutsaring buhay at hindi nila pagkakapare-pareho ay nagsasabi sa ating walang nilalang na kayang makapag-isa. Nabubuhay ang bawat nilalang na umaasa sa bawat isa, upang maging ganap ang bawat isa, sa paglilingkod sa bawat isa". [63]

87. Kapag nakikita natin ang Diyos na sumasalamin sa lahat ng umiiral, napapakislot ang ating puso upang purihin ang Panginon dahil sa lahat ng kanyang nilalang at sambahin siya kaisa nila. Ang damdaming ito'y mahahagilap sa nakamamanghang pahayag sa awit ni San Francisco ng Assisi:

Purihin ka, aking Panginoon, kasama ang lahat ng iyong nilalang,
lalo na ang Kapatid na Araw,
na siyang adlaw at sa pamamagitan nito'y ibinigay mo ang liwanag.
At siya'y maganda at makinang ng may dakilang kariktan, 
at naglalatag ng pagkakatulad sa iyo, Kataas-taasan.
Purihin ka, aking Panginoon, sa pamamagitan ng Kapatid na Buwan at mga bituin,
sa kalangitan ay inayos mo silang malinaw at natatangi at maganda.
Purihin ka, aking Panginoon, sa pamamagitan ng Kapatid na Hangin,
at sa pamamagitan ng himpapawid, maulap at mapayapa, at sa bawat uri ng panahon
kung saan ibinigay mo ang ikabubuhay ng iyong mga nilalang.
Purihin ka, aking Panginoon, sa pamamagitan ng Kapatid na Tubig,
na lubhang kapaki-pakinabang at mapagkumbaba at natatangi at malinis.
Purihin ka, aking Panginoon, sa pamamagitan ng Kapatid na Apoy,
sa pamamagitan mo'y nagliliwanag ang gabi,
at siya'y maganda at mapaglaro at matipuno at malakas". [64]

88. Tinukoy ng mga obispo ng Brazil na ang kalikasan sa kabuuan ay hindi lamang ipinahahayag ang Diyos kundi batayan din ng kanyang presensya. Nananahan ang Espiritu ng buhay sa bawat nabubuhay na nilalang at tinatawag tayong pumasok sa pakikipagrelasyon sa kanya. [65] Ang pagkakatuklas sa presensyang ito ay umaakay sa atin upang linangin ang "mga kabutihang pang-ekolohiya". [66] Ito'y hindi para kaligtaan na may walang katapusang distanya sa pagitan ng Diyos at ng mga bagay sa mundong ito, kung saan hindi nag-aangkin ng kanyang kalubusan. Kung hindi'y wala tayong gagawing anumang maganda sa mga mismong nilalang, dahil mabibigo tayong kilalanin ang kanilang karapatan at angkop na kinalalagyan. Magtatapos lang tayong masyadong humihiling sa mga ito ng mga bagay, na dahil sa kanilang kaliitan, ay hindi nila maibibigay sa atin.

V. ISANG PANGKALAHATANG PAGKAKAISA

89. Ang mga bagay na nilikha sa mundong ito ay hindi malaya sa pag-aari: "Pagkat lahat ng iyon ay sa iyo, O Panginoon, na iniibig ang mga nangabubuhay" (Wis 11:26). Ito ang batayan ng ating paniniwalang, bilang bahagi ng sanlibutan, na tinawag ng isang Ama upang mabuhay, lahat tayo'y pinag-ugnay ng hindi nakikitang mga bigkis at magkasamang binuo ang isang uri ng pangkalahatang pamilya, isang dakilang pagkakaisa na nagpunô sa atin ng isang banal, magiliw at mapagkumbabang paggalang. Dito'y nais kong uliting "Pinaglapit tayong mabuti ng Diyos sa mundong ginagalawan upang madama natin ang pagkatuyo ng lupa na halos isa nang pisikal na karamdaman, at ang pagkalipol ng isang espésye bilang isang masakit na pagpapapangit". [67]

90. Ito'y hindi para hilahin ang lahat ng nabubuhay na nilalang sa iisang antas o pagkaitan ang sangkatauhan ng kanilangnatatanging halaga at ang malaking pananagutang kaakibat nito. Hindi rin ito nagpapahiwatig ng pagkabanal ng daigdig na pipigil sa atin upang kumilos higgil doon at maprotektahan iyon sa kanyang karupukan. Hahantong ang gayong pagkaunawa sa paglikha ng mga bagong kawalan ng balanse na maglilihis sa atin mula sa reyalidad na humahamon sa atin. [68] Minsan, makakakita tayo ng pagkahumaling na pabulaanan ang anumang kadakilaan ng tao; mas maraming sagisag na ipinakikita sa pagprotekta ng iba pang espésye kaysa pagtatangol sa dignidad kung saan ibinabahagi ito ng buong sangkatauhan ng pantay-pantay. Kaya dapat tayong magmalasakit kung hindi'y hindi tatratuhin nang maganda ang iba pang nilalang. Ngunit dapat tayong lubusang magngitngit sa malaking hindi pagkakapantay-pantay na kinakaharap natin, kung saan patuloy nating pinahihintulutan ang ibang ang turing sa kanilang sarili'y mas karapat-dapat sila kaysa iba. Bigo tayong makita na ang iba'y nakukulapulan ng malubha at masamang kahirapan, nang walang malalabasan, habang ang iba'y wala ni bahagyang ideya kung anong gagawin sa kanilang pag-aari, na palalong nagpapakita ng kanilang inaakalang superyoridad, at nag-iwan ng laksa-laksang basura, na kung ito ang kaso sa maraming lugar, na makasisira sa planeta. Sa palagiang gawi, patuloy nating hinahayaan ang iba sa pagturing sa kanilang sarili na mas makatao sila kaysa iba, na tila baga isinilang silang may mas maraming karapatan kaysa iba.

Itutuloy...

Linggo, Hulyo 5, 2015

talata 81-85

81. Ang mga tao, kahit na isipin natin ang isang proseso ng ebolusyon, ay nang-aangkin ng sariling katangiang hindi ganap na maipaliliwanag sa pamamagitan ng ebolusyon ng iba pang sistemang lantad. Bawat isa sa atin ay may sariling personal na identidad at kayang pumasok sa pakikipagtalakayan sa kapwa at sa mismong Diyos. Ang kakayahan nating mangatwiran, bumuo ng mga argumento, ang maging mapanlikha, ang pagnilayan ang reyalidad at lumikha ng sining, kasama ang ibang hindi pa natutuklasang kakayahan, ay mga senyales ng pagkanatatangi na lumalampas sa sinasaklaw ng pisika at biyolohiya. Ang lubos na bagong karanasang kasama sa paglitaw ng mga personal na kairalan sa loob ng materyal na sanlibutan na sinasapantahang isang direktang aksyon ng Diyos at isang partikular na panawagan sa buhay at sa relasyon sa bahagi ng "Ikaw" na tinutukoy ang sarili sa iba pang "ikaw". Ang mga salaysay sa bibliya hinggil sa paglikha ay nag-aanyaya sa atin na tingnan ang bawat tao bilang isang paksang hindi mapaliliit sa kalagayan ng isang bagay.

82. Subalit mali ring tingnan ang iba pang nilikha bilang bagay lamang na dapat ipailalim basta na lang sa pamamahala ng tao. Kapag tiningnan lang ang kalikasan bilang pinagmumulan ng tubô at pakinabang, may malubhang bunga para sa lipunan. Ang pananaw na "ang malakas ay tama" ay nagbunga ng malawak na hindi pagkakapantay-pantay, kawalan ng katarungan at karahasan laban sa mayorya ng sangkatauhan, dahil ang mga likasyaman ay napupunta lang sa kamay ng mga nauna o ng pinakapakapangyarihan: ang nanalo ang humahamig ng lahat. Ganap na kaiba sa mag modelong ito ang mithiin ng pagakkaisa, katarungan, kapatiran at kapayapaang ipinanukala ni Hesus. Tulad ng sinabi niya sa mga makapangyarihan noong kanyang kapanahunan: "Alam nyong ang tagapamahala ng mge Hentil ay namamanginoon sa kanila, at ang kanilang malalaking tao ay gumagamit ng awtoridad sa kanila. Hindi dapat ganito ang paraan sa inyo; kundi ang sinumang magiging dakila sa inyo ang siyang magiging inyong lingkod" (Mt 20:25-26).

83. Ang ganap na patutunguhan ng sanlibutan ay ang kapuspusan ng Diyos, na naabot na ng muling mabuhay ang Kristo, ang sukatan ng maturidad ng lahat ng bagay. [53] Dito'y maidaragdag natin ang isa pang argumento para itakwil ang bawat pamamahalang malupit at kawalan ng pananagutan ng tao sa iba pang nilikha. Ang talagang layunin ng iba pang nilikha ay hindi matatagpuan sa atin. Kundi, ang lahat ng niliha ay sumusulong kasabay natin at sa pamamagitan natin patungo sa magkasabay na punto ng pagdatal, kung saan ang Diyos sa higit na kapuspusan niyon kung saan ang lahat ay niyakap at tinanglawan ng Kristong nagbangon. Ang mga tao, na pinagkalooban ng talino at pagmamahal, at nahahanak ng kapuspusan ng Kristo, ay tinawag upang pangunahan ang lahat ng nilikha sa pagbabalik sa kanilang Lumikha.

IV. ANG MENSAHE NG BAWAT NILALANG SA PAKIKIPAGKAISA SA PAGLIKHA

84. Ang paggigiit natin na ang bawat tao ay mula sa imahe ng Diyos ay hindi dapat makapagpalimot sa atin sa katotohanang ang bawat nilikha'y may sariling layunin. Walang hindi kailangan. Ang buong materyal na sanlibutan ay nagpapahayag ng pag-ibig ng Diyos, ang walang hangganang pagmamahal niya para sa atin. Ang lupa, ang tubig, ang mga kabundukan: ang lahat ng bagay, na lagi nalang, ay isang hagod ng Diyos. Ang kasaysayan ng ating pakikipagkaibigan sa Diyos ay laging nakaugnay sa partikular na lugar na patungo sa isang marubdob na pansariling kahulugan; natatandaan nating lahat ang mga lugar, at ang muli nating pagdalaw sa mga gunita ay nakabubuti sa atin. Ang sinumang lumaki sa mga burol o kaya'y laging umuupo sa bukal upang uminom, o maglaro sa labas sa liwasan ng kapitbahayan; ang pagbabalik sa mga lugar na ito'y isang pagkakataon upang mabawi ang anumang nasa kanilang totoong sarili.

85. Nagsulat ang Diyos ng natatanging aklat, "kung saan ang mga titik ay kawan ng mga nilikhang bagay na makikita sa sanlibutan". [54] Wastong tinukoy ng mga obispong mula Canada na walang nilikhang pinabayaan mula sa ganitong ipinahayag ng Diyos: "Mula sa malawak na tanawin hanggang sa pinakamaliit na anyo ng buhay, ang kalikasan ang palagiang pinagmumulan ng paghanga at pagkamangha. Isa rin itong patuloy na pagpapahayag ng kabanalan". [55] Ang mga obispo ng Japan, sa bahagi nila, ay gumawa ng nakapupukaw-sa-isip na pagsisiyasat: "Ang maramdamang ang bawat nilalang na umaawit ng himig ng pag-iral nito ay ang mabuhay ng masaya sa pag-ibig at pag-asa ng Diyos". [56] Ang pagninilay na ito sa paglikha ay nagpapahintulot sa ating matuklasan na bawat bagay ay isang aral na nais ibahagi ng Diyos sa atin, dahil "para sa mananampalataya, ang pagnilayan ang sangnilikha ay pakikinig ng mensahe, ang makinig sa tinig na balintuna at tahimik". [57] Masasabi nating "sa tabi ng maayos na tinatawag na rebelasyon, na nakapaloob sa banal na Kasulatan, may banal itong pagpapahayag sa dingas ng araw at sa pagbagsak ng gabi". [58] Ang pagbibigay-pansin sa pagpapahayag na ito, natututo tayong makita ang sarili natin sa relasyon nito sa iba pang nilalang: "Ipinahahahayag ko ang aking sariling nagkakapahayag sa mundo; sa aking pagsisikap na maunawaan ang kabanalan ng mundo, gagalugarin ko ang akin". [59]

Itutuloy...

Sabado, Hulyo 4, 2015

talata 76-80

III. ANG MISTERYO NG SANLIBUTAN

76. Sa tradisyong Judaeo-Kristyano, ang salitang "paglikha" ay may mas malawak na kahulugan kaysa "kalikasan", dahil may kinalaman ito sa magiliw na plano ng Diyos kung saan bawat nilikha ay may sariling halaga at kabuluhan. Ang kalikasan ay karaniwang nakikita bilang isang sistemang napag-aaralan, nauunawaan at napamamahalaan, samantala ang paglikha naman ay nanununawaan bilang isang kaloob mula sa nakadipang kamay ng Ama ng lahat, at bilang reyalidad ay natatanglawan ng pag-ibig na nananawagan ng sama-sama sa atin patungo sa panglahatang pagkakaisa.

77. "Sa pamamagitan ng salita ng Diyos ay nayari ang langit" (Ps 33:6). Ipinahahayag nito sa atin na nabuo ang mundo bilang resulta ng isang desisyon, hindi mula sa kaguluhan o nagkataon lang, at mas higit itong dinarakila. Ang nilikhang salita ay nagpapahayag ng malayang pagpapasya. Ang sanlibutan ay hindi lumitaw bilang resulta ng hindi makatwirang kapangyarihan, pagpapakita ng lakas o pagnanais na igiit ang sarili. Ang paglikha'y nasa kaayusan ng pag-ibig. Ang pag-ibig ng Diyos ang pangunahing kalakasan sa lahat ng bagay na nilikha: "Pagkat minahal mo ang lahat ng bagay na umiiral, at wala kang kinamuhian sa lahat ng bagay na iyong ginawa; pagkat hindi mo lilikhain ang anumang iyong kinamumuhian" (Wis 11:24). Kaya ang bawat nilikha ang siyang pakay ng pagkagiliw ng Ama, at inilatag ang kinalalagyan nito sa mundo. Kahit ang panandaliang buhay ng pinakamababa mang nilikha ang siyang pakay ng kanyang pagmamahal, at kahit sa ilang saglit na pag-iral, nilulubos ng Diyos ang pagmamahal dito. Si San Basilio ang Dakila ay inilarawan ang Lumikha bilang "hindi masukat na kabutihan", samantalang sinabi ni Dante Alighieri ang "pag-ibig na nagpagalaw sa araw at mga bituin". [45] Samakatwid, maaari tayong pumaitaas mula sa mga bagay na niliha "patungo sa kadakilaan ng Diyos at sa kanyang mapagmahal na kahabagan". [46]

78. Kasabay nito, iniisip ng mga Judaeo-Kristyano ang muling pagpapaliwanag sa kalikasan. Habang patuloy na humahanga sa dingal at kalawakan nito, hindi na nito nakikitang banal ang kalikasan. Pag ginawa ito, binibigyang-diin nito ang higit pang panaangutan ng tao sa kalikasan. Ang muling pagkatuklas na ito sa kalikasan ay hindi na dahil sa kalayaan at pananagutan ng tao, na bilang bahagi ng mundo, ay may tungkuling linangin ang kanilang abilidad upang protektahan ito at paunlarin ang kakayahan nito. Kung kinikilala natin ang kahalagahan at karupukan ng kalikasan at, kasabay nito, ang kakayahang ipinagkaloob ng sa atin ng Diyos, maaari na nating iwan ang modernong alamat ng walang-katapusang materyal na pag-unlad. Isang marupok na mundo, na ipinagkatiwala ng Diyos sa pag-iingat ng tao, ay humahamon sa ating magbalangkas ng matalinong pamamaraan ng pangangasiwa, pagpapaunlad at pagtatakda ng ating kalakasan.

79. Sa sanlibutang ito, na inugit ng bukas at nakapagbabatirang sistema. maaari nating unawaan ang di mabilang na anyo ng ugnayan at pakikilahok. Inaakay tayo nitong isipin ang kabuuan bilang bukas sa transendensya ng Diyos, kung saan ito yumayabong. Pinahihintulutan tayo ng pananampalataya upang ipaliwanag ang kahulugan at di malirip na kagandahan ng kung anong naisisiwalat. Malaya tayong gamitin ang ating talino sa mga bagay na positibong umuusbong, o kaya'y pagdaragdag ng bagong sakit, bagong dahilan ng pagdurusa at totoong dagok. Ito ang nangyayari upang ang kagalakan at dula ng kasaysayan ng tao, kung saan ang kalayaan, paglago, kaligtasan at pag-ibig ay mamumulaklak, o tutungo sa panghihina o pagkasira ng isa't isa. Hinahagilap ng gawain ng Simbahan hindi lamang ang paalalahanan ang bawat isa ng tungkulin sa pangangalaga sa kalikasan, kundi kasabay nito'y "sa pangkalahatan ay dapat niyang protektahan ang tao mula sa sarili nitong pagkasira". [47]

80. Subalit ang Diyos, na nagnanais na gumawa kasama tayo at umaasa sa ating pakikipagtulungan, ay mailalabas ang kabutihan mula sa kasamaang ginawa natin. "Sinasabing mayroong walang katapusang pagkamalikhain ang Banal na Espiritu, na angkop sa banal na kaisipan, na batid kung paano luluwagan ang pisi ng pakikipag-ugnayan ng tao, kasama na ang pinakamasalimuot at hindi maunawaan". [48] Nilikha ang mundong nangangailangan ng pag-unlad, sa ilang paraan ay tinakdaan ng Diyos ang kanyang sarili sa pamamaraang ang karamihan ng mga bagay na iniisip nating masamâ, mapanganib o pinagmumulan ng pagdurusa, sa katotohanan ay bahagi ng sakit ng pagkasilang na ginagamit niya upang dalhin tayo upang makipagtulungan sa Lumikha. [49] Lubusang naroroon ang Diyos sa bawat nilikha, nang hindi nakikialam sa pagsasarili ng kanyang nilikha, at nagpalitaw ito sa nararapat na awtonomya ng mga ugnayan sa mundo. [50] Ang kanyang banal na presensya, na nagtitiyak sa ikabubuhay at paglago ng bawat nilikha, "ay ipinagpapatuloy ang mga ginawa ng paglikha". [51] Pinunô ng Espiritu ng Diyos ang sanlibutan ng mga posibilidad at kaya, mula sa puso ng mga bagay-bagay, may mga bagong laging lilitaw: "Ang kalikasan ay walang iba kundi isang uri ng sining, na tinatawag na sining ng Diyos, na itinanim sa maraming bagay, kung saan ang mga bagay na iyon ay tumungo sa isang takdang wakas. Ito'y tila baga mga gumagawa ng barko na binigyan ang troso ng kakayahang kumilos ng kusa upang magsaanyong barko". [52]

Itutuloy...

talata 71-75

71. Bagamat "ang kasamaan ng tao ay malaki sa lupa" (Gen 6:5) at ang Panginoon "ay nagsisi na nilikha niya ang tao sa lupa" (Gen 6:6), gayunman, sa pamamagitan ni Noah, na nananatiling walang bahid ng kasalanan at makatarungan, nagpasya ang Diyos na buksan ang isang landad ng kaligtasan. Sa ganitong paraan ay binigyan niya ang sangkatauhan ng pagkakataong makapagsimula ng bago. Nangyari ito dahil sa isang mabuting taong magbabalik ng pag-asa! Malinaw na ipinakikita ng tradisyong biblikal na ang ganitong pagbabago ay nangangailangan ng pagbawi at paggalang sa indayog na isinulat ng kamay ng Lumikha sa kalikasan. Nakita natin ito, halimbawa, sa batas ng Sabat. Sa ikapitong araw, nagpahinga ang Diyos sa lahat ng kanyang ginawa. Inutusan niya ang Israel na ilaan ang bawat ikapitong araw ay gawing araw ng pahinga, ang Sabat, (sg. Gen 2:2-3; Ex 16:23; 20:10). Katulad niyon, bawat pitong taon, isang taon ng sabatikal ang inilalaan para sa Israel, bilang kumpletong pahingan para sa lupa (sg. Lev 25:1-4), kung kailan ipinagbabawal ang pagtatanim at ang pag-aani naman ay yaon lamang kinakailangan upang mabuhay at mapakain ang buong pamilya (sg. Lev 25:4-6). Nagkaroon ng batas na ito bilang pagtatangkang tiyakin ang balanse at pagiging patas ng kanilang mga relasyon sa kapwa at sa lupain kung saan sila nakatira at nagtatrabaho. Kasabay nito, kinikilala rin na kaloon ng lupa kasama ang mga bunga nito ay para sa lahat. Yaong naglilinang at nangangalaga sa lupa ay naobligang ibahagi ang mga bunga nito, lalo na sa mga mahihirap, sa mga balo, mga ampon at mga dayuhang nasa kalagitnaan nila: "Kapag nag-ani kayo sa inyong lupain, huwag kayong mag-ani sa iyong bukid hanggang sa kanyang hangganan, ni huwag tipunin ang mga nangalaglag matapos ang anihan. At huwag ninyong simutin ang inyong ubasan, ni huwag pupulutin ang mga bungang nahulog sa inyong ubasan; iwan ninyo iyon para sa mga dukha at sa mga tagaibang bayan" (Lev 19:9-10).

72. Madalas ipayo sa atin ng Awit na purihin ang Diyos na Lumikha, 'siyang naglatag ng lupa sa katubigan, para sa kanyang matatag na pag-ibig magpakailanman' (Ps 136:6). Inaanyayahan din nila ang ibang nilalang na samahan tayo sa papuring ito: "Purihin siya, araw at buwan, purihin siya, lahat kayong nagniningning na bituin! Purihin siiya, kayong napakataas na kalangitan, at kayong katubigang nasa ibabaw ng kalangitan! Hayaan nyong purihin nila ang pangalan ng Panginoon, dahil siya ang nag-aatas at sila ang nilalang" (Ps 148:3-5). Hindi lang tayo umiiral dahil sa malakas na kapangyarihan ng Diyos; nabubuhay tayong kasama niya at katabi niya. Kaya nga sinasamba natin siya.

73. Inaanyayahan tayo ng mga sulatin ng mga propeta na hanapin ang panibagong kalakasan sa panahon ng pagsubok sa pamamagitan ng pagninilay sa napakamakapangyarihang Diyos na lumikha ng sanlibutan. Gayunman, ang walang hanggang kapangyarihan ng Diyos ay hindi magdadala sa atin upang takasan ang pagkagiliw niya bilang ama, pagkat sa kanya'y magkarugtong ang pagmamahal at kalakasan. Sa katunayan, nangangailangan ang buong kasiglahan ng ispiritwalidad ng kapwa pagtanggap ng banal na pag-ibig at pagsamba, nananalig sa Panginoon dahil sa kanyang walang hanggang kapangyarihan. Sa Bibliya, ang Diyos na nagpapalaya at nagliligtas ay siya ring Diyos na lumikha ng sanlibutan, at ang dalawang banal na pamamaraang ito ng pagkilos ay may ugnayang matapat at hindi mapaghihiwalay: "O, Panginoong Diyos! Ikaw na siyang lumikha ng kalangitan at sandaigdigan sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan at ng iyong nakadipang bisig! Walang napakahirap para sa iyo... Dinala mo ang iyong mamamayang Israel palabas ng lupain ng Ehipto nang maraming sagisag at kababalaghan" (Jer 32:17, 21). "Ang Panginoong ang walang hanggang Diyos, ang Lumikha ng dulo ng daigdig. Hindi siya nananamlay ni napapagod; ang kanyang pang-unawa'y hindi kayang saliksikin. Binibigyan niya ng lakas yaong nananamlay, at ng lakas yaong nanghihina" (Is 40:28b-29).

74. Ang naranasan ng pagkakadakip ng mga taga-Babylonia ang nagbunsod ng krisis ispiritwal na humantong sa mas malalim na pananampalataya sa Diyos. Ngayon ang kanyang pagkamalikhaing kapangyarihang walang hanggang ay binigyan ng angkop na pagpapahalaga upang hikayatin ang mga tao upang magkaroon ng pag-asang muli sa gitna ng kanilang kahabag-habag na kalagayan. Ilang siglo ang nagdaan, sa ibang panahon ng pagsubok at pag-uusig, nang ang Imperyong Romano'y magpataw ng lubusang kapangyarihan, muling makatatagpo ng aliw at pag-asa ang mga mananampalataya sa lumalagong pagtitiwala ng napakamakapangyarihang Diyos: "Dakila at kahanga-hanga ang iyong mga gawa, O Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat! Matuwid at tunay ang iyong pamamaraan!" (Rev 15:3). Ang Diyos na lumikha ng sanlibutan mula sa wala ay namagitan sa mundong ito at napagtagumpayan ang anumang anyo ng kasamaan. Malulupig din ang inhustisya.

75. Ang ispiritwalidad na kinakalimutan ang Diyos bilang napakamakapangyarihan at Lumikha ay hindi katanggap-tanggap. Iyan ang dahilan kung sinasamba natin ang mga makamundong kapangyarihan, o ang ating sarili na inaagaw ang kinalalagyan ng Diyos, kahit sa puntong inaangkin na ang walang katapusang karapatan upang yurakan at tapak-tapakan ang kanyang mga nilikha. Ang pinakamabuting paraan upang ibalik ang mga tao sa kanilang karapat-dapat na kalagyan, ang tapusin ang kanilang pag-angkin sa lubusang pamamahala sa buong daigdig, ay ang muling magsalita hinggil sa anyo ng Ama na lumikha at tanging nag-aangkin ng mundo. Kung hindi'y palaging igigiit ng tao ang kanilang sariling batas at interes sa reyalidad.

Itutuloy...

Biyernes, Hulyo 3, 2015

talata 66-70

66. Naglalaman ang mga salaysay sa paglikha sa aklat ng Genesis, sa kanilang sariling simboliko at naratibong wika, ng malalalim na katuruan hinggil sa pag-iral ng tao at ng pangkasaysayang reyalidad nito. Iminumungkahi nilang ang buhay ng tao'y nakatuntong sa tatlong batayan at mahigpit na nakapulot na ugnayan: sa Diyos, sa ating mga kapitbayan at sa mismong daigdig. Ayon sa Bibliya, ang tatlong mahahalagang ugnayang ito ay nabasag na, kapwa palabas at sa loob natin. Ang pagkasirang ito'y kasalanan. Ang pagkakasundong ito sa pagitan ng Lumikha, ng sangkatauhan at ng nilikha bilang kabuuan ay nilansag ng ating pag-aakalang mahahalinhan sa pwesto ang Diyos at tinatanggihang kilalanin ang ating limitasyon bilang nilalang. Dahil dito'y naging baliko ang ating mandatong "pamamahalaan" ang daigdig (sg. Gen 1:28), upang "pagyamanin ito at pangalagaan (Gen 2:15). Bilang resulta, ang orihinal na maayos na ugnayan sa pagitan ng tao at ng kalikasan ay naging gusot (sg. Gen 3:17-19). Mahalagang ang pagkakatugmâ ng mga karanasan ni San Francisco ng Assisi sa lahat ng mga nilalang ay makikitang isang pagpapahilom sa pagkasirang iyon. Tinanganan naman ni San Buenaventura na, sa pamamagitan ng pangkalahatang rekonsiilyasyon sa bawat nilalang, kahit papaano'y bumalik si San Francisco sa kalagayan ng orihinal na kawalang malay. [40] Ito'y napakalayo sa kalagayan natin ngayon, kung saan nahahayag ang mga kasalanan sa lahat ng mga mapanirang lakas sa mga digmaan, sa samutsaring anyo ng karahasan at pang-aabuso, ang pag-iwan sa mga pinakamahihina, at mga pag-atake sa kalikasan.

67. Hindi tayo Diyos. Narito na ang mundo bago pa ang tao at ito'y ipinagkaloob sa atin. Ito'y nagpapahintulot sa atin na sagutin ang mga bintang na ang kaisipang Judaeo-Kristyano, sa batayan ng salaysay sa Genesis na nagbibigay sa tao na "pamahalaan" ang daigdig (sg. Gen 1:28), ang nahikayat sa walang habas na pagsasamantala sa kalikasan sa pamamagitan ng paglalarawan sa kanya bilang mapaghari-harian at mapanira sa kalikasan. Hindi ito ang wastong interpretasyon ng Bibiliya tulad ng pagkakaunawa ng Simbahan. Bagamat totoong tayong mga Kristyano paminsan-minsan ay namamali sa pagpapaliwanag ng Banal na Kasulatan, sa ngayon apat nating matinding itakwil ang kaisipang ang ating pagkakalikha sa imahen ng Diyos at pagbibigay ng pamamahala sa daigdig ay nagbibigay-katwiran sa ganap na pangingibabaw sa iba pang nilalang. Ang mga tekstong bibllikal ay dapat basahin sa kanilang konteksto, ng may angkop na ermenyútikó, na kinikilalang sinasabi sa ating "pagyamanin at pangalagaan" ang halamanan ng daigdig (sg. Gen 2:15). Ang "pagpapayaman" ay tumutukoy sa paglilinang, pag-aararo o pagtatrabaho, habang ang "pangangalaga" ay nangangahulugang pag-iingat, pagtatanggol, pangangasiwa at pagpapanatili. Nagpapahiwatig ito ng ugnayan ng isa't isa sa pananagutan sa pagitan ng tao at ng kalikasan. Ang bawat pamayanan ay maaaring kumuha mula sa ipinagkakaloob ng daigdig anuman ang kailangan nito upang mabuhay, ngunit may tungkulin din itong protektahan ang daigdig at tiyaking namumunga ito para sa mga susunod na salinlahi. "Ang daigdig ay sa Panginoon" (Ps 24:1); sa kanya nagmumula "ang daigdig at lahat ng nasa loob nito" (Dt 10:14). Kaya itinatatwil ng Diyos ang anumang pahayag ng ganap na pag-aari: "Ang lupa ay hindi dapat ipagbili ng palagian pagkat ang lupang ito'y akin; pagkat kayo ay mga dayuhan at pansamantala lang tumitigil dito kasama ko" (Lev 25:23).

68. Ang pananagutang ito para sa daigdig ng Diyos ay nangangahulugang ang tao, na pinagkaloob ng talino, ay dapat igalang ang mga batas ng kalikasan pati na ang maselang balanseng umiiral sa pagitan ng mga nilalang sa mundong ito, pagkat "ipinag-utos niya at sila'y nilikha; at itinatag sila ng panghabampanahon; inayos niya ang kanilang mga hangganan at nagtakda ng batas na hindi mapasusubalian" (Ps 148:5b-6. Ang mga batas na matatagpuan sa Bibliya ay hinggil sa ugnayan, hindi lamang ng mga indibidwal, kundi ng iba pang nilalang. "Hindi mo dapat tingnan ang buriko ng iyong kapatid o ang pagkahulog ng kanyang palakol sa daan at pigilan ang iyong pagtulong... Sakaling makita mo ang isang pugad ng ibon sa anumang puno o sa lupa, may inakay na o itlog at ang kanilang ina'y lumilimlim sa mga inakay o sa mga itlog; huwag mong kukunin ang ina kasama ang mga inakay" (Dt 22:4, 6). Kasama ng mga linyang ito, ang pamamahinga sa ikapitong araw ay hindi lamang para sa mga tao. kundi upang "ang iyong palakol at iyong buriko ay makapagpahinga" (Ex 23:12). Ang maliwanag, ang Bibliya'y walang lugar para sa malupit na antroposentrismo na walang malasakit sa ibang nilikha.

69. Sama-sama sa aming obligasyon upang gamitin ng may pananagutan ang mga nilikha ng daigdig, tinawag tayo upang kilalanin na ang iba pang mga buhay na nilalang ay may sariling halaga sa mata ng Diyos: "sa kanilang pag-iral lamang ay binabasbasan nila siya at pinapupurihan siya", [41] at kaya, "nagagalak ang Panginoon sa kanyang mga ginawa" (Ps 104:31). Dahil sa ating natatanging dignidad at ang kaloob sa ating katalinuhan, tinawag tayo upang igalang ang sangnilikha at ang mga katutubo nitong batas, dahil "ang Panginoon sa pamamagitan ng karungungan ay nilikha ang daigdig" (Prov 3:19). Sa ating panahon, hindi sinasabi lang ng Simbahan na ang ibang nilalang ay ganap na nakapailalim sa kagalingan ng tao, na animo'y wala silang halaga sa kanilang sarili at maaaring tratuhin sa kung ano ang nais natin. Itinuro ng mga obispong Aleman na, kapag inaalala ang iba pang nilalang, "sinasabi natin ang pangunguna ng pagiging nilalang kaysa sa gamit nito sa atin". [42] Maliwanag at mariing pinuna ng Katekismo ang maling antroposentrismo: "Nag-aangkin ang bawat nilalang ng sarili nitong partikular na kabutihan at kaganapan... Ang bawat samutsaring nilalang, na ninais ang sarili nitong pag-iral, ay sumasalamin sa sarili nitong paraan ng pagbanaag sa walang hanggang karunungan at kabutihan ng Diyos. Kaya dapat igalang ng tao ang natatanging kabutihan ng bawat nilalang, upang maiwasan ang pagkakagulo ng gamit ng mga bagay". [43]

70. Sa kwento ni Cain at Abel, nakita natin kung paanong ang inggit ay nagtulak kay Cain na makagawa ng matinding inhustisya laban sa kanyang kapatid, na naging dahilan upang masira ang ugnayan nina Cain at ng Diyos, at sa pagitan ni Cain at ng lupa kung saan siya naglaho. Maliwanag itong makikita sa madulaing pagtatagpo ng Diyos at ni Cain. Tinanong ng Diyos: "Nasaan ang kapatid mong si Abel?" Sumagit si Cain na hindi niya alam, at iginiit ng Diyos: "Anong ginawa mo? Nananaghoy sa akin ang tinig mula sa lupa ng dugo ng iyong kapatid. At ngayon ay isinumpa ka mula sa lupa" (Gen 4:9-11). Ang pagpapabaya sa tungkuling maglinang at panatilihin ang tamang ugnayan sa aking kapitbahay, kung saan ang pangangalaga at pag-iingat na aking pananagutan, ay nakasira sa aking ugnayan sa aking sarili, sa kapwa, sa Diyos at sa daigdig. Kapag pinabayaan ang lahat ng mga relasyong ito, kapag hindi na nananahan ang katarungan sa lupain, sinasabi sa atin ng Bibliya na nanganganib ang mismong buhay. Makikita natin ito sa kwento ni Noah, kung saan nagbanta ang Diyos na pabayaan ng sangkatauhan dahil sa palagian nitong kabiguan na tuparin ang mga rekisitos ng katarungan at kapayapaan: "Ipinasiya kong lipulin na ang lahat ng nilalang; pagkat ang daigdig ay puno na ng karahasan dahil sa kanila" (Gen 6:13). Ang mga sinaunang kwentong ito, na punung-puno ng simbolismo, ay saksi sa matibay na paniniwalang pinagsasamahan natin ngayon, na ang lahat ng bagay ay magkaugnay, at ang totoong pangangalaga sa ating sariling buhay at sa ating pakikipag-ugnayan sa kalikasan ay hindi maihihiwalay sa pagkakapatiran, katarungan at katapatan sa kapwa.

Itutuloy...

Huwebes, Hulyo 2, 2015

talata 61-65

61. Sa maraming mga kongkretong usapin, ang Simbahan ay walang dahilang magbigay ng depinidong opinyon; alam niyang dapat hikayatin ang mga eksperto sa matapat na debate, habang iginagalang ang mga naiibang pananaw. Ngunit kailangan lang nating titigan ang mga katotohanan upang makitang ang tahanan nating lahat ay bumabagsak na sa malubhang pagkasira. Ipinakikita sa atin ng pag-asa na laging may paraan upang makalabas sa mga problemang ito, na lagi nating mababago ang ating mga hakbang, na lagi tayong may magagawa upang malutas ang ating mga suliranin. Nakakakita pa rin tayo ng mga palatandaan na umaabot na ang mga bagay sa mga punto ng pagkawasak, dahil sa mabilis na hakbang ng pagbabago at kalagayang marawal; maliwanag ito sa mga malalaking kalamidad, pati na rin sa panlipunan at pinansyal na krisis, sapagkat ang mga problema ng mundo'y hindi masusuri o maipaliliwanag ng nag-iisa. Maraming rehiyon ngayon ang nasa matinding panganib at, bukod sa lahat ng mga hula-hula ng pagkagunaw, ang kasalukuyang pandaigdigang sistema ay sadyang hindi sustenable kung pag-uusapan ang ilang mga pananaw, dahil tumigil na tayong mag-isip ng mga layunin ng aktibidad ng tao. "Kung pagmamasdan natin ang mga rehiyon ng ating planeta, agad nating makikitang binigo ng sangkatauhan ang inaasahan ng Diyos". [35]

IKALAWANG KABANATA

ANG EBANGHELYO NG PAGLIKHA

62. Bakit ang dokumentong ito, na ipinahahayag sa lahat ng taong may mabuting kalooban, ay nagsama ng kabanata hinggil sa paniniwala ng mananampalataya? Lubos kong nalalaman na sa larangan ng pulitika at pilosopiya naririyan ang mga taong pirming itinatanggi ang ideya ng isang Manlilikha, o itinuturing itong walang katuturan, at agad nang binabalewala bilang walang katwiran ang mayamang ambag na magagawa ng mga relihiyon tungo sa kabuuang ekolohiya at sa ganap na pagsulong ng sangkatauhan. Ang iba naman ay tinitingnan lamang ang relihiyon bilang isang subkulturang dapat payagan. Gayunpaman, ang agham at relihiyon, kasama ang kanilang natatanging pagtugon sa pag-unawa sa reyalidad, ay maaaring lumahok sa matinding talakayanag kapaki-pakinabang sa kanila.

I. ANG LIWANAG NA IDINUDULOT NG PANANAMPALATAYA

63. Dahil sa pagiging kumplikado ng krisis sa ekolohiya at sa samutsari nitong sanhi, dapat nating mapagtantong hindi lilitaw ang mga solusyon sa isang paraan lamang ng pagpapaliwanag at pag-iibang anyo ng reyalidad. Dapat ipakita rin ang paggalang sa samutsaring yamang pangkultura ng iba't ibang tao, ang kanilang sining at panulaan, ang kanilang panloob na buhay at ispiritwalidad. Kung totoong inaalala nating makabuo ng ekolohiyang kayang lutasin ang mga pinsalang nagawa natin, walang sangay ng agham at walang anyo ng karunungan ang dapat kaligtaan, at kasama na riyan ang relihiyon at ang wikang nakapatungkol dito. Bukas ang Simbahang Katoliko sa mga pag-uusap ng may kaisipang pilosopikal; ito'y nagagawa niya upang makalikha ng samutsaring sintesis sa pagitan ng pananampalataya at katwiran. Ang pagyabong ng mga panlipunang katuruan ng Simbahan ay kumakatawan sa mga gayong sintesis kung pag-uusapan ang mga panlipunang usapin; ang katuruang ito'y inanyayahang pagyamanin sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga bagong hamon.

64. Dagdag pa, bagamat tinatanggap ng Ensiklikong ito ang pakikipagtalakayan sa lahat upang sama-sama nating hanapin ang landas ng paglaya, nais kong mula sa simula'y ipakita kung paanong ang pananampalataya'y maiaalay sa mga Kristyano, pati na rin sa iba pang naniniwala, ang sapat na motibasyon upang ingatan ang kalikasan at lalo na ang mga pinaka-bulnerable nilang mga kapatid. Kung ang simpleng katotohanang ang pagiging tao'y nagpapakilos sa kanila upang pangalagaan ang kapaligiran kung saan sila'y bahagi, ang mga Kristyano naman ay "napagtatanto ang kanilang pananagutan sa mga nilikha, at ang kanilang tungkulin sa kalikasan at sa Lumikha, bilang mahalagang bahagi ng kanilang pananampalataya". [36] Mabuti para sa sangkatauhan at sa buong sandaigdigan kung tayong mga mananampalataya ay mas kinikilala ang ekolohiyang pangakong nagmumula sa ating mga paniniwala.

II. ANG KARUNUNGAN NG MGA BIBLIKAL NA SALAYSAY

65. Nang hindi inuulit ang buong teolohiya ng paglikha, matatanong natin kung ano ang masasabi ng mga dakilang salaysay na biblikal hinggil sa ugnayan ng tao sa daigdig. Sa unang salaysay ng paglikha sa Aklat ng Genesis, kasama sa plano ng Diyos ang paglikha sa sangkatauhan. Matapos malikha ang lalaki at babae, "Nakita ng Diyos ang lahat ng kanyang ginawa, at pinagmasdang napakaganda niyon" (Gen 1:31). Itinuturo ng Bibliya na bawat lalaki at babae ay nilikha mula sa pag-ibig at ginawa sa imahe at pagkakatulad sa Diyos (sg. Gen 1:26). Ipinakita nito sa atin ang malaking dangal ng bawat tao, "na hindi lang siya isang bagay, kundi isang tao. May kakayahan siya sa sariling-kaalaman, sa sariling-pag-angkin at sa malayang pagbigay ng sarili at pagpasok sa pakikipagkaisa sa ibang tao". [37] Ipinahayag ni San Juan Paolo II na ang ispesyal na pagmamahal sa Lumikha para sa bawat tao "ay magdudulot sa kanya ng isang walang katapusang karangalan." [38] Yaong mga nakatuon sa pagtatanggol sa dignidad ng tao ay matatagpuan sa pananampalatayang Kristyano ang mga pinakamalalim na dahilan ng ganitong ganap na pagkilos. Gaano kahanga-hanga ang katiyakang ang bawat buhay ng tao ay hindi nakalutang sa laot ng walang kapag-a-pag-asang kaguluhan, sa mundong pinangungunahan ng purong kapalaran o ng walang katapusang pabalik-balik na siklo! Masasabi sa bawat isa sa atin ng Lumikha: "Bago ka pa malagay sa sinapupunan, kilala na kita" (Jer 1:15) Ipinagbuntis tayo sa pag-ibig ng Diyos, at sa dahilang ito, bawat isa sa atin ay bunga ng isipan ng Diyos. Bawat isa sa atin ay ipinagkaloob, bawat isa sa atin ay minamahal, bawat isa sa atin ay kinakailangan". [39]

Itutuloy...

talata 56-60

56. Samantala, patuloy ang kapangyarihang pang-ekonomya na bigyang-katwiran ang kasalukuyang pandaigdigang sistema kung saan mas inuuna ang ispekulasyon at ang paghahabol sa pinansyal na ganansya, kung saan bigo itong tingnan ang konteksto, pabayaan man ang mga epekto nito sa dignidad ng tao at likas na kapaligiran. Dito'y nakikita natin kung paano ang mahigpit na kaugnayan ng pagkasira ng kapaligiran at ang marawal na kalagayan ng tao at etika. Maraming mga taong magkakaila na may ginawa silang mali dahil patuloy na pinapupurol ng pagkagambala ang ating kamalayan kung gaano nga ba kalimitado at may hangganan ang ating mundo. Bilang resulta, ang anumang may karupukan, tulad ng kapaligiran, ay hindi maipagtatanggol sa harap ng sinasambang pamilihan, na naging natatanging batas". [3]

57. Nakikinita na natin, na pag mauubos na ang isang likasyaman, maitatakda ang isang tagpuan para sa mga bagong digmaan, kahit sa pagkukunwaring may marangal na paghahabol. Lagi nang matinding napipinsala digmaan ang kapaligiran at ang mayamang kultura ng sangkatauhan, mga panganib na lumulubha kapag isasaalang-alang ang armas-nukleyar at sandatang biyolohikal. "Sa kabila ng mga pandaigdigang kasunduan na nagbabawal sa kemikal, bakteryolohikal at biyolohikal na digmaan, ang totoo'y patuloy ang pananaliksik sa laboratoryo upang bumuo ng mga bagong armas pang-opensa na kayang baguhin ang balanse ng kalikasan". [34] Dapat biyan ng pulitika ng higit na pansin ang mag nakikinitang bagong mga labanan at tugunan ang mga dahilan na maaaring humantong doon. Subalit pinatunayang pinakamatinding lumaban sa mga pagsisikap na ito ang mga makapangyarihang pinansyal na interes, at ang pulitikal na pagpaplano'y nauuwi sa kakulangan ng lawak ng pananaw. Ano ang makahihikayat sa sinuman, sa yugtong ito, na panghawakan ang kapangyarihan upang magunita lamang sa kanilang kawalang kakayahang umaksyon ng agaran at kapag kailangan nang kumilos?

58. Sa ilang bansa, may mga positibong halimbawa ng pagpapabuti sa kapaligiran: mga ilog, na kayrumi na sa ilang dekada, ay nililinis na; ang mga taal na kakahuyan ay muling ibinalik; pinaganda ang mga tanawain, salamat sa mga proyektong muling pagbabago ng kapaligiran; itinayo ang magagandang gusali; isigawa ang mga pagsulong sa produksyon ng enerhiyang hindi-marumi at ang pagpapahusay sa pampublikong transportasyon. Hindi malulutas ng mga nagawang ito ang pandaigdigang suliranin, subalit ipinakita nito na may kakayahan ang mga tao na positibong mamagitan. Sa lahat ng ating limitasyon, ang pagpapakita ng kagandahang-loob, pagkakaisa at pangangalaga ay maaaring di pa mabuti, ngunit nilikha tayo para sa pag-ibig.

59. Kasabay nito, maitatala natin ang paglitaw ng isang mali o mababaw na ekolohiya kung saan dala nito'y pagiging kampante at nasisiyahan sa pagwawalangbahala. Tulad ng madalas mangyari sa panahon ng matinding krisis na nangangailangan ng mapangahas na pagpapasiya, natutukso tayong isiping ang nagaganap ay hindi lubusang malinaw. Sa mababaw na pagtingin, bukod sa ilang nakikitang senyales ng polusyon at pagkasira, tila baga hindi mukhang malubha ang mga bagay-bagay, at magpapatuloy na mabuhay ang planeta sa ilan pang panahon. Ang mga tulad nitong hindi makatwiran ang nagsisilbing lisensya upang magpatuloy sa ating kasalukuyang estilo ng pamumuhay at mga modelo ng produksyon at pagkonsumo. Ito ang pamamaraan ng tao upang palalain ang kanilang bisyong nakasisira sa sarili: sinusubukang hindi ito makita, sinusubukang hindi ito matanggap, binibinbim ang mga mahahalagang desisyon at nagkukunwaring hindi ito mangyayari.

VII. SAMUTSARING KURO-KURO

60. Panghuli, kailangan nating kilalanin ang iba't ibang pagtugon at uri ng pag-iisip na lumilitaw hinggil sa kalagayang ito at sa mga posible nitong kalutasan. Sa sukdulan, nakikita nating yaong nagpipilit tanganan ang mito ng progreso at nagsasabi sa ating ang mga problemang ekolohikal ay lulutasin nila sa pamamagitan ng aplikasyon ng bagong teknolohiya at ng walang anumang pangangailangan isaalang-alang ang kabutihang asal o matinding pagbabago.
Sa kabilang dulo naman ay yaong tumitingin na ang mga tao at ang kanilang pakikialam ay hindi lamang isang banta, inilalalagay sa panganib ang pandaigdigang ekosistema, at ang presensya ng tao sa planeta ay dapat mabawasan at ang lahat ng anyo ng pakikialam ay ipagbawal. Ang anumang maaaring mangyari sa hinaharap ay dapat mabuo sa pagitan ng nabanggit na dalawang kaduluhan, dahil wala namang iisang landas sa isang solusyon. Kaya posible ang samutsaring panukala, na lahat ay kayang pumasok sa mga pag-uusap na may pananaw na makapagbuo ng mga komprehensibong solusyon.

Itutuloy...